Kabanata XX

2K 101 4
                                    

DALAWANG araw pa lang na mag-asawa sina Almira at Gabriel ay tila nakapag-adjust na sila sa bagong kabanata ng kanilang buhay. Sanay na si Almira na pinagsisilbihan si Gabriel at katabi itong matulog sa gabi. Hindi na nga lang nila ulit sinusubukan ang magtalik dahil baka sumakit na naman ang ulo ng kaniyang asawa. Saka na lang siguro iyon kapag handa na ito.

Masaya na rin naman si Almira dahil kahit papaano ay mabenta ang meryendang ibenebenta niya sa tapat ng bahay tuwing tanghali hanggang hapon. Kapag nagkaroon ng dagdag na puhunan ay susubukan naman niya na magluto ng lutong ulam. Napansin niya kasi na walang karinderya sa lugar na ito. Si Gabriel naman ay meron nang trabaho. Nakapasok ito sa construction ng isang building bilang helper. Ayaw niya sana dahil mapapagod ito ng husto doon pero ito na ang nagpumilit. Pansamantala lang naman daw iyon, ayon kay Gabriel. Maghahanap din daw ito ng madaling trabaho sa susunod na araw. Ayaw lang talaga nito na tumambay at walang ginagawa sa bahay.

Ang araw na iyon ay ang unang araw ni Gabriel sa trabaho kaya mas maagang nagising si Almira para hindi ma-late ang kaniyang asawa. Ipinagluto pa niya ito ng baon para hindi na ito bumili. Kanin at ang ulam ay adobong baboy na madaling araw pa lang ay niluto na niya.

Matapos mag-almusal ay nag-asikaso na si Gabriel para pumasok sa trabaho.

“Mag-iingat ka, asawa ko. Mag-isa ka lang dito,” ani Gabriel nang nasa pintuan na sila.

“Ikaw ang dapat mag-ingat at magtatrabaho ka. Mahal na mahal kita, asawa ko.”

“Mahal na mahal din kita.” Isang mabilis na halik sa labi ang iginawad ni Gabriel sa kaniya bago ito tuluyang umalis. Hinatid niya ito ng tanaw at muli itong lumingon para kawayan siya.


-----ooo-----


ALAM ni Gabriel na hindi madali ang trabaho niya sa construction kahit pa sabihing helper lang siya doon. Pero kailangan niyang kayanin iyon para sa kanila ni Almira. Kailangan niyang kumita ng pera para meron silang panggastos araw-araw. Ayaw naman niyang magugutom sila ni Almira. Sa una lang naman siguro siya mahihirapan sa trabaho pero kapag nagtagal ay masasanay na rin naman siya.

Masaya siyang pumasok sa unang araw niya sa trabaho. Naglalakad lang siya kahit na binigyan siya ng Almira ng pamasahe. Isang tricycle lang naman ang sasakyan niya. Noong nag-apply naman siya kahapon ay naglakad lang siya pabalik at inabot lang siya ng sampung minuto. Maaga pa naman kaya sigurado siyang hindi siya male-late. Isa pa, magandang ehersisyo ang paglalakad sa umaga.

Ilang minuto lang ang lumipas ay narating na niya ang construction site kung saan siya magtatrabaho. Sinalubong siya ng foreman at ipinaliwanag sa kaniya ang kaniyang gagawin. Tutulong daw siya sa paghahalo ng semento. Iyon muna ang gagawin niya habang hinihintay niya ang pagdating ng mga hollowblocks na iaakyat niya sa itaas.

“Darating na mamaya si engineer kaya huwag kayong tatamad-tamad. Ayusin ninyo ang trabaho ninyo,” narinig pa niyang sabi ng foreman.

Kumilos na agad si Gabriel at baka masita pa siya. Ayaw niyang makagawa ng mali dahil unang araw pa lang niya. Baka masisante agad siya. Mahirap na.

Abala si Gabriel sa paghahalo ng semento nang may marinig siyang ugong ng sasakyan. Hindi niya iyon pinansin. Tirik na ang araw at medyo masakit na sa balat ang sikat ng araw. Sa susunod pala ay magsusuot siya ng mahaba ang manggas. Naka-t-shirt kasi siya ngayon.

Habang naghahalo siya ng semento ay may taong tumayo sa tabi niya at hindi sinasadyang natapunan niya ng semento ang magandang sapatos ng taong iyon.

“Naku, sorry po!” Itinigil niya ang ginagawa at tiningnan ito. Isang lalaki. Mukhang mayaman dahil sa kutis at tindig. “Pasensiya na, sir.” Sa tingin niya ay kasing-edad niya lang ito. Gwapo at parang artista gaya ng nakikita niya sa telebisyon.

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon