Kabanata XXVI

2.1K 81 3
                                        

HINDI nakatulog ng maayos si Almira kagabi. Puro mabababaw na idlip lang ang nangyari sa kaniya. Paano ba naman ay hindi pa rin umuuwi ng bahay si Gabriel kahit umaga na. Kinakabahan siya na baka may kung anong nangyari dito na hindi maganda. O hindi kaya ay galit pa rin ito sa kaniya at ayaw pang umuwi.

Wala siyang alam na pwedeng puntahan nito kaya hindi niya alam kung saan siya pupunta para hanapin ang asawa. Dahil wala siyang makausap tungkol sa bagay na iyon ay tinawagan niya ang kaniyang nanay at sinabi dito ang lahat ng nangyari.

“Nagtatampo lang siguro sa iyo si Gabriel kasi hindi mo siya pinaniwalaan. Pinagdudahan mo siya, anak. Bilang kabiyak niya, ikaw ang dapat na kauna-unahang magtitiwala sa kaniya,” turan ng kaniyang ina matapos niyang magkwento.

Labis na nalungkot si Almira sa narinig. “Alam ko naman po iyan, 'nay. Kaya lang hindi ko kasi maiwasan ang magtanong dahil sa mga sinabi ni Jeric. Pakiramdam ko kasi ay nagsasabi siya ng totoo. Parang kilala niya talaga si Gabriel…” aniya.

“Kasama ba diyan ang sinabi niyang bakla ang asawa mo at mag-asawa sila? Pati ba doon ay naniniwala ka?”

Hindi agad nakapagsalita si Almira. May parte ng puso niya na parang naniniwala at meron din na hindi naniniwala. “Siyempre, h-hindi po. Alam kong hindi totoo iyon dahil pinakasalan ako ni Gabriel. Lalaki talaga siya, 'nay. Ang pinapaniwalaan ko lang ay magkakilala silang dalawa. Kaya gusto ko sanang makausap din si Jeric kapag may pagkakataon.”

“Para saan pa, anak? Maniwala ka lang sa asawa mo. Pagkatiwalaan mo siya… Siya, sige. Kailangan ko nang asikasuhin ang kapatid mo at papasok pa iyon sa school. Pasensiya ka na kung hindi kita makakausap ng matagal.”

“Wala po 'yon, 'nay.”

“Mag-iingat ka diyan. Huwag mo na ring kaisipin si Gabriel. Nagtatampo lang iyon. Uuwi din iyon maya maya. Mahal ka no’n. Hindi ka niya matitiis…”

Kahit papaano ay nagawang pakalmahin ng mga sinabi ng nanay niya si Almira. Sana nga ay ganoon lang ang nangyari kaya wala pa rin si Gabriel hanggang ngayon. Inisip niya na mamaya ay babalik na ang asawa niya. Hihingi agad siya dito ng paumanhin at hindi na niya pagdududahan ang mga sasabihin nito.


-----ooo-----


MABIGAT ang ulo na ni Miguel nang magising siya. Nakahiga siya sa malambot na kama. Ang huli niyang natatandaan ay nagpakalasing siya sa isang bar at wala pala siyang pambayad. Hanggang sa may isang lalaki na lumapit at nagprisintang ito na ang magbabayad ng lahat ng in-order niya.

Akmang hahawakan niya ang ulo upang hilutin iyon pero may pumigil sa kamay niya. Nang tingnan niya iyon ay doon lang niya nalaman na nakatali iyon sa kabilang dulo ng headboard. Pati ang isang kamay niya ay ganoon din! Nakatali ang mga kamay niya!

Naguguluhang iginala niya ang mata sa kwartong kinaroroonan. Hindi siya pamilyar sa kwartong iyon. Malaki at tila pangmayaman. Malaki ang kama at kasya yata doon ang apat na tao. Ang tanging suot niya ay brief. Nakita niya sa gilid ng kama ang kaniyang damit at pantalon.

Binalot ng kaba si Miguel. Nasaan siya? At sino ang may kagagawan nito sa kaniya?

Hindi kaya ang may kagagawan nito ay iyong lalaki na nagbayad ng mga in-order niya sa bar? Wala siyang ibang natatandaan na nakasama kundi ito lang. Ngunit, ano naman kaya ang balak nito sa kaniya kung iyon man ang may kagagawan? At sino ang naturang lalaki?

Napapitlag si Miguel at napahinto sa pag-iisip nang marinig niya ang pagbukas ng pinto. Isang lalaking may dalang tray ng pagkain ang pumasok. Nakangiti ito sa kaniya habang siya ay gulat na gulat. Nanlalaki ang mga mata niya dahil kilala niya ang naturang lalaki. Walang iba kundi si Ralph!

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon