NANG magmulat ng mga mata si Cordelia ay itinabing niya ang kanyang kamay sa harapan ng kanyang mukha dahil masakit sa mga mata ang liwanag na lumalagos sa bintana.
Tumagilid siya ng higa, patalikod sa bintana.
Umungol siya at pinakiramdaman ang sarili. Base sa pagkakaalala niya ay sinaktan siya ng mga taong dumalo sa piging ng hari. Labis na sakit ang naramdaman niya niyon kaya inisip na niya na doon na siya sa bulwagan ng palasyo mamamatay.
Pero dumating si Kael at iniligtas siya nito. Ang huling naalala niya ay nakasakay sila kay Stalin. Doon na siya tuluyang nawalan ng malay.
At ngayon ay nagising siya uli, buhay, at kataka-takang wala siyang naramdamang sakit sa katawan. Hindi nga lang iyon, kakaibang enerhiya din ang nararamdaman niya, na parang kagagaling lang niya sa isang masarap at maayos na pagtulog.
Ano'ng nangyari?
"Gising ka na pala," narinig niyang may nagsalita.
Napabangon siya paupo dahil sa pagkagulat, inaasahang isa iyon
sa mga gustong manakit sa kanya. Nabigla siya dahil nagawa niyang makabangon agad. Pero mas nabigla siya nang makita kung sino ang nagsalita.
Si Cassandra.
Nakatayo ito, magkasalikop ang kamay, nakatingin sa kanya. May tipid na ngiti sa mga labi nito.
"Cassandra," pagtawag niya sa pangalan nito. "Bakit ka nandito? Nasaan..." Inilibot niya ang paningin sa paligid. Pamilyar sa kanya ang lugar.
"Bahay ito ng diwatang tumulong sa 'tin," sabi ni Cassandra. "Dito ka namin dinala dahil binalak kang dalhin ng lalaking umiibig sa 'yo sa ating kaharian."
Nang marinig ang mga salitang "lalaking umiibig sa 'yo" ay agad siyang nakaramdam ng kagustuhang makita si Kael.
"Nasaan si Kael?" sabi ni Cordelia, iginala ang paningin sa paligid. "Nasaan siya?"
Umupo si Cassandra sa kama. "Kasama siya ni Saul, nagsasanay sila sa likod ng bahay."
"Pupuntahan ko siya--"
Pinigilan siya ni Cassandra. "Makikita mo rin siya mamaya. Tingin ko kapag nalaman niyang gising ka na ay hindi rin siya makatitiis na hindi ka makita."
Nag-init ang magkabila niyang pisngi sa narinig. Tumango siya, kahit paano ay napayapa ang loob. "Ano ba ang nangyari? Wala akong maramdamang sakit."
"Gamit ang mahika ay napagaling ka ni Fairy Godmother," sabi ni Cassandra. "Tinulungan na rin niya tayo. Itinago ka niya sa mga kawal ni Haring Seleo na naghahanap sa 'yo."
Hindi nakasagot si Cordelia.
"Isang kahibangan ang naging plano mo, Cordelia," sabi ni Cassandra. "Tingin mo ba ay mapapatawad ka nila kapag inamin mo na mangkukulam ka?"
Umiling si Cordelia. "Ang gusto ko lang ay pakawalan nila si Kael. Ang gusto ko lang ay makabawi sa lahat ng sakit na idinulot ng lahi natin kay Kael. Alam mo, ngayon ko lang naisip kung gaano tayo kasama. Kung gaano kahayup ang ginagawa ng mga opisyal natin sa mga kabataang dinadakip nila tuwing ika-apat na taon," tuloy-tuloy na sabi ni Cordelia. "Kaya naisip ko na baka kapag naging matapat ako, ay maisip nilang seryoso ako sa hangarin kong tulungan sila na itigil ang kasamaan ng mga mangkukulam--partikular ang mga lider natin doon."
Ngumiti si Cordelia, pagkatapos ay napailing. "Tingin mo naman, kapag nakipagtulungan ka ay magiging matagumpay kayo sa pagpapahinto ng kasamaan ng ating lahi? Malalakas ang hari nating mga mangkukulam. Hindi tayo tinuruaang mga ordinaryong mangkukulam masyado ng salamangka dahil ayaw niyang lumaban tayo sa kanya. Marami siyang alam sa mahika, higit pa sa alam ng mga diwata kaya siguradong hindi kayo mananalo sa kanya."
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)
Roman d'amourTatlong mangkukulam... sina Cordelia, Cromuella at Cassandra ang nangangarap makapangasawa ng prinsipe. Binlackmail nila si Fairy Godmother na pagandahin sila, para makadalo sa piging ng hari at makapang-akit ng prinsipe. Mangyari naman kaya? Kung h...