Kabanata IV

2.4K 98 4
                                    

“WOW! This is… paradise!” Hindi napigilang bulalas ni Miguel nang marating na niya ang Takipsilim Beach Resort. Gandang-ganda siya sa lugar.

Iba ang buhangin sa parteng iyon ng Alabat Island. Pino at bahagyang kulay dilaw na tila ginto. Kalma ang dagat at ang mga kwarto sa resort ay yari sa kubo. Agad siyang nag-check in sa resort at pumili siya ng kubo na nakaharap sa dagat na naibigay naman sa kaniya ng may-ari. Inaasahan niya na mainit sa loob ng kubo pero nang pumasok siya ay nasiyahan siya dahil presko at hindi naman mainit. Malaki rin iyon para sa kaniya na mag-isa lang. Meron namang electric fan, isang higaan, lutuan at hapag-kainan. May upuan at mesa din sa labas na pwede niyang pagtambayan.

Nang humiga siya sa papag na naroon ay doon niya naramdaman ang pagod. Ipinikit muna niya ang mata para umidlip. Kailangan niyang mag-recharge. Masyadong nakakapagod ang naging biyahe niya. Para mamaya ay may energey na siya para libutin ang isla.


-----ooo-----


PUPUNGAS-PUNGAS na nagising si Miguel. Pagbangon niya ay nasilaw siya sa sinag ng araw na nagmumula sa labas. Nakabukas kasi ang bintana sa tabi niya. Sandali siyang nag-inat at bumaba ng papag. Tiningnan niya ang oras sa wrist watch at nalaman niyang halos tatlong oras din pala siyang nakatulog.

Napahawak siya sa tiyan nang bigla iyong kumalam. Nagugutom na siya. Kailangan na niyang kumain. Meron naman sigurong makakainan dito sa beach resort. Iyong malapit lang. Nakakaramdam na kasi siya ng kaunting pagkahilo dahil sa gutom.

Wallet lang ang dinala niya nang lumabas siya ng kubo. Nakita niya na nakatayo sa labas ng kubo niya ang matandang babae na may-ari ng beach resort. Ito ang sumalubong sa kaniya.

“Manang Grasya, magandang hapon po!” bati niya na ikinalingon nito sa kaniya.

“Magandang hapon din sa iyo, Miguel.” Maaliwalas ang ngiti ng matanda.

Nakwento nito sa kaniya na siya lang ang naka-check in sa resort nito. Hindi na daw kasi ito katulad dati na puntahan ng mga tao. Simula nang marami nang magagandang beach na nadiskubre sa Quezon ay naging matumal na ang pagpunta ng tao sa Alabat Island.

“Mag-isa po kayo diyan? Ano pong ginagawa ninyo?” tanong niya nang makalapit na siya kay Manang Grasya.

“Hinihintay ko ang aking asawa. Pumalaot kasi siya para humuli ng mga isda. Paparating na siya. Nakikita mo ba ang bangka na iyon?” May itinuro itong bangka na tila papalapit na sa pampang.

Tumango si Miguel. “Opo. Si Manong Upeng na ba 'yon?”

“Siya nga. Hindi ko nga malaman diyan kay Upeng. Tanghaling tapat naisipan na mangisda.”

Kahit gutom na ay mas pinili ni Miguel na samahan si Manang Grasya na hintayin si Manong Upeng. Hindi nga nagtagal ay narating na ng bangka ng matanda ang pampang. Agad silang lumapit dito. Tinulungan niya si Manong Upeng na hilahin ang bangka sa buhangin.

Isang timba na puno ng iba’t ibang isda at mga alimango ang ibinaba ni Manong Upeng mula sa bangka. Natuwa siyang tingnan ang mga iyon dahil sa dami.

“Wow! Ang dami niyo palang huli, manong!” natutuwang bulalas ni Miguel.

“Sinwerte lang, totoy. Aba, e, ayaw pa nga akong payagan nitong si Grasya na mangisda. Kung hindi ako pumalaot ay wala akong huli na ganire,” pakli ng matandang lalaki.

Inirapan ito ng asawa. “Tanghaling tapat ka naman kasi kung mangisda, e. Pwede namang sa gabi. Lalo nang masusunog balat mo niyan!” iiling-iling pa ito.

“E, kasi naman, para kang naglilihing buntis kanina pang umaga. Panay ang parinig mo na gusto mong kumain ng alimango. Kaya nanghuli ako. Mabuti na lang at may huli na iyong mga baklad ko sa laot!”

Husbands And WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon