KINAILANGANG sumakay ni Jeric ng malaking bangka mula Atimonan, Quezon para makatawid siya sa isla ng Alabat. Naroon ang beach resort na nakita niya sa huling search history sa laptop ni Miguel. May kutob siya na doon ito nagpunta. Takipsilim Beach Resort—iyon ang pangalan ng resort na maaaring pinuntahan ni Miguel sa naturang isla. Doon siya mag-uumpisa sa paghahanap dito. Kung hindi magagawan ng paraan ng mga pulis ang paghahanap sa kaniyang asawa, siya na mismo ang kikilos.
Sa wakas ay narating na ni Jeric ang isla. Kakaunti lang ang dala niyang gamit. Ilang piraso lang ng pampalit na damit at ilang personal na gamit. Nanghiram na din siya ng sasakyan sa kakilala niya at iniwan niya iyon sa pier ng Atimonan. Pagkatapak niya sa buhangin sa isla ay may kung ano siyang kakaibang naramdaman. Tila ba nakikini-kinita niya na nandoon si Miguel sa dalampasigan at naglalakad-lakad.
Sana nga ay nandito ka, Miguel. Miss na miss na kita… umaasang turan ni Jeric sa sarili.
Naglakad-lakad si Jeric at nang may makita siyang bangkero na naglilinis ng bangka ay hindi siya nag-atubiling kausapin ito. Tinanong niya kung saan ang Takipsilim Beach Resort. Anito, kailangan pa daw niyang sumakay ng tricycle. Mabait ang nakausap niya. Ito pa ang tumawag ng masasakyan niyang tricycle at ipinahatid siya sa naturang beach resort.
Minuto lang ang lumipas at nasa Takipsilim Beach Resort na siya. Pagpasok niya ay sinalubong siya ng isang matandang babae na maaliwalas ang mukha.
“Magandang umaga sa iyo, iho.” Magiliw na bati ng matanda. “Ako si Manang Grasya. Welcome sa aming Takipsilim Beach Resort.”
“Salamat po pero hindi po ako magche-check in. May hinahanap po kasi akong tao.” Mabilis niyang inilabas ang cellphone at hinanap sa gallery ang malinaw na picture ni Miguel. Ipinakita niya iyon sa matanda. “Nakita niyo po ba siya?”
Kinuha ng matandang babae ang salami na nakasabit sa kwelyo ng damit nito at isinuot iyon sa mata. Habang mainam na tinitingnan ng matanda ang picture ni Miguel ay umaasa siya na positibo ang magiging sagot nito sa kaniya.
“Aba’y oo. Si Miguel 'yan sa aking pagkakatanda.”
“Kilala ninyo si Miguel? Miguel Silvano po!”
“Oo, kilala namin siya ng asawa kong si Upeng. Sandali lamang at tatawagin ko si Upeng para makasiguro ako.” Malakas nitong tinawag ang sinasabi nitong asawa na si Upeng. Hindi nagtagal ay isang matandang lalaki ang lumapit sa kanila.
Dito naman niya ipinakita ang picture ni Miguel.
“Si Miguel nga iyan. Hindi ako pwedeng magkamali. Nag-check in siya dito ilang buwan na ang nakakaraan,” pagkumpirma ng matandang lalaki.
Nagkaroon ng malaking pag-asa si Jeric sa naging sagot ng dalawang matanda. “N-nasaan na po siya? 'Andito po ba siya?” Natataranta niyang tanong.
“Naku, iho, matagal nang wala dito si Miguel. Ang totoo niyan ay hindi rin namin alam kung nasaan na siya at kung ano’ng nangyari sa kaniya.”
“Po? Nangyari? A-anong ibig ninyong sabihin, lola?” Ang kasabikan niya ay napalitan ng kaba.
“Minsan kasi ay pumalaot ang asawa ko kahit masama ang panahon. Sinundan siya ni Miguel at hindi na nakabalik. Nakita na lang namin ang piraso ng bangka na sinakyan niya. Ang hinala namin ay nalunod siya kahit wala naman kaming nakitang katawan.”
Nanlamig si Jeric sa sinabi ng matandang babae. Nanginig ang tuhod niya at para siyang hihimatayin. “A-anong ginawa ninyo? Hindi niyo ba sinabi sa mga pulis?”
“Sinabi naman namin. Ang sabi magsasagawa sila ng search and rescue pero isang araw lang silang naghanap sa dagat at tumigil na rin sila. Kaya inisip na lang namin na wala na si Miguel…”
BINABASA MO ANG
Husbands And Wife
RomanceIsang lalaking walang memorya ang inibig ni ALMIRA-- si GABRIEL. Pinakasalan niya pa rin ang naturang lalaki sa kabila ng kakulangan sa nakaraan nito. Ngunit paano kung sa pagbabalik ng alaala nito ay siya ring paglabas ng tunay nitong pagkatao? At...