HINDI mawari ni Almira kung bakit bigla na lang nagpaalam si Maureen. May emergency daw. Binayaran na lang nito ang kinain nila at umalis ito. Humingi naman ito ng pasensiya sa kanila ni Gabriel dahil hindi na sila nito maihahatid sa bahay. Wala namang problema sa kanila ni Gabriel dahil kung emergency ang pupuntahan ng kaibigan niya ay dapat naman talaga nitong unahin iyon.
Tinapos lang din nila ni Gabriel ang pagkain at nagdesisyon na rin sila na umuwi. Medyo late na rin kasi at paniguradong nag-aalala na ang mga magulang niya. Lalo na at ang paalam niya ay magsisimba lang sila ni Gabriel.
Sumakay sila ng tricycle at ibinaba sila sa may kalye papasok kung saan naroon ang bahay nila. Mas maigi iyon para naman makapaglakad-lakad silang dalawa. Busog na busog kasi sila. Maganda rin iyon para mabilis na bumaba ang kinain nila.
“Magkaibigan ba talaga kayo ni Maureen?” Bahagya siyang nagulat sa tanong ni Gabriel habang sila ay naglalakad.
“Oo naman. Bakit mo naman iyang naitanong?”
“Wala lang. Para kasing… Napansin ko lang na parang hindi kaibigan ang turing niya sa iyo. Parang hindi ka pa niya kilala talaga. Hindi nga niya alam na hindi ka marunong gumamit ng chopstick, e.”
Tinawanan na lang niya ang sinabi ni Gabriel. “Bata pa lang ay magkasama na kami ni Maureen.” Natigilan siya nang maisip niyang may punto ang sinabi ni Gabriel.
Hindi na lang nagsalita si Gabriel. Tahimik silang naglalakad. Pinagmasdan niya ang bilog na buwan na tila nakasunod sa kanila. Maganda ang kalangitan ng gabing iyon. Puno ng bituin kaya kahit walang masyadong ilaw sa labas ay maliwanag naman kahit papaano. Tahimik ang paligid. Wala nang halos tao sa labas.
Hanggang sa makarating na sila sa bahay nila.
Huminto silang dalawa sa may gate para makapagpaalam sa isa’t isa.
“Ang bilis ng oras. Nakakabitin iyong maghapon na tayong magkasama,” pakli ni Gabriel. Kakamot-kamot ito sa ulo. Maya maya ay inilagay nito ang mga kamay sa bulsa.
Nagtama ang mga mata nila ni Gabriel. Awtomatiko ang pagbilis ng tibok ng puso niya. Kanina ay talagang hindi niya naiwasan ang magselos kapag nagkakausap sina Gabriel at Maureen. Kung pwede nga lang na iwanan na nila si Maureen ay ginawa na niya. Sumasakit ang dibdib niya. Paano kung mahulog sa iba si Gabriel? Hindi imposibleng mangyari iyon lalo na’t sa katulad ni Maureen na sa palagay niya ay perpektong babae. Maganda, mayaman at may pinag-aralan. Kung ikukumpara siya sa kaibigan ay magmimistula lamang siyang langaw.
“Uhm, Almira…”
“A-ano 'yon, Gabriel?” Bakit ba kinakabahan siya sa uri ng tingin nito sa kaniya?
“Gusto ko lang sanang malaman kung… pwede ko na bang malaman kung sinasagot mo na ako o hindi?” Isang nahihiyang ngiti ang pinakawalan ni Gabriel.
Sinasabi na nga ba niya, iyon ang itatanong ng lalaki.
Hindi na rin naman masama na magtanong si Gabriel ng ganoon lalo na at ilang buwan na rin naman itong nanliligaw. Naging consistent naman ito sa pagpaparamdam sa kaniya na mahal siya nito at espesyal siya. Hindi naman ito nagkulang pagdating sa ganoong bagay.
Pero paano kung oras na sagutin niya ito ay bigla itong magbago? Sa totoo lang, isa iyon sa ikinatatakot niya oras na maging sila ni Gabriel bukod sa nakaraan nito.
“Gabriel…” Tumigil siya sa pagsasalita. Hindi pa rin niya kasi alam ang sasabihin. “Ano kasi…”
“Ayos lang kung hindi mo pa naman ako masasagot. Maghihintay ako hanggang sa handa ka na.”
BINABASA MO ANG
Husbands And Wife
RomantizmIsang lalaking walang memorya ang inibig ni ALMIRA-- si GABRIEL. Pinakasalan niya pa rin ang naturang lalaki sa kabila ng kakulangan sa nakaraan nito. Ngunit paano kung sa pagbabalik ng alaala nito ay siya ring paglabas ng tunay nitong pagkatao? At...