ANG malakas na tunog ng alarm clock ang gumising kay Candice. Bahagya lang na bumukas ang mata niya para tingnan kung anong oras na ba. Alas kwatro pa lang ng umaga. Bakit ba tumutunog ng ganitong oras ang kaniyang orasan? Sabado ngayon. Walang pasok.
Sabado? Sabado… paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak niya.
“Shit!” mura ni Candice sabay balikwas ng bangon. Naalala na niya na ngayon nga pala ang school trip nila. Kaya siya nag-alarm ng ganitong oras ay dahil doon.
Hindi siya pwedeng hindi makasama sa school trip dahil sa event na iyon niya isasagawa ang kaniyang binabalak kay Aliyah. Mabuti na lang at naalala niya. Nagmamadali siyang bumangon at nag-ayos ng gamit.
Inilihim nila kay Aliyah na sasama siya para makampante ito. Baka kasi isipin nito na may binabalak siya kapag alam nitong kasama siya sa school trip. Aatake siya nang hindi ito handa para mas masaktan niya ito. Aatake siya sa oras na hindi nito inaasahan.
“Sinu-sino sa inyo ang nakabayad na para sa school trip?” tanong ni Teacher Annie kahapon bago matapos ang kanilang klase.
Lahat ng kaklase ni Candice ay nagtaas ng kamay maliban lang sa kaniya.
Agad naman siyang napansin ni Teacher Annie. “Candice, hindi ka makakasama? Sayang naman. May dagdag grades pa naman sa lahat ng subject ang sasama,” paalala ng guro.
Umiling si Candice. “Hindi ko na kailangan ng dagdag na grades. Kaya kong mag-aral at maging first honor this year nang hindi sumasama sa school trip.” Umugong ang bulungan ng mga kaklase niya.
Pauwi na si Candice nang harangin siya nina Aliyah at ng tatlo niyang kaibigan.
“Gusto mo bang ako na ang magbayad ng contribution mo sa school trip, Candice? Alam ko naman na wala kang pambayad kasi mahirap ka pa sa daga! Kawawa ka naman kasi, e!” Kunwari’y mabait na tanong ni Aliyah sa kaniya. Malungkot ang mukha nito pero sa mata nito ay nababanaag niya ang panlalait at pagtawa.
Nag-uuyam siyang ngumiti. “Huwag na. Kung makapagsabi ka ng ikaw na magbabayad ay parang ang yaman-yaman mo naman. Itabi mo na lang ang perang iyon. Thank you na lang!” pabalang niyang sabi at naglakad na siya. Binangga pa niya ang balikat ni Aliyah pagdaan niya sa gilid nito.
“Sige, huwag ka na lang palang sumama! Para naman walang istorbo sa amin ni Rocco! For sure, mamamatay ka lang sa inggit kapag nakita mo ang ka-sweet-an namin!” pahabol na sigaw pa ni Aliyah.
Hindi na lang siya sumagot at nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Itinaas na lang niya ang isang kamay at nag-dirty finger dito.
Totoo naman ang sinabi ni Aliyah. Wala naman talaga siyang pambayad para sa school trip. Pero ang hindi nito alam ay nag-ambagan na kahapon sina Nikki, Destiny at Jillian bago mag-uwian. Ang tatlo ang nagbayad para lamang makasama siya. Binigyan din siya ng mga ito ng pera na pam-pocket money. Ganoon ka-loyal ang tatlo sa kaniya.
Hindi na siya makapaghintay na makita ang magiging reaksiyon ni Aliyah kapag nalaman nitong kasama pala siya sa school trip. Lalo na kapag isiniwalat na nila dito na nagpapanggap lang sina Jillian, Destiny at Nikki na kakampi nito! Guguho talaga ang mundo nito mamaya!
Matapos makapag-ayos ng sarili ay ang mga gamit na dadalhin naman ang inayos niya. May pera naman siya kaya hindi na niya kailangang magluto ng baon. Kasya naman iyon siguro para makakain siya sa mga restaurant o kung ano mang kainan na pwede sa pupuntahan nila. Kung magkulang man ang pera niya, sigurado naman na bibigyan siya ng mga kaibigan niya. Kahit kailan ay hindi naman siya pinabayaan ng mga ito.
Paglabas niya ng kwarto ay naabutan niyang nagkakape ang Tito Ruben niya.
“Gising ka na pala, tito,” aniya.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!