Chapter 1

13.4K 211 11
                                    

Please do Comment and Vote :)

KamijoMican

-Savage Temptation-

INIP na inip na si Feliza na nag-aantay sa isang fastfood chain sa kaibigan niyang si Yvonne, sabi kasi nito magkita sila sa fastfood chain na iyon at may ipapadala ito sa kanya pag uwi niya sa Pampanga, kung saan nakatira ang mga magulang ni Yvonne. Pero isang oras na siyang nag-aantay doon ay wala pa ring Yvonne na dumating at pudpod na ang daliri niya kakapindot sa cellphone niya dahil tini-text at tinatawagan niya ito na hindi naman nito sinasagot.

"Ano ba naman! Namumuti na ang mata ko kaantay rito!" naghihimutok na reklamo niya. Naiinis na siya at ngali-ngali na siyang umalis pero ayaw naman niyang gawin dahil alam niya na inaasahan din ng mga magulang ni Yvonne ang ipapadala ng anak nila sa kanila. Kaya hindi na muna siya umalis at inantay pa ang kaibigan.

Si Yvonne ay matalik na kaibigan niya, na kasama niyang lumuwas din dito sa Maynila upang makipagsapalaran nang makatapos sila pareho ng kolehiyo. Noong unang dating nila rito pareho sila nang pinasukang trabaho na admin office sa isang mall pero hindi nagtagal nag-resign si Yvonne at naghanap ng ibang trabaho, hanggang sa pati ng matitirhan ay humiwalay ito. Matagal-tagal na rin na hindi sila nagkikita laging sa tawag, text or chat lang sila nagkakausap kaya nang tawagan siya nito at nakiusap na magkita sila dahil may ipapadala raw ito sa magulang ay agad siyang pumayag. Para na rin sana makasama ito dahil miss na rin kasi niya ang kaibigan.

Mayamaya ay napatayo siya at napabuntong hininga nang makita na ang kaibigan na papasok na sa fastfood chain na kinaroroonan niya at luminga-luminga pa ito. Nang makita siya nito agad itong lumapit sa kanya.

"Oh, bakit ngayon ka lang?" tanong niya kaagad sa kaibigan.

May inabot itong makapal na sobre sa kanya at luminga-linga na naman ito."Paki-bigay mo na lang iyan kila Inay at Itay, malaki-laki iyan. Sabihin mo bayaran na ang lupa at bahay na nakasanla at magtayo sila ng maliit na tindahan sa matitira diyan," bilin sa kanya ni Yvonne at muling luminga-linga na naman na ipinagtataka niya.

"Bakit ba linga ka nang linga?"

"Baka kasi may mang-holdap sa akin dito. Ang laki kasi ng pera na ibinigay ko sa'yo," katwiran ni Yvonne. May kinuha ito sa bulsa at lilibuhin iyon saka ibinigay sa kanya,"sa'yo iyan para sa pamasahe at pang-budget mo na rin." Inabot nito ang pera na ikinalaki ng mata niya. Parang ang laki kasi ng ibinibigay nitong pera saka bakit ang dami nitong pera ngayon.

"Hindi na, may pera naman ako-

"Huwag ka nang tumanggi pa! Bigay ko talaga ito sa'yo," putol ni Yvonne sa sasabihin niya sana. "Sige na, aalis na ako. Mag iingat ka, sabihin mo kila Inay at Itay na ayos lang ako at pakisabi, mahal na mahal ko sila," bilin na naman nito saka siya tinalikuran at umalis.

"Yvonne, teka-

Hindi na lumingon pa si Yvonne, dire-diretso itong lumakad hanggang sa makalabas ito ng fastfood chain, kinuha niya ang bag niya at inilagay ang mga perang ibinigay sa kanya ni Yvonne at nagmamadaling sinundan ito. Ang bilis maglakad ni Yvonne dahil nakalayo na talaga ito kaagad sa kanya kaya lakad-takbo na siya para sundan ito. Nakadama rin kasi siya nang pag-aalala sa kaibigan, kung bakit ang dami nitong pera at bakit ganoon na lang ito makapagsalita.

"Yvonne!" tawag niya dito pero hindi ito lumingon, hawak nito ang cellphone at nasa tenga nito iyon. Nagtatakbo na siya para habulin ang kaibigan at nakita niya na lumiko ito sa isang madilim na lugar. Kaya mas nagmadali siyang sundan ito pero hindi pa siya nakakaliko nang may marinig siyang malakas na tili na ikinagulat niya at napahinto siya sa paglalakad.

Savage Temptation [R18]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon