"AYOKO! Lumayo ka sa akin!" Malakas na sigaw ni Aliyah.
May yumugyog sa katawan niya at saka siya nagising. Nahihintakutan siyang luminga sa paligid upang masiguro na panaginip lang ang lahat. Nasa bus pa rin siya at katabi pa rin niya si Rocco. Nakahawak ito sa braso niya at may pagtataka sa mukha.
"Ano'ng nangyari sa iyo? Bigla ka na lang sumigaw," ani Rocco.
Naisapo niya ang dalawang kamay sa ulo. Isinuklay niya ang mga daliri sa kaniyang buhok. "W-wala. May napanaginipan lang ako," sagot niya at isinandal niya ang likod sa upuan.
Ang totoo ay pangalawang beses na niyang napanaginipan iyong babaeng nakasuot ng kulay pulang damit. Hinahabol pa rin siya nito at itinutulak sa malalim na balon. Nakakatakot dahil parang totoo ang panaginip niyang iyon. Hanggang ngayon nga ay nanginginig pa rin nang bahagya ang katawan niya sa takot. Hindi naman niya masagot kung sino ang naturang babae dahil madilim ang mukha nito.
"Ang ingay naman! Walang konsiderasyon sa mga natutulog." Nag-init ang ulo ni Aliyah sa pagpaparinig na iyon ni Candice.
"Shut up, bitch!"
"Aliyah! Hindi kayo allowed na gumamit ng ganiyang mga salita!" saway sa kaniya ni Teacher Annie na kahit nasa unahan ay narinig ang sinabi niya. Napalakas kasi ang pagsasalita niya dahil sa inis.
"'Ayan... Nalalaman na nila ang tunay mong kulay, Aliyah. Ang ahas kasi kahit magbalatkayo lalabas pa rin ang pagiging ahas."
"Tumigil ka nga diyan. Bitter bitch!" Hinanaan na lang niya ang pagsagot kay Candice at baka mapagalitan na naman siya ng kanilang guro.
Isang mahinang tawa na lang ang pinakawalan ni Candice. Hindi na ito umimik. Siya naman ay isinandal na lang ang ulo sa balikat ni Rocco. Maliwanag na sa labas pero inaantok pa siya. Ang aga niya kasing nagising. Hinayaan na lang niya ang sarili na mapaidlip dahil paniguradong mamaya ay hindi na niya iyon magagawa dahil sa mga activities na gagawin nila.
-----ooo-----
HUMINTO ang bus na kinasasakyan nina Aliyah sa isang eatery. Inabot na kasi sila ng alas diyes ng umaga pero bumabyahe pa rin sila. Marami ang umungot na gutom na kaya nagdesisyon si Teacher Annie na sandali silang kumain sa isang kainan.
Akala mo ay mga baboy na pinakawalan sa kulungan na bumaba ang mga kaklase ni Aliyah. Hindi na sila nakisabay sa mga ito. Saka lang sila bumaba nang kakaunti na lang ang bumababa. Habang pababa ng bus ay napalingon siya sa likuran at nakita niya na kasunod lang pala niya si Candice.
Agad siyang nakaisip ng paraan para inisin ang kaaway.
Tumigil si Aliyah nang nasa pintuan na siya ng bus. Nasa unahan niya sina Rocco, Nikki, Destiny at Jillian na nakababa na.
"Rocco... baby..." Maarteng tawag niya sa nobyo.
Lumingo ito sa kaniya. "Bakit?"
"Kargahin mo naman ako pagbaba. Ang taas kasi ng steps, e..."
Dinig na dinig niya ang pagbuntunghininga ni Candice. "Ang arte!" bulong pa nito.
Siyempre, natuwa naman siya dahil doon pa lang ay nagtagumpay na siya sa balak na inisin si Candice. Pero kulang pa iyon. Ang nais niya ay 'yong uusok ang ilong nito sa sobrang inis!
"Kaya mo naman iyan, e. Nakaakyat ka nga kanina diyan tapos ngayon hindi ka na—"
"E, basta! Gusto ko kargahin mo ako!" giit niya. "Magagalit ako sa iyo niyan, baby." Mas lalo pa niyang inartehan ang pagsasalita.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!