“CANDICE, maawa ka sa akin! Huwag mo akong patayin! Kung hindi ko iyong ginawa, h-hindi sana kayo magkikita ulit ni Rocco. H-hindi mo sana siya maaagaw kay Destiny! Parang awa mo na, Candice! Ayoko pang mamamatay!” Nakaluhod na si Jillian sa harapan niya at magkasalikop ang dalawang kamay.
Sandaling natigilan si Candice sa sinabi ni Jillian. May punto ito… Kung hindi sila nito pinadalhan ng mga litrato ni Aliyah ay hindi sila magkikita-kita ulit. Lumambot ang mukha ni Candice. Parang naaawa na siya tuloy ngayon kay Jillian. Ngunit bago pa man niya tuluyang makumbinse ang sarili na patawarin na lang si Jillian ay naisip na naman niyang wala na si Rocco.
Kung kanina ay medyo lumalayo na ang daliri niya sa gatilyo ay muli iyong lumapit doon. “Pero pinatay mo pa rin si Rocco! Kung kailan nagkabalikan na kami, saka mo siya pinatay! Hinding-hindi kita mapapatawad, Jillian!” Mariin niyang itinutok dito ang baril. “Ang dapat sa iyo ay mamatay na rin!”
Malakas na napasigaw at napaiyak sa takot si Jillian. Napayuko na lang ito habang nakalagay ang dalawang kamay sa ulo.
Nang akmang kakalabitin na ni Candice ang gatilyo ay para siyang nanghina. Nagbalik sa utak niya ang ginawa niyang pagpatay kay Aliyah. Ang pagtusok niya ng sanga ng puno sa leeg ng babae. Ang pagbulwak doon ng dugo at pagtapon ng katawan nito sa balon.
Nanghihinang napaupo sa sahig si Candice. Binitiwan niya ang baril.
Hindi na niya kayang pumatay pa ng isa pang tao. Hindi na iyon mauulit pa. Hindi niya kayang patayin si Jillian.
Ang tanging nagawa na lang niya ay ang humagulhol ng iyak habang nakatingin sa katawan ni Rocco. Mabagal na lumapit si Jillian sa kaniya. May pag-aalinlangan siya nitong niyakap. Hinayaan lang niya itong gawin iyon.
“I am so sorry, Candice. H-hindi ko sinasadya. Madilim at may narinig akong babaeng sumisigaw. A-akala ko ay nasa panganib ako. Nagulat ako at naiputok ko ang baril. Patawarin mo ako…” Umiiyak nitong paghingi ng tawad.
Siya naman ay walang masabi. Ang tanging alam lang niya ng sandaling iyon ay labis siyang malungkot. Nagluluksa siya sa pagkawala ng lalaki na kaniyang tunay na minamahal.
-----ooo-----
KAPWA nakatulala sina Jillian at Candice habang magkatabing nakasandal sa dingding ng silid na iyon. Nakatingin sila sa katawan ni Rocco na malapit sa pintuan. Hindi pa rin nila iyon ginagalaw. Kahit papaano ay nagpapasalamat si Jillian na kumalma na si Candice. Kanina ay muntik na siya nitong mapatay. Pero kung napatay man siya nito ay hindi rin niya ito masisisi. Napatay niya kasi si Rocco. Kahit sabihing aksidente lang iyon ay hindi mababago niyon ang katotohanan na napatay niya ang lalaking mahal ni Candice.
Mabuti na lang at tila naliwanagan ang utak nito at hindi siya nito pinatay.
Pinagsisisihan na rin ni Jillian ang lahat. Masyado siyang nagpadala sa takot niya kanina kaya hindi na siya nakapag-isip ng maayos. Naging magulo ang utak niya sa kagustuhan na makaligtas. Sino ba naman kasi ang hindi matatakot sa sinapit nina Nikki at Destiny? Pinatay ang mga ito sa paraang hindi makatao.
“Akala ko talaga ay magiging masaya na kami ni Rocco. Iyon pala ay hindi. Panandalian lang ang lahat…” Putol ni Candice sa katahimikan.
“M-may ibang plano siguro ang Diyos para sa iyo.”
“Diyos? Meron pa ba no’n, Jillian? Parang wala kasi. Kung merong Diyos, bakit Niya ako hinayaang maging bully? Bakit Niya ako binigyan ng tiyuhin na bababoy sa aking pagkatao? Bakit Niya tayo iniligay sa ganitong sitwasyon. Alam mong anumang oras ay maaaring sumulpot si Samuel at patayin tayo kung siya man ang may gawa ng pagpatay kina Nikki at Destiny.”
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorreurIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!