KANINA pa napapansin ni Gabriel ang pagiging tahimik ni Almira habang kumakain sila ng hapunan. Hindi nito masyadong kinikibo ang pagkain at nahuhuli niyang nakatulala at tila malalim ang iniisip. “Lalamig na ang sabaw. Hindi na masarap 'yan kapag malamig na…” untag niya sa asawa nang mapatulala na naman ito.
“Sorry…” Sumubo ito pero parang tinatamad iyong nginuya.
“Ano bang iniisip mo? Iyong nangyari ba kanina?”
Tumango si Almira. “Iniisip ko kasi kung tama ba ang ginawa ko kay Maureen. Iyong naging marahas ako sa kaniya. Magkaibigan kami noon pero bakit ganoon na kami umasta sa isa’t isa ngayon. Daig pa namin ang mortal na magkaaway.” Malungkot nitong sambit.
“Para sa akin, walang mali sa ginawa mo. Pinoprotektahan mo lang naman ang pamilya natin, asawa ko. Wala kang dapat ipagsisi. Huwag mo nang isipin iyon. Kumain ka na lang diyan. Ang sarap kaya ng niluto mong nilagang baboy!” Humigop pa siya ng sabaw. “Sarap, o! Parang ikaw!” aniya sabay kindat.
Napangiti siya nang tumawa si Almira kahit mahina. “Puro ka naman kalokohan, e.”
“Pwera biro, magandang naipamukha natin kay Maureen na mag-asawa na tayo. Nakita mo ba 'yong reaksyon niya kanina? Para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa! Siguro ay natauhan na siya na kahit anong gawin niya ay hindi niya ako makakaagaw sa iyo, Almira.”
“Sana nga, Gabriel. At sana ay maging okay rin siya at mahanap ang lalaking kayang suklian ang pagmamahal na kaya niyang ibigay…”
Inabot ni Gabriel ang isang kamay ni Almira at nginitian ito. “Napaka bait talaga ng asawa ko. Hindi ako nagkamali na ikaw ang pinakasalan ko!”
-----ooo-----
“YOU’RE joking, right? Paano mo magiging asawa si Gab—I mean, Miguel? Lalaki siya! Nag-iilusyon ka ba? Hindi pa legal dito sa Pilipinas ang same-sex marriage!” Hindi pa rin makapaniwala si Maureen sa nalaman niya kay Jeric. Asawa daw ni Jeric si Gabriel? Paano mangyayari iyon, e, hindi naman bakla si Gabriel. Pinakasalan pa nga nito si Almira.
Nasiguro niya na ang hinahanap ni Jeric na Miguel at Gabriel ay iisa dahil si Gabriel ay natagpuan sa dalampasigan ng Plaridel. Katapat ng bayan nila ang Alabat Island kung saan nawala si Miguel. Malakai ang posibilidad na sa bayan nila ito inanod ng alon sa dagat. Sa bagay na iyon ay kumbinsido siya. Ang hindi lang niya kayang paniwalaan talaga ay ang huling sinabi ni Jeric sa kaniya.
Tumaas ang isang kilay ni Jeric. “Duda ka pa ba? Check our pictures here!” Muli nitong ibinigay sa kaniya ang cellphone nito. “Mag-browse ka diyan at saka mo sabihin na hindi kami mag-asawa. And yes, I know na hindi pa legal sa bansa natin ang same-sex marriage. Hindi naman kami dito nagpakasal. Citizen na kami sa Australia at doon kami nagpakasal ni Miguel.” Paliwanag nito sa kaniya.
Isa-isang tiningnan ni Maureen ang pictures nina Gabriel at Jeric sa cellphone ng huli. Totoo nga na sa Australia nakatira ang dalawa base sa lugar sa pictures kung nasaan ang dalawa. May mga magkatabi lang ang dalawa, may magka-akbay at magkahawa ng kamay. May mg picture din ang dalawa sa kwarto na magkayakap at magkahalikan ang mga ito. Pati ang picture ng kasal ng dalawa ay naroon din. Kung ganoon ay totoo nga ang sinasabi ni Jeric na asawa nito si Gabriel o Miguel.
Nanginginig ang mga kamay na ibinalik niya kay Jeric ang cellphone. Napahigop siya ng marami sa kape niya. Hindi siya makapaniwala na nagawa niyang ma-inlove sa isang bakla. At hindi lang basta bakla kundi baklang may asawa pa pala! Ngayon ay pinagsisisihan na niya na nahulog siya kay Gabriel. At isang malaking katangahan pala talaga kung natuloy ang pagpapakamatay niya. Pinagpawisan siya ng husto kahit hindi naman mainit sa coffee shop.
BINABASA MO ANG
Husbands And Wife
RomanceIsang lalaking walang memorya ang inibig ni ALMIRA-- si GABRIEL. Pinakasalan niya pa rin ang naturang lalaki sa kabila ng kakulangan sa nakaraan nito. Ngunit paano kung sa pagbabalik ng alaala nito ay siya ring paglabas ng tunay nitong pagkatao? At...