Kabanata XXV

2.2K 79 8
                                    

“A-ASAWA?” Naguguluhang ulit ni Almira sa sinabi ng lalaki.

Taas-noong sumagot ulit ang lalaki. “Oo. Asawa!” Mariin nitong turan. “Ako si Jeric! Ako ang tunay na asawa ni Miguel na tinatawag mong Gabriel!”

Napailing siya. “P-paanong naging asawa ka ni Gabriel? Isa kang lalaki…”

“Tanga ka ba o sadyang nagbubulag-bulagan ka lang? Bakla ako at bakla din si Miguel! Mag-asawa kami kaya isaoli mo na siya sa akin! Akin siya, hindi siya sa’yo! Kabit!”

Nalilitong tiningnan niya si Gabriel habang nangingilid ang luha sa mata niya. “G-gabriel…” Gusto niyang humingi dito ng kumpirmasyon kung may katotohanan ba ang sinasabi ni Jeric. Pero ano nga ba ang makukuha niya dito? Wala pa rin naman itong naaalala.

Isang iling lang ang naisagot ni Gabriel sa kaniya. Mabilis nitong nilapitan si Jeric at sinuntok sa mukha. Napaatras si Jeric at natumba sa lupa. Kitang-kita niya ang sakit sa mukha nito nang tingnan nito si Gabriel.

“Umalis ka na dahil baka hindi lang iyan ang matanggap mo sa akin! Hindi kita kilala! Wala akong ibang asawa kundi si Almira lang. Naiintindihan mo ba?! Alis!” gigil na dinuro-duro ni Gabriel si Jeric.

Sapo ang nasaktang pisngi ay tumayo si Jeric at kumawala na ang luha nito. “Gumaganti ka pa rin ba sa naging kasalanan ko sa iyo, Miguel? Kung, oo… Tama na, please. A-ang sakit-sakit na kasi…” Parang winasak ang puso ni Almira sa sinabi ni Jeric. Nararamdaman niya kasi na totoo ito sa sinasabi nito.

Akmang tatalikod na si Gabriel pero mabilis itong niyakap ni Jeric. Mahigpit at parang ayaw nang pakawalan. Hindi na alam ni Almira ang gagawin niya. Ang bilis ng mga pangyayari. Labis siyang nabigla.

“Bumalik ka na sa akin, Miguel. Magsisimula ulit tayo. Please…” iyak ni Jeric.

Inalis ni Gabriel ang pagkakapulupot ng braso ni Jeric sa katawan nito. Malakas nitong itinulak ang lalaki at muling sinuntok. Nabuwal ulit ito sa lupa. Tuluyan na itong tinalikuran ni Gabriel. Hinawakan siya nito sa isang kamay at hinila papasok ng bahay. Pabalang nitong isinara ang pinto at ini-lock iyon.

“Miguel! Parang awa mo na! Bumalik ka na sa akin! Miguel!” Patuloy sa pag-sigaw at pag-iyak si Jeric sa labas.

Wala silang nagawa ni Gabriel kundi ang magtinginan. Maraming katanungan na naglalaro sa utak ni Almira na nais niyang itanong kay Gabriel. Pero alam niyang wala siyang makukuhang sagot dito dahil wala pa rin itong naaalala sa nakaraan nito.

Ilang sandali pa ang lumipas ay hindi na nila narinig ang boses ni Jeric. Mukhang umalis na ito. Ang hindi maintindihan ni Almira ay kung bakit may awa siyang nararamdaman para sa lalaking iyon na nagsasabing bakla ang asawa niya at ito ang tunay na asawa.

“K-kilala mo ba si Jeric?” tanong ni Almira.

“Sinabi ko na kanina, hindi. Hindi ko siya kilala.”

“Paano mo nasabing hindi mo siya kilala, Gabriel? May amnesia ka pa. Paano kung…” Hindi nagawang ituloy ni Almira ang katanungan.

“Paano kung ano? Kung totoo ang sinasabi niya?” Umiling ito at pagal na tumawa. Mukhang disappointed ito sa kaniya. “Naniniwala ka ba sa sinasabi ng Jeric na iyon na bakla ako? Na asawa ko siya? Isipin mo nga, kung totoo ang sinasabi niya, hindi sana kita pinakasalan!”

“Gabriel, hindi ganoon ang ibig kong—” Tumalikod na si Gabriel at dire-diretsong pumasok sa kwarto nila sa itaas. “Gabriel!” Tawag niya dito.

Susundan niya sana ang asawa sa itaas para makapag-usap sila ng maayos tungkol sa nangyari. Pero sinalubong siya nito pababa. Nakabihis ito at mukhang aalis.

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon