Kabanata XXIII

2K 83 8
                                    

“THERE you are… Diyan lang pala kayo nagtatago, ha!” Mahinang turan ni Maureen kahit wala siyang kausap habang nasa loob siya ng kaniyang sasakyan.

Ilang dipa mula sa kaniyang kinaroroonan ay kitang-kita niya sina Almira at Gabriel sa harap ng isang hindi kalakihang bahay. May maliit na lamesa sa harapan ng dalawa. Sa tabi niyon ay may lutuan at nagluluto si Almira. Habang si Gabriel naman ang nagtutuhog ng niluluto ng kaibigan niya o mas tamang sabihin na dating kaibigan. Kahit malayo siya ay alam niyang banana cue ang niluluto at tinitinda ng mga ito.

Umasim ang mukha ni Maureen. “Eww… banana cue!”

Naging madali para sa kaniya ang paghahanap sa kinaroroonan ni Gabriel dahil na rin sa tulong ng tatanga-tanga na si Mando. Inaya niya lang ito na kumain. Ayaw nitong sabihin kung nasaan sina Gabriel at Almira pero nadulas na ito na alam nito kung nasaan ang dalawa. Kaya nag-isip siya ng ibang paraan. Nilasing niya si Mando at nang lasingin niya ito sinabi na rin nito na nasa Calamba, Laguna sina Gabriel. Sa kapatid daw ni Kapitan Arnold. Minsan na siyang nakapunta sa bahay ng kapatid ng kapitan nang isama siya doon ni Almira para magbakasyon. Pero umuwi din siya agad dahil nandidiri siya sa bahay ng tita nito. Ayaw niya doon.

Hindi nga lang niya akalain na babalik siya dito at iyon ay para kunin si Gabriel. Para pakasalan siya nito. Hindi pwedeng walang kasalan na maganap sa kanilang dalawa! Ipinangako niya sa sarili na hindi siya babalik ng Quezon nang hindi kasama si Gabriel.

Maya maya ay bumaba na siya ng kotse. Isinuot niya ang mamahalin niyang shades. Siniguro niyang magandang-maganda siya kesa kay Almira para manliit ito sa muli nilang paghaharap. Isang sexy na dress ang isinuot niya. Kulay pula, isang dangkal paitaas mula tuhod ang haba at kita ang cleavage ng malulusog niyang dibdib. Mataas ang takong ng suot niyang sapatos. Six inches. Naglagay din siya ng make-up para mas ma-enhance ang gandang kaniyang taglay.

Taas-noo siyang naglakad hanggang sa nasa harapan na siya nina Almira at Gabriel. Hindi siya napapansin ng dalawa dahil abala ang mga ito sa ginagawa.

“Marami pa ba 'yan, asawa ko?” tanong ni Gabriel kay Almira.

“Last na ito. Tutulungan na kitang magtuhog niyang mga luto na, asawa ko.” Todo-ngiti naman si Almira sa pagsagot.

Asawa ko ang tawagan nila? Cringe! Naiiritang turan ni Maureen sa sarili.

Maya maya ay napatingin sa kaniya si Gabriel pero mabilis din na ibinalik ang mata sa ginagawa. “O, may bibili na yata, asawa ko. Ilan po ba, ma’am?” Hindi yata siya nito nakilala. E, mabilis lang naman siya nitong sinulyapan.

“Hindi ako bibili. Hindi kasi ako kumakain ng street foods!” Mataray niyang sabi. Napatingin ang dalawa sa kaniya. Inalis niya ang shades sabay ngiti. “Hello there! Miss me?” sarkastiko niyang dugtong.

Ganoon na lang ang gulat ng dalawa nang sa wakas ay makilala siya ng mga ito. “Maureen!” Magkasabay na bulalas nina Almira at Gabriel.

“O, bakit gulat na gulat kayo? Hindi niyo ba ini-expect na mahahanap ko kayo? Well, hindi niyo pa nga siguro ako kilala lalo ka na, Almira!” Tiningnan niya ang babae. Lihim siyang nagulat dahil kahit pinagpapawisan ito ay parang mas maganda pa rin ito kumpara sa kaniya na nag-effort na mag-ayos. Hindi niya lang ipinahalata ang insecurity na ngumangatngat sa kaniya ngayon. “Marami akong mata! Kaya kahit saan mo itago si Gabriel ay mahahanap ko pa rin kayo!”

“Maureen, wala na bang kahihiyan na natitira diyan sa sarili mo? Alam mong walang nangyari sa atin at wala tayong relasyon. Kaya kung may natitira pa kahit katiting na hiya sa iyo, umalis ka na. Huwag mo na kaming guluhin ni Almira!” Mariing sabi ni Gabriel. Kinabig pa nito si Almira at hinapit sa beywang.

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon