#49_Ang Kwento ni Archan

2.4K 138 14
                                    

#49_Ang Kwento ni Archan



May 3, Sunday

11:20 AM.

[GLORIA'S POV]

"Nanang, Tiya Guring ito nga po pala si Ariana. Kasintahan ko po sa Maynila." Ang pakilala ng aking pamangkin na si Christian sa babaeng kasama niya.

Kakarating lang nila galing Maynila. Nagulat nga kami sa biglaang pagdating nila.

"Magandang umaga po sa inyo." Bati sa amin ng babae.

"Anong ginagawa ninyo dito at napasugod yata kayo bigla nitong kasintahan mo?" Ang tanong ng aking nakakatandang kapatid sa kanyang nag-iisang anak.

"Bakit parang ang dami ninyong dalang mga gamit? Anong meron?" Segunda kong tanong sa kanila.

Nagkatinginan lang ang dalawa at parehong napayuko. Parang iba ang pakiramdam ko sa dalawang ito.

"Hoy Chan! Tinatanong ka namin ng tiyang mo, sumagot ka!" Pasigaw na sambit ni Ate Choleng. Siguro ay may ideya na rin ito kung bakit nandirito ang dalawa.

"Nanang huwag po sana kayo magagalit ni tiyang, ang totoo po kasi niyan buntis po si Ariana at kaya kami nandito kasi nagtanan po kami ng mahal ko." Halos pabulong na saad nito.

"Jusko Marimar! Tama nga ang hula ko kung bakit kayo napasugod ng walang paabiso! Ano bang pinaggagawa mo sa Maynila, ha Christian?! Hindi ba kakatapos mo pa lang magtapos ng kolehiyo noong isang buwan, bakit ngayon ay nagbabalak ka na agad mag-asawa?! Hindi mo man lang ba kami naisip ng Tiya Guring mo ha?! Dugo't pawis ang pinuhunan namin sa pagtitinda ng kakanin para lang makapagtapos ka ng pag-aaral ng sa gayun maiahon mo kami sa hirap tapos ngayon sasabihin mo sa amin na nakabuntis ka at balak ninyo pang magtanan!" Galit na sigaw ng ate.

"Ate tama na, huwag kang sumigaw at baka tumaas pa ang presyon mo." Dinala ko muna siya sa isang silya at binigyan ng tubig.

"Patawad po Nanang at Tiya Guring kung nabigo ko po kayo. Pero kaya ko naman pong magtrabaho at buhayin kayo kasama ang mag-ina ko. Mahal na mahal ko po si Ariana kaya handa po akong panagutan at pakasalan siya. Bukod po doon kaya kami nagtanan ay hindi po tanggap ng pamilya nina Ariana ang aming relasyon lalo pa't nalaman nilang buntis ang kanilang anak kaya ang gusto nila ay maghiwalay kami at ipalaglag ang aming magiging supling. Syempre hindi po kami pumayag sa nais nila kaya po nagtanan kami ni Ariana." Ang sambit ni Christian.

"Mabuti na lang at nagtanan pala kayo nitong kasintahan mo Chan." Ang saad ko sa kanya.

"Anong mabuti doon Guring ha?! HUwag mong sabihin sa akin na kukunsintihin mo itong pamangkin mo?!" Galit na tanong ni Ate Choleng.

"Ate hindi mo ba narinig ang sinabi ng iyong anak? Gustong ipalaglag ng mga magulang ni Ariana ang bata! Hindi naman ako makakapayag doon! Isang malaking kasalanan iyon sa Diyos at ayokong magkasala ang dalawang batang ito. Wala na tayong magagawa Ate, nandiyan na iyan kaya tanggapin na lang natin ang batang nasasapunan ni Ariana. Tsaka tandaan mo unang apo mo iyan kay Christian." Ang saad ko sa kanya.

Sa huli ay wala na rin itong nagawa kaya pumayag na rin ang kapatid ko sa nais ng mga bata na dito na muna sila sa probinsya manatili hanggang sa maisilang ang kanilang anak.

Ilang buwan ang nakalipas ay nanganak na nga si Ariana. Ang sabi sa akin ni Ate Choleng ay dumating daw ang kapatid na babae ni Ariana, kaya ang nangyari ay sila na lang ang naging tagapagbantay ni Ariana samantalang ako naman ang solong nagbabantay sa aming pwesto sa palengke. Sila rin dalawang magkapatid ang nagbigay ng pangalan sa batang lalaki at pinangalanan nila itong Christian Junior dahil sa pagkakahawig nito sa kanyang ama na siya namang tunay.

Baklang MangkukulamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon