NAGULAT si Cordelia nang patulog na lang siya ay kumatok ang isa sa mga tigapagluto ng palasyo. Nag-abot ito ng sulat sa kanya. Sulat na galing sa prinsipe.
Magpunta ka sa balkonahe ng palasyo. Mag-usap tayo.
Gustong manlumo ni Cordelia. Pagod na pagod na siya pero alam niyang hindi niya dapat suwayin ang prinsipe. Lalo pa at ito ang naisip niyang paraan para malaman ang nakaraan ni Kael.
Kaya kahit inaantok na ay sumunod siya. Siniguro muna niyang nakainom siya ng tabletas bago siya umalis ng kuwarto. Nakaupo sa balkonahe ang prinsipe, nakatingin sa maliwanag na buwan.
Mukhang naramdaman nito ang presensiya niya dahil lumingon ito at ngumiti.
"Dito ka," sabi ng prinsipe. Tinapik nito ang espasyo sa tabi nito.
Tumango si Cordelia, umupo sa tabi ng prinsipe.
"Gabi na po, ah. May kailangan po ba kayo?"
"May gusto sa 'yo si Kael," biglang sabi ng prinsipe.
"Ano po?" sabi niya, kahit narinig naman niya. Mabilis ang tibok ng puso niya sa narinig.
Nilingon siya ng prinsipe. Ngumiti ito. "May gusto sa 'yo si Kael."
Pinilit ni Cordelia na tumawa. "Imposible po 'yon," sabi niya, pailing-iling pa.
"Bakit naman?"
"Kasi po..." Hindi niya maituloy ang sasabihin. Hindi niya masabing galit si Kael sa mga mangkukulam at isa siyang mangkukulam kaya imposibleng magustuhan siya nito.
"Maganda ka naman, bakit hindi ka niya magugustuhan?"
Umiling si Cordelia, hindi na nagsalita.
"Alam mo ba na palaging bukambibig ng aking amang hari si Kael?"
Umiling siya. Hindi naman nagkukuwento masyado si Kael tungkol sa mga magulang nito. Ang alam lang niya ay ayaw nito ng desisyon na ipakasal ito kay Rapunzel.
"Masipag daw si Kael, matalino," sabi ng prinsipe. "Bakit hindi ko raw gayahin? Batugan daw ako. Mahina pa ang ulo."
Hindi inalis ni Prince Charming ang tingin nito sa buwan. Nakangiti ito pero may kalungkutan sa tinig nito. "Minsan, aaminin ko na naiinggit ako kay Kael."
"Pero mataas po ang respeto sa inyo ni Kael. Alam ko 'yon."
Umismid ang prinsipe. Tapos ay tumingin sa kanya. "May gusto ka rin sa kanya, ano?"
Muntik nang mahulog sa balkonahe si Cordelia sa pagkagulat at pagtanggi.
"Hindi mo mapagkakaila," sabi ng prinsipe. "Madalas mo siyang titigan kapag nasa loob tayo ng karwahe. Hindi n'yo siguro napapansin, pero nagtititigan kayo."
Nag-init ang mukha ni Cordelia. "Hindi naman po sa gano'n," pagkakaila pa niya. "Pakiramdam ko lang po... malungkot si Kael. Nakikita ko po sa mga mata niya."
Walang sinabi ang prinsipe. Doon na naisip ni Cordelia na buksan ang paksal tungkol sa nakaraan ni Kael.
"Saka po... parang ang laki ng galit niya sa mga mangkukulam."
"Sino ba naman ang hindi galit sa mga mangkukulam?"
"Opo," sabi ni Cordelia. May point naman. "Pero iba po ang galit niya... parang... may malalim na pinag-uugatan."
Tahimik lang ang prinsipe. Pagkatapos ay tumango. "Dahil iyon kay Jovita."
Naalerto si Cordelia. "Jovita?"
"Ang mangkukulam na naging kasintahan niya," sabi ng prinsipe.
Hindi inaasahan ni Cordelia ang narinig. Napatulala siya sa prinsipe. Muli siyang nilingon ng prinsipe at tumawa ito.
"Hindi mo inaasahan ano?" sabi nito. "Oo, nagkagusto siya sa isang mangkukulam."
Napakurap si Cordelia. Pagkatapos ay utal-utal na nagtanong, "A-ano po'ng nangyari?"
Hindi sumagot ang prinsipe. Tumingin muna ito sa buwan, bumuntong-hininga at doon nagsimulang magkuwento...
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)
RomansTatlong mangkukulam... sina Cordelia, Cromuella at Cassandra ang nangangarap makapangasawa ng prinsipe. Binlackmail nila si Fairy Godmother na pagandahin sila, para makadalo sa piging ng hari at makapang-akit ng prinsipe. Mangyari naman kaya? Kung h...