“CANDICE…” Napapitlag si Candice nang hawakan siya ni Samuel sa balikat.
Napatingin siya sa nobyo. May pag-aalinlangan sa mga mata niya. Nahahati sa dalawa ang utak niya. Sasabihin ba niya kay Samuel ang tungkol kay Aliyah o hindi? Ayos lang na hindi niya sabihin pero paano niya ipapaliwanag ang mga narinig nito kanina? Ang hirap magsinungaling lalo na at tila hinahalukay siya ng mga titig ni Samuel.
“Boyfriend mo ako, Candice. Mapagkakatiwalaan mo ako. Sino si Aliyah at bakit kailangan ninyong masiguro na patay na siya?”
“S-samuel…” Natigilan siya sandali nang akmang magsasalita na siya.
Hanggang sa natagpuan na lang niya ang sarili na sinasabi kay Samuel ang tungkol kay Aliyah. Sinimulan niya sa pagdating nito sa buhay niya noong high school siya. Hindi rin niya kinalimutan nang talunin siya nito sa isang beauty pageant sa kanilang eskwelahan. Iyon ang ugat ng lahat. Sinabi niya kay Samuel hanggang sa ginawa nilang pagpatay kay Aliyah…
Hindi magawang maniwala ni Candice na buhay pa pala si Aliyah. Ang buong akala niya ay patay na ito dahil wala na itong pulso kanina. Pero ngayon ay nakadilat ang mata nito habang titig na titig sa kaniya.
“T-tulungan ninyo ako… P-please…” patuloy na pakiusap ni Aliyah sa kanila pero sa kaniya lang ito nakatingin. “G-gusto ko pang m-mabuhay.”
Napailing siya sabay tayo. “A-ano nang gagawin natin?” Nalilito niyang tanong.
“Dalhin na natin siya sa ospital, please!” Umiiyak na si Jillian ng sandaling iyon. “Pwede pa siyang mabuhay kung madadala natin siya agad!”
“Hindi!” Mabilis na sabi ni Rocco. “Magsusumbong iyan at mayayari tayo!”
“I agree! We should let her die!” segunda ni Destiny.
“Die? Hindi tayo killer!” Hindi makapaniwalang sabi ni Jillian. Humarap ito sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Candice, sabihin mo sa kanila na dadalhin natin si Aliyah sa ospital! Ayokong pumatay ng tao! Ayoko!”
Naguguluhan pa rin si Candice. Hindi niya alam kung sino ang kaniyang susundin. Alam niyang siya ang hinihintay ng lahat na magdesisyon kung ano ba ang gagawin nila kay Aliyah.
Nilapitan siya ni Rocco at tinabig nito si Jillian. Yumukod ito at pagtayo ay may hawak na itong sanga ng puno. Pinutol niyon sa gitna kaya naging dalawa iyon. Itinapon nito ang isa. Ang itinira nito ay iyong may matulis na dulo.
“Kailangan nating patayin si Aliyah. Mag-isip ka! Kapag nabuhay pa 'yan, magsusumbong iyan at iyon na ang katapusan natin!” Mariing sabi ni Rocco sa kaniya.
“H-hindi… Pangako, h-hindi ako magsusumbong… S-sasabihin ko na naaksidente ako, na nadulas lang ako. Parang awa niyo na…” Napatingin si Candice kay Aliyah nang magsalita itong muli.
Mabilis naman nahinawakan ni Rocco ang mukha niya at iniharap siya nito dito. “Nagsisinungaling ang babaeng iyan. Magsusumbong iyan!” giit nito.
Kinuha ni Rocco ang isa niyang kamay at inilagay doon ang sanga. Ipinahawak nito iyon sa kaniya. Iginiya siya ng lalaki palapit kay Aliyah na walang tigil ang pag-iyak. Isang malaking takot ang nakikita niya sa mukha ng babae. Lumuhod sila ni Rocco sa may bandang ulo ni Aliyah. Natitigalgalan pa rin siya. Hindi niya pa rin alam kung ano ba ang dapat niyang gawin.
“Patayin mo na siya, Candice. Gawin mo para sa ating lahat,” himok pa ni Rocco.
Nang hindi siya kumilos ay muli nitong hinawakan ang isa niyang kamay na may hawak sa sanga. Iginiya nito iyon papunta kay Aliyah. Itinutok nito ang matulis na dulo ng sanga sa gilid ng leeg ng babae.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!