“JILLIAN! Anong tinitingin-tingin mo diyan? Kumilos ka at tulungan mo kami dito!” Napapitlag si Jillian nang magsalita si Candice. Hawak nito ang isang paa ni Aliyah.
Hindi niya mapigilan ang mapatulala nang makita ang duguan ulo at mukha ni Aliyah. Sa dami ng dugo ay halos natabunan na niyon ang buong mukha ng babae.
Ang bilis ng pangyayari. Balak lang talaga nila na kuhaan ng video si Aliyah habang wala itong saplot at ipakalat iyon sa buong school. Para lamunin ito ng kahihiyan. Iyon ang pagganting naisip ni Candice. Sino bang mag-aakala na mauuwi sa ganito ang lahat? Namatay si Aliyah nang hindi sinasadya. Kahit ba si Candice lang ang may kagagawan ng pagkaka-untog nito sa bato ay damay na rin silang lahat.
Iniisip niya, kung ano ba ang mangyayari sa kanilang lahat oras na may makaalam ng nagawa nila? Makukulong ba sila? Ah, hindi. Menor de edad pa sila. Ngunit siguradong lalayuan sila ng lahat kapag nalaman ng mga ito na nakapatay sila. Hindi man sila makulong ngayon pero baka sa hinaharap at kapag nasa hustong edad na sila ay mangyari iyon.
“Fuck, Jillian! Move!” pigil ang inis na sigaw ni Destiny.
Kumurap-kurap si Jillian. “A-anong gagawin ko?” Natataranta niyang tanong.
“Tulungan mo kami. Okay lang ba sa’yo?” sarkastikong sabi ni Candice.
Tumango siya kahit 'di sigurado sa gagawin. Hinawakan niya ang isang paa ni Aliyah. Mainit pa iyon pero kung titingnan ito ay mukhang patay na talaga. Hindi na nila makita na gumagalaw ang dibdib nito. Indikasyon na wala na itong hininga.
Pikit-matang tumulong si Jillian kahit kinikilabutan siya na humawak ng patay. Silang dalawa ni Candice sa magkabilang paa. Sina Trevor at Destiny sa dalawang braso. Habang sina Rocco at Nikki ay nakaalalay sa katawan ni Aliyah. Itinuturo ni Trevor ang daan papunta sa balon kung saan nila balak itapon ang bangkay ni Aliyah. Doon kasi ay hindi ito makikita.
“Malayo pa ba, Trevor? Kailangan na nating makabalik sa bus!” Alam niyang kinakabahan si Candice na makita sila ni Teacher Annie.
“Chill lang. Malapit na tayo. O, 'ayon na 'yong balon!” Malakas na sabi ni Trevor.
“Bunganga mo naman! Baka may makarinig sa atin!” inis na sita ni Destiny.
Sa hindi kalayuan ay natatanaw na niya ang balon. Medyo binilisan na nila ang pagkilos hanggang sa makarating na sila sa may tabi ng balon. Hinihingal na inilapag nila ang katawan ni Aliyah sa tabi niyon. “Ano na ang g-gagawin natin?” tanong ni Jillian.
“Alisin ninyo ang takip ng balon para maitapon na natin ang babaeng 'yan!” ani Candice. Ang takip ng balon ay yari din sa semento.
“T-tama ba itong gagawin natin? B-baka may makaalam…”
“Stop being a pussy, Jillian! Mas gugutuhin ko pang mabulok ang Aliyah na 'yan sa balon na iyan kesa makulong, 'no!” turan ni Nikki.
“Tama na nga 'yang pagbabangayan ninyo!” singit ni Rocco. “Hoy, Trevor! Tulungan mo akong alisin ang takip ng balon!”
Tumalima naman agad si Trevor at tinulungan nito si Rocco sa pag-alis ng takip ng balon habang silang mga babae ay pinapanood ang dalawang lalaki. Napatingin si Jillian sa katawan ni Aliyah. Kahit papaano ay nakikita niya ito dahil sa liwanag ng buwan. May awang humaplos sa puso niya para sa babae. Ang bata pa nito para mamatay. Kaaway man nila ito, kahit minsan ay hindi niya inisip na mamatay ito at sa ganitong paraan pa.
“Ihulog niyo na. Bilis!” Narinig niyang sabi ni Rocco. Iyon pala ay wala na ang takip ng balon.
Bago pa kumilos ang lahat para buhatin ulit si Aliyah ay may naramdaman si Jillian na kakaiba sa paligid. Iyong pakiramdam na parang may nanonood sa kanila, may matang nakamasid sa kanilang ginagawa. Niyakap niya ang sarili habang lumilinga sa paligid. Wala naman siyang nakitang kahina-hinala. Baka nagkakamali lang siya. Baka nararamdaman lang niya iyon dahil sa natatakot siya na may makahuli sa kanila.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!