LESSON 22- Heart To Hurt

2.7K 141 28
                                    

MATAPOS ang malakas na pagsigaw ni Candice at naitutop niya ang mga kamay sa bibig. Nanginig ang tuhod niya sa nakitang kahindik-hindik na ayos ni Alexander. Napaluhod siya habang hindi maalis-alis ang mata sa nakabigting katawan sa kaniyang harapan. May mga yabag ng paa siyang narinig at maya maya ay dumating na sina Samuel at Jillian.

Maging si Jillian ay napasigaw din. Habang si Samuel naman ay itinayo siya at niyakap siya. Isinubsob siya nito sa dibdib upang hindi niya makita ang nakabigting si Alexander.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata sa pag-asang mawawala sa kaniyang isipan ang imahe ni Alexander pero nagkamali siya. Mas lalo pa ngang naging malinaw ang lahat. Impit siyang napahagulhol at isiniksik nang husto ang sarili kay Samuel.

Inilayo siya ng nobyo sa silid na iyon at dinala sa kabilang kwarto. Habang si Jillian naman ay nagtatakabo papunta sa ibaba.

Panay pa rin ang iyak ni Candice habang nakaupo sa gilid ng kama. Nakatulala siya at nakayuko.

Biglang bumalik sa alaala niya ang ginawa niyang pagsaksak noon kay Aliyah. Parang nakita niya ulit iyon nang makita ang saksak ni Alexander sa tiyan.

Umangat ang ulo niya nang pumasok si Samuel at umupo sa tabi niya. “Ayos ka lang ba? Gusto mo bang ikuha kita ng tubig?” May pag-aalalang tanong pa nito.

May pagtatakang tiningnan niya si Samuel. Hindi siya makapaniwala na sa kabila ng nagawa niyang pagtataksil dito ay nagagawa pa rin siya nitong bigyan ng pag-aalala.

“Bakit?”

“Anong bakit?” tanong ni Samuel.

“Bakit mabait ka pa rin sa akin, Samuel? Bakit nag-aalala ka pa rin sa akin? Nagtaksil ako sa iyo. N-nakipagtalik ako sa ibang lalaki.”

“Kay Rocco… Sa dati mong nobyo.” Bumakas ang pait sa mukha ng lalaki.

“A-alam mo nang—”

“Si Destiny ang nagsabi sa akin. Kung hindi pa niya sinabi sa akin ay hindi ko pa malalaman na may nakaraan kayo ni Rocco at hindi lang kayo basta magkaibigan noon.” Hindi siya nakapagsalita. Napayuko na lang siya sa kahihiyan. “Sa pagkakatanda ko, si Rocco ang nagtulak sa iyo na saksakin sa leeg si Aliyah. Tama ba ako?”

Tumingin siya dito sabay tango.

“Kung ganoon, hindi ikaw ang pumatay kay Aliyah.”

“B-bakit si Aliyah ang pinag-uusapan natin, Samuel?” Naguguluhan niyang tanong. “Si Alexander… nasaan na siya?”

“Nasa kabilang kwarto pa rin siya.”

“Hindi ba tayo tatawag ng mga pulis?”

Umiling ito. “Gaya ng napag-usapan natin ay hindi tayo pwedeng tumawag ng pulis. Mag-imbestiga sila sa paligid. Kapag nakita nila ang balon at nakita nila ang katawan ni Nikki, sasabit tayong lahat. Mauungkat din ang kaso sa pagkawala ni Aliyah kapag nakita nila sa closet ang buto niya!” anito.

Napatingin si Candice sa closet. “P-pero wala na sa closet iyong buto ni Aliyah. Hindi ba at inilagay ninyo sa ibang taguan?”

“Ano? Sa pagkakaalam ko ay…” Hindi na itinuloy ni Samuel ang pagsasalita. Tumayo ito at binuksan ang closet. Napamura pa ito nang malaman na wala na doon ang mga labi ni Aliyah. Bumalik ito sa kaniya. “Hindi mo ba alam kung sino ang kumuha niyon?”

“Hindi ko alam. Ibig bang sabihin ay nawawala ang mga buto?”

Tumango siya.

Kapwa sila napatakbo sa ibaba upang tanungin ang natitirang kasama kung sino ang kumuha sa mga ito ng buto ni Aliyah sa closet pero wala daw sa mga ito ang gumalaw niyon. Nang tingnan nila ang susi ay nawawala na rin iyon.

School Trip 7: Deadly SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon