Kabanata VIII

2.3K 98 7
                                    

SA paglipas ng mga araw at mga linggo ay mas naging malapit pa si Almira kay Gabriel. Siya ang palaging kasa-kasama nito kapag kailangan nitong magtungo sa ospital para sa check up nito. Mabait naman kasi talaga si Gabriel kaya agad na naging palagay ang loob niya dito. Nakakapagbiruan na silang dalawa at palagig magkausap kung wala siyang trabaho.

Halos isang buwan na si Gabriel sa bahay nila pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong naaalala. Hindi naman nila ito pinupwersa na makaalala lalo na’t pinayuhan sila ng doktor na hayaan lang si Gabriel. Makakaalala din daw ito basta huwag lang itong mai-stress.

Isang tanghali, kakabalik lang nila ni sa kanilang bahay mula sa ospital. Pagpasok nila sa bakuran nila ay naabutan niyang kausap ng tatay niya si Mando.

“O, Mando. Nagawa mo ba iyong inutos ko sa iyo bago ka magtungo sa Lucena?” Narinig niyang tanong ng tatay niya dito.

Kakamot-kamot si Mando. “O-opo. Nagawa ko naman po… yata?” Tila hindi ito sigurado.

“Naku ka, Mando. Sigurado ka bang nagawa mo?”

“Nagawa ko, kapitan. Maniwala po kayo!” Tatawa-tawang sagot ni Mando.

“Mabuti naman kung ganoon. Isang buwan na kasi yata simula nang lumuwas ka sa bayan. Hanggang ngayon ay wala pa ring kumo-kontak sa amin para sabihin na kilala nila si Gabriel.” Nakita sila ng tatay niya. “Nandito na pala kayo. Kumusta? Anong sabi ng doktor?”

Nilapitan muna nina Almira at Gabriel ang tatay niya saka siya nagmano. “Okay na naman po iyong sugat niya sa ulo. Sa susunod na araw ay pwede na pong alisin ang benda. Tuyo na kasi ang sugat. Kaya lang, hindi pa rin makaalala si Gabriel, 'tay…” pagbabalita ni Almira.

“Ganoon ba? Wala pa rin na tumatawag sa akin tungkol kay Gabriel. E, halos isang buwan na simula nang ipanawagan ni Mando sa radyo iyong tungkol kay Gabriel.”

“Pasensiya na po kayo, kapitan. Nagiging pabigat pa po ako dito sa inyo,” singit naman ni Gabriel.

Tinapik ng tatay niya ito sa balikat. “Hindi. Ano bang sinasabi mong pabigat? Tinutulungan mo nga kami dito sa mga gawain namin. Saka ginagawa ko lang ang tungkulin ko bilang kapitan. Wala kang dapat ikahiya. Hindi ka namin papabayaan habang nandito ka at hindi rin tayo titigil hangga’t hindi mo nahahanap ang pamilya mo,” ani ng tatay ni Almira.

“Kapitan, uuwi na po ako,” ani Mando na ngingiti-ngiti. Tinanguhan lang ito ng tatay niya at saka ito umalis.

“Salamat po sa inyo, kapitan. Napaka swerte ko dahil kayo ang nag-aalaga sa akin,” pasasalamat ni Gabriel.

Habang magkausap ang tatay niya at si Gabriel ay nakangiting pinapanood lang ni Almira ang dalawa. Nakakatuwang isipin na magkasundo ang dalawa. At lahat ng miyembro ng pamilya niya ay kasundo ni Gabriel. Wala man itong maalala ay maganda naman itong makisama.

Ganito rin kaya ang dalawa kung sakaling maging asawa niya si Gabriel? Hay… hanggang pangarap na nga lang yata iyon. Hindi naman kasi niya nararamdaman na may gusto rin sa kaniya si Gabriel. Ayaw naman niyang bigyan ng kahulugan ang pagiging mabait nito sa kaniya. Baka kasi sinusuklian lang din nito ang kabaitan nila dito. Hindi magandang umasa tapos sa huli ay siya rin ang luhaan.


-----ooo-----


MAG-ISANG nakaupo si Gabriel sa malaking katawan ng putol na puno na nasa dalampasigan. Sa hindi kalayuan ay tinatanaw niya si Almira habang nagbibilad ito ng mga isda. Gagawin nito iyong tuyo at pagkatapos ay ibebenta naman ng nanay nito sa mga kapitbahay. Ang iba naman ay itatabi para gawing ulam. Nakalimutan man ni Gabriel ang kaniyang alaala ay kaya niya pa ring sabihin na napaka payak ng buhay sa lugar na ito. Simple, tahimik at payapa.

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon