Kabanata V

2.5K 87 19
                                    

NAGISING si Miguel sa unang gabi niya sa Alabat Island dahil sa biglang pagbuhos ng ulan. Sinamahan pa iyon ng malakas na hangin. Manaka-naka ay lumiliwanag din ang kapaligiran dahil sa pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Nahinuha niya agad na may bagyo. Dahil sa wala naman siyang dalang cellphone o kahit telebisyon sa resort na tinutuluyan niya ay hindi niya nabalitaan na may bagyong parating. Kaya pala kaninang hapon ay makulimlim na ang kalangitan na parang may nagbabadyang malakas na ulan.

Namaluktot ng higa si Miguel sa lamig. Hinila niya ang kumot sa tabi at ibinalot ang sarili gamit iyon. Pero ayos na rin ang ganitong panahon. Malamig. Isa pa, mas lalong nakakaantok ang tunog na nililikha ng ulan na pumapatak sa bubong na yari sa pawid. Wala naman siguro siyang dapat ipag-alala. Mukhang matibay naman ang pagkakagawa ng kubo na kaniyang tinutuluyan.

Nakapikit na siya nang may marinig siyang katok sa pinto ng kubo. Napabalikwas tuloy siya ng bangon para pagbuksan at malaman kung sino iyon.

Bahagya siyang nagulat nang mapagbuksan niya si Manang Grasya. Nakapayong ito pero basang-basa na ito ng ulan. “Manang, bakit po kayo napasugod dito? Ang lakas ng ulan, a!” May pag-aalala sabi ni Miguel. “Halika, pasok kayo.”

Kita sa mukha nito ang pagkabahala. “Hindi na,” iling nito. “Pasensiya ka na kung nagambala ko ang pagpapahinga mo ngunit ikaw na lang kasi ang naisipan kong hingian ng tulong.”

“Sige po. Anong tulong po ba?”

“Si Upeng kasi, pumalaot na naman para manghuli ng isda. Pinipigilan ko nga pero ayaw papigil. Kaya daw niya ang alon. Miguel, nag-aalala kasi ako sa asawa ko. Baka kung mapaano siya sa laot. Tulungan mo sana ako kung maaari na puntahan siya.”

“Sige po. May bangka po ba kayo na extra?” Mabilis niyang sagot. Walang pag-aalinlangan. Naawa kasi talaga siya sa matanda.

“Meron naman. Nandiyan lang sa unahan ng kubo mo. Halika at sasamahan kita—”

“Manang, huwag na. Ako na lang po. Delikado, e.”

“M-marunong ka ba gumamit ng bangka?”

“Oo naman po. Wala kayong dapat ipag-alala sa akin. Susunduin ko si Manong Upeng sa laot at ligtas ko siyang ibabalik dito. Pangako po, manang!”

Napaluha sa kasiyahan si Manang Grasya. “Maraming salamat, Miguel! Maraming salamat!” Niyakap pa siya ng matanda. “Mag-iingat ka. Ipagdadasal kita at si Upeng.”

Hindi na nag-aksaya ng oras si Miguel. Kumilos na siya para sundan ni Manong Upeng sa laot. Nakita niya ang bangkang tinutukoy ni Manang Grasya. Hindi na bago sa kaniya ang pamamangka. Nagtatrabaho kasi noon ang tatay niya sa isang malawak na palaisdaan at gumagamit ito ng bangka. Simula bata hanggang maging binatilyo siya ay sumasama siya dito paminsan-minsan. Ang tatay niya ang nagturo sa kaniya na gumamit ng bangka at pagsagwan.

Itinulak na niya ang bangka papunta sa dagat. Marunong nga siya na magbangka pero ang hindi lang niya sigurado ay kung kakayanin ng bangka ang malalakas na alon.

Napahinto siya sandali at nag-isip kung tutuloy pa ba.

Kung hindi naman siya tutuloy, paano na si Manong Upeng? Paniguradong malulungkot si Manang Grasya kapag may nangyaring hindi maganda dito.

Ah, bahala na nga! Aniya sa sarili at tuluyan na niyang itinulak ang bangka sa tubig.

Sumakay na siya sa bangka at inumpisahan na magsagwan. Kailangan niyang dagdagan ng puwers ang bawat pagsagwan niya para umusad.

Halos kalahating oras na siyang nagbabangka nang may makita siyang ilaw sa kalayuan. Bumangon ang saya sa puso niya dahil alam niyang ang liwanag ay mula sa bangka ni Manong Upeng.

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon