“PARENG MIGUEL!” Napangiti nang malaki si Miguel sa naging reaksiyon ng kaibigan niyang si Mart nang makita siya nito na nakatayo sa may labas ng gate ng simpleng bahay nito. Magkahalo at tuwa sa mukha ni Mart. Hindi yata ito makapaniwala na nandito na siya sa baranggay nila.
Matagal na niyang kaibigan si Mart. Bata pa lang sila ay magkakilala na sila dahil katapat lang ng bahay nito ang bahay nila. Magkalaro sila noon hanggang sa maging magkaklase mula elementarya hanggang high school. Hindi sila mapaghiwalay. Gumagawa talaga sila ng paraan para palagi silang nasa iisang section noong nag-aaral pa sila.
Agad siyang pinagbuksan ng gate ni Mart at mahigpit na niyakap. “Welcome home, pare!” Tinapik-tapik pa nito ang likod niya.
“Salamat, pare!” tugon ni Miguel.
“Kailan ka pa nandito?”
“Kagabi lang ako dumating, pare!” Gumanti siya ng yakap dito. Na-miss din naman niya ang kaibigan niya.
Bahagya itong lumayo sa kaniya at pinagmasdan siya. “Grabe! Gumanda ang katawan mo sa Australia, a. Araw-araw ka sigurong nag-gi-gym do’n!” pakli nito.
“Hindi naman. Wala lang talagang makain tapos mabigat ang trabaho kaya nagka-muscles!” biro naman niya.
“Ako dito, tiyan ang naipon, e!’ ganting biro ni Mart habang hinihimas ang tiyan.
“Dito na lang ba tayo mag-uusap, pare?”
“Ah, pasensiya na. Tuloy ka!”
Magkasabay silang pumasok sa loob ng bahay nito. Iginala niya ang paningin sa kabuuan niyon. “Gumaganda na itong bahay ninyo, a. Teka, nasaan nga pala si Karla?” tukoy niya sa asawa nito. Ikinasal ito noong nakaraan na taon pero hindi siya naka-attend dahil hindi siya pinayagan ng boss niya sa trabaho.
“Nasa trabaho. Pang-umaga siya. Pang-gabi naman ako. 'Buti nga at naabutan mo akong gising ngayon. Patulog na rin kasi ako talaga.” Umupo si Mart sa tapat niya.
Tumango-tango siya. “O, para nga pala sa inyo. Pasensiya ka na at iyan lang, pare.” Isang supot ang inabot niya dito na agad naman nitong tinanggap. Chocolates ang laman niyon.
“Nag-abala ka pa. Hindi naman importante ang pasalubong. Ang importante ay ikaw mismo. Ano na nga palang balita sa iyo? Sa inyo ni Jeric? Kasama mo ba siyang umuwi?” Hindi lingid sa kaalaman ni Mart ang pagpapakasal niya sa kapwa lalaki pati na ang kaniyang kasarian.
Nagulat ito noong una pero tinanggap naman siya nito. Doon niya napatunayan na magkaibigan talaga sila dahil sa ginawa nitong pagtanggap sa kaniya kahit sino pa siya.
Nalungkot siya sa tanong ni Mart. “'Ayon, medyo nagkakalabuan pero we’re still trying na mag-work out. Nakukwento ko naman sa iyo lahat kapag nagkaka-chat tayo, 'di ba?” Matapat na sagot niya.
“Hiwalay na kayo?”
Umiling siya. “Hindi. Gusto ko lang huminga para naman ma-refresh ang utak ko. Nitong huli kasi masyado na siyang nagger at mapanakit. Hindi ko alam kung bakit.”
“Ganiyan talaga kapag tumatagal na sa relasyon. Lumalabas na ang tunay na ugali. Ikaw kasi, e. Nagbago ka pa ng pananaw. Siguro kung sa babae ka nagpakasal, hindi ganiyan ang relasyon mo ngayon. Baka masaya ka na kasi may anak ka na.”
“Mart, alam mo naman na masaya ako kay Jeric.”
“Masaya pero bakit gusto mong lumayo sa kaniya?”
“Gusto ko lang ng break. Iyon lang. It does not mean na makikipaghiwalay ako sa kaniya.”
“Ewan ko ba sa iyo, pare. Dati naman ay nag-gi-girlfriend ka. Paramihan pa nga tayo noong college tayo, e. At ikaw ang palaging panalo kasi mas gwapo ka kesa sa akin.” Natatawa at iiling-iling nitong turan.
BINABASA MO ANG
Husbands And Wife
RomanceIsang lalaking walang memorya ang inibig ni ALMIRA-- si GABRIEL. Pinakasalan niya pa rin ang naturang lalaki sa kabila ng kakulangan sa nakaraan nito. Ngunit paano kung sa pagbabalik ng alaala nito ay siya ring paglabas ng tunay nitong pagkatao? At...