Kabanata XIII

1.9K 81 5
                                    


“KONSERBATIBO ang pamilya namin, Gabriel. At hindi kami naniniwala na wala pang namamagitan sa inyo ng anak namin na si Almira. Hindi man magandang pakinggan pero hindi ninyo maaalis sa isip namin na baka may nangyari na rin sa inyong dalawa. Kasalanan din naman namin dahil sa naging maluwag kami sa inyong dalawa. Kaya gaya ng nasabi ko sa inyong dalawa kanina ay nakapagdesisyon kaming ipakasal na kayong dalawa. Tutal naman ay doon na rin ang punta ng inyong relasyon…”

Nasa salas siya ng bahay nina Almira. Magkatabi sila ng babae habang nasa harapan nila sina Kapitan Arnold at Aling Irma.

Halos hindi na naiintindihan ni Gabriel ang mga sinasabi ni Kapitan Arnold. Paano ay bigla na lang siyang napatingin sa kaliwa niyang palad. Doon ay may nakita siyang malaking peklat. Sa totoo lang ay ngayon lang niya iyon napansin. Ang hindi niya maintindihan, parang may alaalang bumabalik ngayon sa kaniyang utak.

“Sino 'yon?! Saglit lang akong nawala tapos may iba ka na agad kausap?!” sigaw ng isang lalaki sa kaniya. Hindi niya masyadong makita ang mukha nito dahil malabo ang lahat ng nakikita niya sa utak niya.

“Nagtatanong lang siya kung saan ang magandang hotel dito!” sagot naman niya dito.

“You can’t fool me! Cheater!!!”

Malakas siyang itinulak ng lalaki. Napaatras siya sa lakas ng pagkakatulak nito. Nawala ang balanse niya at bumagsak siya. Kasunod niyon ay naramdaman niya ang matinding sakit sa kaniyang kaliwang palad.

Napasinghap sabay ngiwi si Gabriel nang maputol ang alaalang iyon. Napahawak siya sa kaniyang palad dahil tila naramdaman niya ang sakit doon.

“Gabriel?” Napapitlag siya nang pukawin ni Almira ang pansin niya. “Ayos ka lang ba? Pinagpapawisan ka…” May himig pag-aalalang sabi ng babae.

Pilit siyang ngumiti. “W-wala ito. Kinakabahan lang ako,” bulong niya.

“Nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko, Gabriel? Kanina ka pa wala sa sarili mo,” seryosong nakatingin si Kapitan Arnold sa kaniya.

“Nakikinig po ako. At huwag po kayong mag-alala, kung gusto ninyong makasal kami ni Almira ay papayag po ako. Mahal na mahal ko po ang anak ninyo. Handa akong panagutan siya kung iniisip ninyong may responsibilidad na ako sa kaniya.” Matapat naman niyang sambit.

“Mabuti naman kung ganoon. Huwag mong isipin na sinasakal ka namin. Pinoprotektahan lang namin si Almira sa pwedeng maging bunga ng ginagawa ninyo.”

“Naiintindihan ko po, kapitan…”


-----ooo-----


MAG-ISANG nakatayo sa may dalampasigan si Gabriel habang nakatanaw sa kulay kahel na kalangitan. Dulot iyon ng papalubog na araw. Bahagya nang madilim. May mga ibong lumilipad sa ibabaw ng dagat na naghihintay ng isdang mahuhuli at makakain. Napakasarap pakinggan ng mabining alon na humahalik sa buhangin at sa kaniyang paa.

Hanggang ngayon ay iniisip niya pa rin ang kakarampot at malabong alaala na pumasok sa utak niya nang makita niya ang peklat sa kaniyang palad.

Parte nga ba iyon ng kaniyang nakaraan? Kung, oo, sino naman ang lalaking kasama niya? Bakit parang galit na galit ito sa kaniya?

Napabuga na lang ng hangin si Gabriel. Kahit ano namang halukay niya sa kaniyang utak ay wala siyang makuhang sagot. Pero hindi naman siya nawawalan ng pag-asa na darating din ang araw na maaalala na niya ang lahat. At kung hindi man mangyari iyon, masaya na naman siya sa magiging buhay niya sa lugar na ito. Lalo na at ikakasal siya kay Almira.

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon