SA PAGLIPAS pa ng ilang gabi ng pagpili ay walang narinig si Cordelia kay Cassandra bukod sa ang tanga tanga raw ni Cromuella.
Hindi naman niya pinakikinggan ito. Ikaanim na gabi na ng pagpili, pero si Cinderella pa rin ang madalas na isayaw ng prinsipe. Naisasayaw lang nito ang ibang babae kapag pumapatak ang alas dose at tumatakbo si Cinderella paalis ng palasyo. Sa mga panahong iyon ay nakainom na si Cordelia ng tabletas kaya hindi bumalik sa dati ang kanyang anyo. Pero hindi na din niya binabalak na makipagsayaw sa prinsipe. Masaya na kasi siya na makasama si Kael.
"Tanga talaga! Tonta! Estupida!" sabi ni Cassandra. "Ang plano ay makabingwit ng prinsipe, kumbinsehin agad iyong magpakasal bago pa maubos ang tabletas! Hindi makipaglapit sa isang magnanakaw! Ngayon, asan na ang gagang 'yon? Wala na!"
Napatingin si Cordelia kay Cassandra. Titig na titig ito sa kanya habang nagsasalita.
"Ikaw? Nasa isip mo pa rin naman ang plano, 'di ba, Cordelia?" may gigil na sabi ni Cassandra. "Hindi ka pa rin naman naliligaw ng landas, 'di ba?"
Doon lang napagtanto ni Cordelia kung bakit araw araw na sinasabihan ni Cassandra na boba si Cromuella. Malamang na nakikita nito na mas malapit na siya ngayon sa right hand man ng prinsipe, kaysa sa isang prinsipe mismo.
"Naintindihan mo na ba ang sinasabi ko, Cordelia?" tanong ni Cassandra, tumaas ang kilay. "Hindi ang kanang kamay ng prinsipe ang dapat mong mapaibig sa 'yo sa maganda mong anyo. Naiintindihan mo pa rin naman iyon, 'di ba?"
Tumango si Cordelia. Sa totoo lang ay naiintindihan naman niya iyon. Nitong mga nakalipas na araw ay hindi na siya nagbalak na makipag-usap o makuha ang atensyon ng prinsipe. Palaging si Kael na lang ang kasa-kasama niya.
Hindi iyon ang naunang plano. Ang plano ay makapangasawa ng prinsipe...
"MAKAPANGASAWA ng prinsipe? Nahihibang ka na ba, anak?!" iyon ang sabi sa kanya ng ina niyang mangkukulam. Isang gabing naghahapunan sila sa hapag bilang isang pamilya. Tumawa nang malakas ang kuya niya at tahimik naman ang papa niya, pero napapailing.
"Hindi ako hibang, ina. May plano si Cassandra. Kung masusunod namin ang plano--"
"Ni hindi nga tayo makapasok sa ibang kaharian! Kapag nakita kayo doon, papatayin kayo agad! Alam mo naman na galit sila sa mga mangkukulam dahil sa ginagawa ng ating mga pinuno!"
Parang hindi narinig ni Cordelia ang sermon ng kanyang ina. "May plano si Cassandra. Pupuslit kami, magnanakaw ng damit ng babaylan--"
"Tapos ay paano? Hindi naman puwedeng makilahok sa Pitong Gabi ng Pagpili ang mga babaylan. Sila ay mga babaylan! Walang ibang ginawa ang mga iyon kundi matulog!" sabi pa ng kanyang ina, sinamahan ng napakalutong na halakhak.
"Birhen pa kaya ang mga babaylan, ina?" sabi ng kanyang nakatatandang kapatid na lalaki. Ito ang isa sa mangilan-ngilang guwapong mangkukulam sa lugar nila. Hindi gaanong malaki ang ilong nito, walang butlig sa mukha at kaunti lang ang balikong ngipin.
"Birhen, sigurado ang mga iyon, anak," nakangiting sabi ng ina ni Cordelia, mausyong hinimas ang mukha ng paborito nitong supling. "Mukhang mahilig ka talaga sa birhen, ano?"
"Pero mas gusto ko pa rin ang mga nakatatandang babae na may karanasan na," sabi ng kuya ni Cordelia, ngising-ngisi.
Tumawa lang ang ina ni Cordelia, ang braso naman ng anak nitong lalaki ang hinihimas nito. Minsan ay gusto niyang mandiri sa kakaibang relasyon ng kuya niya sa kanyang ina.
"Ikaw, nakakuha ka ba ng pera mula sa mga binabae sa nayon?" tanong ng ina niya sa kuya niya. Wala na itong pakialam sa kagustuhan niyang makapangasawa ng prinsipe. Tapos na para dito ang usapan.
"Opo, ina," sagot ng kuya ni Cordelia. "Binayaran ako ng binabae nating kapitbahay na si Alondra. Natuwa siya sa ginawa ko sa kanya na binigyan niya ako ng malaking halaga."
Tumawa ang ina ni Cordelia. Pinisil ang pisngi ng kuya niya. "Kainin mo ang huling laman ng usa, anak ko. Makabubuting magkaroon ka uli ng lakas na serbisyuhan ang malulungkot na binabae sa nayon."
"Tapos na po ako," sabi ni Cordelia. Hindi na niya hinintay na makasagot ang mga iyon. Tumayo na siya mula sa kinauupuan niyang silya. Habang palayo siya sa hapag ay naririnig pa niya ang tawa ng kanyang ina. Mukhang nabaling muli ang atensyon nito sa gusto niyang mangyari.
"Makapangasawa ng prinsipe? Nababaliw na talaga! Paanong pakakasalan siya ng prinsipe sa hitsura niyang iyon?"
Tumawa pa nang malakas ang kanyang ina kaya napilitan siyang lumabas ng bahay. Madilim sa labas. Walang ilaw doon. Ang tanglaw lang ng mga bahay ay liwanag ng buwan at mga gasera. Imahe ng kahirapan ang makikita sa mga sira-sirang tahanan.
Naglakad si Cordelia na puno ng pandidiri sa lugar na iyon--sa lugar ng mga mangkukulam, sa lugar na kinalakihan niya. Lalo na at kabi-kabila ang nakikita niyang mga lalaki at babaeng "hamer." Hamer ang kuya niya, ipinagbebenta nito ang katawan nito sa iba pang mangkukulam.
Dumiretso siya sa bukirin. Umupo siya sa malamig ngunit makating damuhan. Tiningala niya ang malaki at maliwanag na buwan.
"Hindi ako mananatili sa isinumpang lugar na ito," sabi ni Cordelia. "Makakatakas ako dito. Makakapangasawa ako ng prinsipe. At mamumuhay ako nang marangya. Mamumuhay ako nang masaya!"
Tumawa si Cordelia. Tawang napalitan ng hagulgol. Sa mga nakarinig sa kanya noong gabing iyon, malamang na naisip na isa siyang mangkukulam na nasiraan na ng bait. Palagi din kasing nangyayari iyon.
Pero kilala ni Cordelia ang sarili niya. Alam niya kung ano siya--sino siya. Isang mangkukulam na makakapag-asawa ng prinsipe at makakatakas sa magulong kaharian nila.
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)
RomanceTatlong mangkukulam... sina Cordelia, Cromuella at Cassandra ang nangangarap makapangasawa ng prinsipe. Binlackmail nila si Fairy Godmother na pagandahin sila, para makadalo sa piging ng hari at makapang-akit ng prinsipe. Mangyari naman kaya? Kung h...