Kabanata VI

2.5K 94 5
                                    

WALANG trabaho si Almira ng araw na iyon kaya naman naisipan niya na tulungan ang nanay niya sa mga gawaing bahay. Nakita niya kasi kahapon na marami ang labahan nila. Siya na lang ang gagawa niyon mamaya pagkatapos niyang magwalis sa kanilang bakuran.

Ang suot lang niya ay ang luma niyang t-shirt na may mga butas. Manipis na rin ang tela niyon dahil sa kakalaba. Ngunit kahit ganoon na ang hitsura ng damit niyang iyon ay isinusuot niya pa rin kapag nasa bahay lang siya. Kumportable kasi siya at paborito niya iyon kaya kahit may sira na ay hindi pa rin niya itinatapon o ginagawang basahan.

Abala siya sa pagwawalis sa harapan. Maraming dahon ng mangga doon. May dalawang puno ng mangga kasi sila sa harapan ng kanilang bahay. Sa ilalim ng isa ay may duyan at ang sa isa naman ay lamesa at upuan na yari sa kawayan. Doon siya madalas tumatambay dahil malilim at presko kahit mainit ang panahon.

Habang nagwawalis ay narinig niya ang pagbukas ng kanilang gate na yari sa kawayan. Pag-angat niya ng mukha para tingnan kung sino ang dumating ay nakita niya ang tatay niya. Ang akala niya ay ito lang kaya naglakad siya palapit dito para salubungin ito.

Bigla siyang napahinto sabay yakap sa sarili para takpan ang manipis na suot nang malaman niya na may isang lalaki sa likuran nito! May benda sa ulo ang lalaki at walang emosyon ang mukha.

“T-tatay, nandito na pala kayo,” natataranta niyang turan.

“Ang nanay mo?” kaswal nitong tanong.

“N-nasa loob po.”

Hindi magawang tingnan ni Almira ang lalaki. Nang masulyapan niya ito nang saglit ay parang pamilyar pala ito sa kaniya. Hindi niya maalala kung saan niya ito nakita. Nahulog tuloy siya sa malalim na pag-iisip. Pamilyar kasi talaga ito, e.

“Sige. Mag-uusap lang kami ng nanay mo. Oo nga pala, Almira. Siya iyong lalaki na natagpuan sa pampang noong isang araw. Dito muna siya atin titira pansamantala habang hindi pa siya natatagpuan ng pamilya niya. Wala pa rin kasi siyang maalala. Alam mo na, bilang kapitan ng baranggay natin, responsibilidad ko ito,” mahabang sabi ng tatay niya.

“S-siya pala iyon…” Iyon lang ang tanging kaniyang nasabi.

“Anak ko iyan. Si Almira,” pagpapakilala ng tatay niya.

Tumango lang ang lalaki. In all fairness, gwapo kung sa gwapo ang lalaki. Artistahin. Mukhang mayaman.

Matapos ang pag-uusap na iyon ay iniwan na siya ng tatay niya at ng lalaki para pumasok sa loob ng kanilang bahay. Doon lang niya inalis ang pagkakayakap sa sarili sabay buga ng hangin. Hindi naman siguro nakita ng lalaki ang panloob niya. Naitakip naman niya agad kanina ang mga braso niya sa kaniyang dibdib. Bakit ba kasi hindi man lang tumawag o nag-text ang tatay niya na darating naito at may kasama pang lalaki?

Ipinagpatuloy na ulit niya ang pagwawalis. Habang nagwawalis ay bigla na niyang naalala kung saan niya nakita ang lalaki. Mabilis na bumalik sa alaala niya ang tagpo kung paano nag-krus ang landas nila sa unang pagkakataon…

“Ay, ano ba?!”

“Miss, okay ka lang ba?”

“H-ha? A-anong sabi mo?”

“Ang sabi ko, okay ka lang—Shit! Maiiwanan na ako no’ng bangka!”

Tama! Naalala na niya. Nakita niya ang naturang lalaki sa may terminal ng bus sa Atimonan. Iyong malapit sa pier. Kung ganoon, dayo nga lang ito dahil mukha itong bakasyunista ng makita niya. May dala itong malaking bag, e. Tapos naghahabol ng biyahe ng bangka.

Kung walang maalala ang lalaki, kawawa naman pala ito. Parang ang hirap ng ganoon na nawala ang lahat ng memorya mo. Hindi mo na matandaan kung sino ka, ang pagkatao mo at maging ang mga mahal mo sa buhay.

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon