Kabanata IX

2.2K 97 6
                                    

LAKAS-LOOB na tinanong ni Gabriel si Almira kung maaari ba niya itong ligawan. Isang matapang na hakbang ang ginawa niya dahil isusugal niya ang kaniyang nakaraan para sa kaniyang kasalukuyan. Wala siyang alam sa kaniyang nakaraan pero ang sigurado siya ay sa nararamdaman niya kay Almira ngayon. Mahal na niya ang babae. Sa ilang buwan na nakasama niya ito sa iisang bahay ay napatunayan niyang totoo ang nararamdaman niya para dito.

Nakalimot man ang kaniyang utak pero hindi nakalimot ang puso niya na magmahal. Hindi naman niya inakala na kay Almira pa iyon titibok. Pero hindi na rin naman siya nagtataka. Hindi mahirap mahalin ang babaeng laman ng kaniyang puso.

Kinakabahan si Gabriel sa pananahimik ni Almira. Nagulat ba ito o sadyang ayaw nito sa kaniya at nahihiya lang itong masaktan siya? Sana naman ay huwag ang pangalawa. Hiling niya, bigyan man lang sana siya nito ng pagkakataon na maligawan ito upang maipakita niya na malinis ang kaniyang intensiyon.

“Ate, sumagot ka na!” pasimpleng siniko ni Arra si Almira. Mas kinikilig pa nga ito kesa sa ate nito. Pigil ang ngiti ni Arra na parang gusto nang tumili.

Kumurap-kurap si Almira. Akmang ibubuka na nito ang bibig nang biglang lumabas mula sa bahay sina Kapitan Arnold at Aling Irma. Mas lalo tuloy siyang kinabahan sa seryosong mukha ng dalawa.

“Nanay, tatay…” sambit ni Almira.

Tiningnan siya ni Kapitan Arnold. “Narinig namin ang panghaharana mo at mga sinabi mo sa anak namin, Gabriel. Kung kami ang tatanungin ay walang problema sa amin kung may manligaw sa anak namin na si Almira. Nasa hustong edad na siya pero…” sandali itong huminto. “Hindi naman sa minamaliit ka namin, Gabriel. Hindi namin gawain iyon pero wala kang memorya sa iyong nakaraan. Paanio kung meron kang nobya o may asawa ka na. Paano kung may mga anak na naghihintay sa pagbabalik mo?”

“Kapitan, sigurado po akong walang asawa si Gabriel. Wala naman siyang suot na wedding ring noong nakita namin siya, e!” singit ni Mando.

Lumunok ng laway si Gabriel. Nanuyo kasi nang husto ang lalamunan niya sa labis na kaba. “Tama po si Mando, Kapitan Arnold. Sigurado din ako na wala akong asawa at anak. Kung meron man akong nobya, handa akong talikuran ang aking nakaraan para kay Almira. Ganoon ko po siya kamahal!” Si Kapitan Arnold ang kausap niya pero kay Almira siya naktingin.

Sana naman ay maramdaman nito na totoo ang kaniyang mga sinasabi.

“Kung ganoon ay kay Almira na namin iniiwan ang desisyon…” ani Aling Irma.

Matapos iyon ay napunta na ang tingin ng lahat kay Almira. Tahimik pa rin ito na para bang nalilito habang nag-iisip. Ang sa kaniya lang naman ay ti-nake lang niya ang chance. Kung hindi man siya hayaan nito na manligaw ay igagalang niya. Kahit pa masakit…

“Almira…” untag dito ni kapitan.

Habang tumatagal na hindi nagsasalita si Almira ay mas lalong tumitindi ang kabog ng dibdib ni Gabriel. Para ba siyang naghihintay ng huling numero sa lotto. Kung ja-jackpot ba siya o bobokya.

Hanggang sa…

“S-sige. Pinapayagan kitang ligawan ako, Gabriel!” Sa wakas ay sagot ni Almira.

“Ayyy!!!” Mas nauna pang tumili sa kilig si Arra kesa sa kaniya.

“Totoo? Pumapayag ka na?!” Napakalaki ng ngiti niya. Hindi siya makapaniwala sa naging sagot ni Almira.

Tumango ito at nginitian siya na tila nahihiya.

Dahil sa sobrang kasiyahan ay nilapitan niya si Almira. Ginagap niya ang dalawang kamay ng dalaga at hinalikan iyon. “Maraming salamat, Almira!” Yayakapin pa sana niya ito pero mabilis na pumagitna ang isang braso ni Kapitan Arnold sa kanila.

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon