ILANG minuto na lang at sasapit na ang hatinggabi pero hindi pa rin dinadalaw ng antok si Miguel. Dilat na dilat ang kaniyang mata habang nakatitig sa kisame. Uminom na siya ng gatas bago humiga pero mailap pa rin ang antok. Hindi niya alam kung naninibago lang siya sa tinutulugan niya o dahil sa okupado ang isip niya. Kanina pa kasi niya iniisip si Jeric at kung ano na nga ba ang susunod na mangyayari sa kanilang relasyon.
Mahal pa niya si Jeric. Hindi niya iyon maipagkakaila. Iniwan niya lang ito pansamantala para ma-realize nito ang kahalagahan niya. Maisip sana nito na mali ang pagtrato na ginagawa nito sa kaniya. Mag-asawa sila at hindi siya dapat nito sinasaktan ng ganoon. Mga magulang niya, hindi siya napalo tapos ito ganoon ang gagawin sa kaniya.
Pero sa totoo lang ay nami-miss na niya ang asawa. Iyong magkatabi sila matulog tapos paggising ay ito ang makikita niya agad. Siya ang guigising dito sa umaga kapag may pasok ito. Nauuna kasi itong umalis sa kaniya kapag may trabaho silang dalawa. Habang naliligo ito ay naghahanda na siyang mag-almusal. Sabay silang kakain at ihahatid niya ito sa ibaba hanggang sa makasakay na ito. Saka lang siya mag-aasikaso ng sarili para pumasok sa trabaho.
Ganoon umiikot ang buhay ni Miguel sa Australia. Noong una ay hindi niya nararamdaman ang pagod. Hanggang sa nagbago na nga ng ugali si Jeric. Doon na siya na-drain nang dahan-dahan hanggang sa maubos na siya. Sa pagkakataon na iyon ay nagdesisyon na siya na maghiwalay muna sila.
Umuwi siya sa Pilipinas nang biglaan kaya naman nagtaka ang pamilya niya. Nang tanungin siya ng mga ito ay sinabi na lang niya na magbabakasyon lang siya ng ilang buwan. Si Mart lang ang nakakaalam ng tunay na dahilan ng kaniyang pag-uwi. Ayaw niyang sabihin sa pamilya niya ang totoo dahil ayaw niyang maging masama si Jeric sa paningin ng mga ito. Asawa niya pa rin si Jeric at pino-protektahan lang niya ang imahe nito sa kaniyang pamilya.
Mula sa pagkakatitig sa kisame ay napabalikwas ng bangon si Miguel. Naalala niya na wala pa nga pala siyang pupuntahang lugar para magbakasyon.
Hinugot niya ang laptop sa bag at binuksan iyon. In-open niya ang pocket wifi at sinimulan na niya ang pagse-search ng ayos na lugar. Ang gusto niya ay iyong walang masyadong tao para naman makapag-isip siya ng mabuti at ma-refresh ang kaniyang utak. Paano naman siya makakapag-isip kung napakaraming tao, 'di ba?
Gusto din niya ay iyon malapit lang dito sa Laguna para hindi siya mapagod nang husto sa biyahe.
Inuna niya ang paghahanap sa Batangas. Tumingin siya sa mga blogs. May nagugustuhan naman siya kaya lang sa mga pictures pa lang ay halatang marami na ang tao. Napunta siya sa Rizal, sa Cavite hanggang sa Quezon Province.
Sa paghahanap niya ng lugar na maganda sa Quezon ay nakuha ng atensiyon niya ang isang isla doon. Ang Alabat Island. Ayon sa blog na nakita niya, isa iyong isla na sobrang simple lang. May beach resort na ni-recommend ang blogger kung saan wala daw masyadong pumupunta. Nang pumunta nga daw ito doon ay ito lang ang guest at ang nobyo nito. Nasolo daw nila ang beach resort.
Tumingin-tingin pa siya ng pictures ng isla. Maganda ang dagat. Hindi white sand pero malinis ang baybayin. Binasa rin niya kung paano magtungo doon at mukhang hindi naman mahirap. Sasakay lang siya ng isang bus at isang bangka para marating ang Alabat Island.
“Okay. Ito na ang pupuntahan ko!” tumatangong turan niya.
Bukas na bukas din ay pupunta na siya. At dahil hindi pa rin inaantok ay nag-empake na lang siya ng mga dadalhin niya sa Alabat Island para bukas ng umaga ay agad siyang makaalis.
-----ooo-----
WALANG sigla at pupungas-pungas si Almira nang kinabukasan ng umaga ay magising siya. Alas dose na kasi sila nakauwi ni Maureen mula sa pasayaw. Ayaw pa nga sanang umuwi ni Maureen. Tapusin daw nila dahil hanggang alas dos na lang iyon. Mabuti na lang at napilit niya ito. Tulog na nga ang nanay niya pag-uwi niya.
BINABASA MO ANG
Husbands And Wife
RomanceIsang lalaking walang memorya ang inibig ni ALMIRA-- si GABRIEL. Pinakasalan niya pa rin ang naturang lalaki sa kabila ng kakulangan sa nakaraan nito. Ngunit paano kung sa pagbabalik ng alaala nito ay siya ring paglabas ng tunay nitong pagkatao? At...