"KAILANGAN nating patayin si Aliyah. Mag-isip ka! Kapag nabuhay pa 'yan, magsusumbong iyan at iyon na ang katapusan natin!"
"H-hindi... Pangako, h-hindi ako magsusumbong... S-sasabihin ko na naaksidente ako, na nadulas lang ako. Parang awa niyo na..."
"Nagsisinungaling ang babaeng iyan. Magsusumbong iyan!"
"Patayin mo na siya, Candice. Gawin mo para sa ating lahat..."
"'W-wag! Maawa kayo!"
Nanlaki ang mata ni Aliyah nang dahan-dahan na bumaon sa leeg niya ang matulis na sanga na hawak ni Candice. Inaalalayan ito ni Rocco na ibaon nang tuluyan ang sanga pero parang pinipigilan iyon ni Candice na mangyari. Nakikita niya ang pag-aalinlangan at awa sa mukha ni Candice.
Masakit. Mahapdi. Iyon ang nararamdaman niya. Basang-basa na ng dugo ang leeg niya. Napapikit na lang siya pero kahit papaano ay alam pa niya ang nangyayari sa kaniyang paligid. Binuhat na siya nina Rocco at itinapon sa loob ng balon.
Mabuti na lang at patayo siyang inihulog kaya hindi tumama ang anumang bahagi ng katawan niya sa gilid ng balon. Yumakap sa kaniya ang malamig at maduming tubig. Unti-unti siyang lumubog pero agad din siyang nagising. Lumangoy siya paibabaw pero huli na ang lahat dahil pagtingin niya sa itaas ay wala na siyang makitang kahit na ano. Puro kadiliman na lang...
Mariing niyang hinawakan ang sugat sa kaniyang leeg upang maampat ang pagdurugo niyon. Matagal siya sa ganoong posisyon. Nanatili siyang nakatingala at umaasang babalik ang grupo nina Candice at bubuksan ang balon para makaalis na siya.
Ngunit matagal siyang naghintay. Hindi na niya alam kung ilang oras na ang lumilipas. Basta ang alam niya ay iyon ang pinaka matagal na oras sa buong buhay niya.
Unti-unti nang nahihirapan sa paghinga si Aliyah. Kinakapos na siya ng hangin.
Hanggang sa nanghina na siya ng husto. Bumibigat na ang talukap ng mata niya. Pakiramdam niya ay hinihila siya ng isang ipo-ipo. Parang gumagaan ang pakiramdam niya. Hanggang sa unti-unti na niyang ipinikit ang kaniyang mata. Tuluyan na siyang hindi nakahinga. At bago pa man siya kuhain ng dilim ay may nabanaag siyang kaunting liwanag mula sa kaniyang itaas...
-----ooo-----
HALOS mabaliw na si Candice sa kakaisip sa kung buhay ba talaga si Aliyah o patay na ito. Sigurado siya. Isandaang porsiyento! Sa balon nila itinapon ang bangkay ni Aliyah at tinakpan nila iyon. Kung nabuhay man ito at nakaakyat papunta sa ibabaw ay imposibleng mabuksan nito ang takip dahil napakabigat niyon.
"Noong una pa lang, alam kong hindi kalansay ng kapatid ko ang nakuha ninyo sa balon. Iyon ay kay Trevor! Dahil alam kong wala ang katawan diyan ni Aliyah!" Galit na sabi ni Samuel habang siya ay naguguluhan at nag-iisip. "Sumama ako sa grupo ninyo dahil ang akala ko ay pupuntahan natin kung saan ninyo talaga inilagay ang katawan ni Aliyah, Candice. Kaya sabihin mo na sa akin ang totoo!"
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!