“BILISAN ninyo! Baka may makakita sa atin, e!” Puno ng kaba ang dibdib ni Candice pero hindi niya iyon pinapahalata sa mga kasama. Ayaw niyang ipakita sa mga ito na nagsisisi siya sa ginawa nila. Gusto niyang ipakita sa lahat na sa kabila ng nangyari ay matapang pa rin siya at kaya niyang panindigan ang nagawa.
Lahat sila ay natataranta at tuliro na. Madilim sa gubat at malamig ang hangin. Ngunit nagpapasalamat na rin siya dahil madilim dahil kung hindi ay baka may nakakita na sa kanila.
“Nasaan na ba iyong balon? Malayo pa ba?” Mangiyak-ngiyak na tanong ni Jillian.
“Destiny! Ano na?” pinanlakihan niya ito ng mata. Ito kasi ang may sabi na natatandaan nito ang balon kung nasaan iyon. Doon kasi nila balak na itapon ang katawan na pinagtutulungan nilang buhatin.
“D-diretso lang. Malapit na tayo!” sagot nito kahit may pag-aalinlangan sa mukha.
Sa may ulo nakahawak si Candice kaya puno na ng dugo ang kamay niya. Umaagos ang dugo ni Aliyah mula sa malaking sugat nito sa noo. Kinikilabutan na siya sa dugong nakayakap sa kaniyang mga kamay. Puno na ng pawis ang kaniyang mukha.
Lahat sila ay natigilan nang mula sa kung saan ay may marinig silang kaluskos. Sinundan iyon ng tunog ng mga tuyong dahon at sanga na natapakan.
“M-may t-tao!” Kinakabahan at takot na takot na bulalas ni Rocco.
-----ooo-----
AKALA mo ay kinakapos ang hininga nang napabalikwas ng bangon si Candice mula sa pagkakatulog. Nahihintakutang luminga siya sa paligid at ganoon na lang ang pagpapasalamat niya nang mapagtanto niyang nasa silid pa rin niya siya. Madilim pa rin sa labas. Kung hindi siya nagkakamali ay madaling araw pa lamang.
“Panaginip lang ang lahat… Panaginip lang…” Paulit-ulit na pangungumbinse niya sa sarili. Laking pagpapasalamat niya na nagising at hindi na nagpatuloy pa ang panaginip na iyon.
Oo, panaginip nga lang iyon pero ang pangyayaring iyon ay totoong nangyari. Limang taon na rin ang nakakalipas. Isang pagkakamali ang nagawa nila na hanggang ngayon ay itinatago pa rin nila.
Nasapo niya ang ulo at napatulala. Sinuklay niya ang buhok gamit ang mga daliri. Tiningnan niya si Samuel na mahimbing pa rin na natutulog sa kaniyang tabi. Hindi man lang ito natinag sa pagbalikwas niya kanina. Marahil ay pagod na pagod ito sa maghapong pagtatrabaho sa pabrika.
Si Samuel ay ang kaniyang nobyo ngayon. Matanda ito ng ilang taon sa kaniya pero hindi iyon naging hadlang para sa kanilang pagsasama. Hindi pa ganoon katagal ang kanilang relasyon. Siyam na buwan pa lang ang kanilang relasyon. Magkasama sila sa iisang apartment na pinagtutulungan nilang bayaran buwan-buwan.
Matapos malaman noon ni Rocco na ginagahasa siya ng kaniyang tiyuhin ay nakipaghiwalay ito sa kaniya. Anito, hindi nito kaya ang katotohanan na may ibang lalaking gumagamit sa kaniya bukod dito. Halos gumuho ang mundo niya noon. Gabi-gabi siyang umiiyak. Hindi na rin siya nagpatuloy sa pag-aaral dahil sa nawalan na siya ng gana sa lahat. Pati kasi ang mga kaibigan niya ay umiwas sa kaniya. Para bang isa siyang nakakadiring bagay na dapat iwasan.
Ilang taon ang lumipas at nanatili siya sa poder ng kaniyang tiyuhin. Tiniis niya ang lahat ng pambababoy nito para lang mabuhay.
Natuto siyang magtrabaho. Ang una niyang trabaho ay sa isang eatery. Sa cashier siya. Doon niya nakilala si Samuel. Simula nang makita siya nito sa eatery ay madalas na itong kumakain doon. Hanggang sa nagkakausap na sila. Hinihintay na rin siya nito kapag pauwi siya. Inihahatid. At tuluyan na siyang niligawan ng lalaki.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!