Kabanata XVII

1.9K 87 6
                                    

ALAM na agad ni Gabriel kung bakit siya sinuntok ni Kapitan Arnold at iyon ay dahil sa sinabi na dito ni Almira ang nangyari sa bahay nina Maureen kagabi. Sapo ang nasaktang panga ay tumayo siya at hinarap ang mag-ama. Inaasahan na niya ang eksenang ito at handa na siyang magpaliwanag sa mga ito tungkol sa totoong nangyari.

“Kapitan, Almira, hayaan ninyo akong magpaliwanag muna.” Mahinahon niyang sabi. “Almira, mali ka ng iniisip. Hindi ko magagawa sa iyo iyon. Hindi kita kayang saktan—"

“Pero ginawa mo na, Gabriel! Sinaktan mo na ako. At anong paliwanag pa ang gagawin mo? Hindi ako tanga para hindi malaman kung ano ang ginagawa ninyo ni Maureen. Huwag ka nang magpaliwanag! Para ano pa? Para bilugin ang ulo ko?!” Naluluhang sagot sa kaniya ni Almira. Bakas sa mukha nito ang pait at sakit na nararamdaman nito ngayon.

Masakit din para sa kaniya na siya ang dahilan kung bakit ito nasasaktan.

Mukhang sa ngayon ay sarado pa ang isip ni Almira dahil nasasaktan pa ito. Kaya ang naisip niya ay si Kapitan Arnold ang kausapin. “K-kapitan, hindi ko man kilala ang sarili ko pero kayo po ay mas kilala ninyo ako. Alam ninyong hindi ko kayang saktan si Almira. Mahal na mahal ko po siya. Hayaan ninyo akong magpaliwanag sa inyo.” Hiling niya ay makinig ito sa kaniya.

“Tatay, huwag kang—”

“Anak, mas maigi siguro na bigyan natin ng pagkakataon si Gabriel na magpaliwanag.”

“Pero, tatay, nakita ko na po ang lahat. Niloloko nila ako ni Maureen!”

“Anak, sige na. Mararamdaman natin kung nagsisinungaling siya o nagsasabi ng totoo.” Hinarap siya ni Kapitan Arnold. “Sige na, Gabriel. Magpaliwanag ka na. Kapag hindi mo kami nakumbinse, patawarin mo kami pero papaalisin ka namin sa lugar namin. Wala na akong pakialam kahit hindi pa matuloy ang kasal mo sa anak ko.”

Tumango siya at diretsong tumingin sa mata ni Almira. Nais niyang maramdaman nito ang pagiging totoo sa lahat ng kaniyang sasabihin. “Ang lahat ng nakita mo kagabi ay plinano ni Maureen,” panimula niya. “Hindi mo pa napansin na sinadya niyang ako lang ang sumama sa kaniya sa kwarto niya? Kaya nang nasa kwarto na niya kami ay bigla siyang naghubad at pilit niya akong niyakap. Hinila niya ako at pumatong ako sa kaniya. Iyon na ang naabutan ninyo. Nang makausap ako ng mga magulang ni Maureen ay sinabi niyang pakasalan ko ang anak nila. Pero tumanggi ako kay Maureen kahit anong pilit niya. Alam kong walang nangyari sa amin. Maniwala ka naman sa akin, Almira. Lahat ng iyon ay plinano ni Maureen dahil gusto niyang agawin ako sa iyo!” Sa wakas ay nasabi na rin niya ang nais sabihin.

“At bakit naman iyon gagawin ni Maureen?” tanong ni Almira.

“Dahil may gusto siya sa akin. Desperada na siya na hindi matuloy ang kasal natin.”

“Naniniwala ako sa iyo, Gabriel,” singit ni Kapitan Arnold. “Mukhang napikot ka ni Maureen. Ang sa akin lang, hindi ka titigilan ng pamilya niya hangga’t hindi mo siya pinapakasalan. Kilala ko si Mayor Dante. Paano na lang ang kasal ninyo ni Almira? Ang obligasyon mo sa aking anak?”

“Wala po akong balak na pakasalan si Maureen dahil wala akong pananagutan sa kaniya. Alam niya iyon pero ipinipilit niyang meron. Si Almira po ang papakasalan ko.” Matapat niyang sabi. Naglakad siya palapit kay Almira. May pang-aalinlangan na kinuha niya ang isa nitong kamay. Nag-aalangan siya dahil baka galit pa rin ito pero hinayaan lang siya nito. “Almira, maniwala ka sa akin. Hindi ako gagawa ng bagay na masasaktan ka. Sadyang gumawa lang talaga si Maureen ng paraan para masira tayo. Sana ay huwag nating hahayaan na magtagumpay siya…”

Tumingin si Almira sa kaniya. May nagbabadyang luha sa gilid ng mata ng babaeng mahal niya. “P-pero, Gabriel… hindi mo kilala ang pamilya ni Maureen. Kung ano ang sabihin nila ay pinapanindigan nila. Kahit wala ka naman talagang nangyari sa inyo ni Maureen, pipilitin pa rin nila na meron.”

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon