LESSON 02- Your Highness

4.6K 148 12
                                    

MAY inggit na mababanaag sa mga mata ni Aliyah habang pasimple niyang pinapanood ang paghaharutan nina Candice at ng nobyo nitong si Rocco David. Nasa pinakasulok siyang upuan sa classroom nila habang ang dalawa ang nasa may unahan na upuan. Nakaupo si Candice sa mga hita ni Rocco habang kinikiliti ng huli ang una.

Pangalawang araw pa lang niya sa school na iyon kaya wala pa siyang kaibigan. Pero sa totoo lang, wala naman siyang pakialam kung magkakaroon siya ng kaibigan o hindi. Siya ang klase ng tao na kayang mag-isa. Hindi niya kailangan ng tulong ng iba.

Ang una niyang nakilala kahapon sa bago niyang school ay si Rocco. Late na siyang pumasok dahil nag-inarte pa siya sa pagpasok. Kung hindi pa siya pinilit ng nanay niya ay hindi talaga siya papasok ngayon. Pagdating niya sa school ay wala na siyang nakikitang estudyante sa labas kaya wala siyang mapagtanungan kung nasaan ba ang kaniyang magiging classroom.

Mabuti na lang ay nakasalubong niya si Rocco. Nakipagkilala ito sa kaniya at nagkataon na isa pala ito sa magiging kaklase niya. Dahil kapwa late na sila sa first subject ay tumambay na lang muna sila sa labas ng school. Inilibre siya nito ng kikiam. Gwapo si Rocco. Mabola. Hindi na siya nagtaka kung nagka-crush siya agad dito.

Pero tila gumuho ang mundo niya nang malaman niyang may girlfriend na ito. Walang iba kundi si Candice Soriano—ang nagre-reyna-reynahan sa RNHS. Kung umasta, akala mo ay may-ari ng school.

Feeling niya tuloy ay pinaasa lang siya ni Rocco. Nilandi-landi siya nito kahapon tapos may girlfriend na pala ito!

“Magiging akin ka rin, Rocco. Aagawin kita sa Candice na iyan!” Pangako niya sa kaniyang sarili.

Habang nakatingin siya sa dalawa ay biglang napalingon si Candice sa kaniya. Tinaasan siya nito ng isang kilay at bigla nitong hinalikan sa labi si Rocco. Tila ba sinadya nitong gawin iyon dahil alam nitong nanonood siya.

Mas lalo tuloy tumalim ang tingin niya. Kung may kutsilyo lang siya ay baka nasaksak na niya sa mukha ang kinaiinisan niyang si Candice!

-----ooo-----

HUMALUKIPKIP si Aliyah sabay taas ng isang kilay. “Really? Gagawin ninyo ang lahat para lang mapatunayan ang loyalty ninyo sa akin?” paninigurong tanong niya kina Nikki, Jillian at Destiny.

Sabay-sabay na tumango ang tatlo. “Of course! Ikaw na ang queen namin, e,” sagot ni Nikki.

“Hmm… To be honest, hindi ko gusto na tinatawag ninyo ako’ng queen. May iba akong gustong itawag ninyo sa akin.” May naisip kasi siya.

“Ano naman 'yon?” sabay na tanong ng tatlo.

Kinagat niya ang pang-ibabang labi at ngumiti muna bago sumagot. “Your Highness! Iyan ang gusto kong itawag ninyo sa akin simula ngayon!” Mataray at puno ng pagmamalaking sabi ni Aliyah.

Natahimik ang tatlo sa sinabi niya. May pag-aalangan sa mukha ng mga ito.

“Ano? Hindi niyo ba kaya? Iyan pa nga lang pinapagawa ko, hindi niyo pa kaya? Ano pa kaya iyong kasunod?” Umiling-iling siya sabay palatak. “Kung hindi niyo naman kayang panindigan ang mga pinagsasabi niyo kanina, lubayan niyo na lang ako—”

“Your Highness…” putol ni Destiny sa pagsasalita. “M-maganda. Mas may dating pakinggan kesa sa queen. 'Di ba, girls?”

Humakbang pa ng isa paunahan si Jillian. “I agree! Mas posh! Your Highness!”

“Overused na ang term na queen. Your Highness? I like it. No! I love it!” May pagpalakpak pa talaga si Nikki.

“Very good, girls. From now on, Your Highness na ang itatawag ninyo sa akin!” deklara ni Aliyah. Akmang magsasalita pa sana ang mga ito pero itinaas niya ang isang kamay para pigilan ang mga ito. “Look down, girls. You’re talking to Your Highness!” paalala pa niya.

School Trip 7: Deadly SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon