MARAHANG umangat ang isang kamay ni Jillian. May itinuturo ito at sinundan ng mata ni Candice ang itinuturo nito. Nanlaki ang mata niya sa gulat nang malaman kung bakit ito sumisigaw. Wala na ang katawan ni Alexander mula sa lubid kung saan ito nakabigti kanina! Ang tanging naroon na lang ay ang lubid. Wala na ang katawan.
“Fuck! Nasaan na ang katawan ni Alexander?” Hindi makapaniwalang bulalas ni Rocco habang tinutulungan niyang tumayo si Jillian na hanggang ngayon ay nanginginig pa rin sa takot.
Panay ang haplos niya sa likuran nito para kumalma.
“Anong nangyari, Jillian? Bakit nawala si Alexander?” tanong niya.
Umiling ito habang umiiyak. “Hindi ko alam! Hindi ko alam!” isinubsob nito sa mga palad ang mukha. “Pag-akyat ko kasi dito ay nakita kong nakabukas ang pinto dito. Nagtaka ako kasi sa pagkakaalam ko ay sarado iyon nang bumaba ako. K-kaya sumilip ako a-at… at nakita kong wala na ang katawan ni Alexander!” Sa pagitan ng paghikbi ay kwento nito.
Totoo ba ang sinasabi ni Jillian? Parang hindi kasi kapani-paniwalang nawala na lang nang basta ang katawan ng isang patay. Ano iyon, nabuhay si Alexander at bumaba mula sa pagkakabigti? Hindi. Sobrang imposible ng bagay na iyon. Walang zombie sa totoong buhay kaya hindi pwedeng mangyari ang naiisip niya.
Kung ganoon ay pwedeng may taong nagbaba ng katawan ni Alexander at dinala iyon sa kung saan. Ngunit ang malaking tanong ay sino ang gagawa niyon?
Nagkatinginan silang dalawa ni Rocco at tila parehas sila ng nasa utak.
“Si Samuel…” Mahinang bulalas ni Rocco.
Tumango siya. “Siya rin ang naiisip kong gagawa niyon. Pero bakit niya kukunin ang katawan ni Alexander? Wala akong maisip na dahilan para gawin niya iyon,” aniya. Gulong-gulo pa rin siya sa mga nangyayari.
Ang daming nangyayari na ang hirap bigyan ng paliwanag. Baka kapag nadagdagan pa ang mga iyon ay tuluyan nang hindi kayanin ng mga utak nila at masiraan na sila ng bait.
“Nakita mo naman ang ginawa ni Samuel sa iyo, Candice. Halos patayin ka na niya. Baliw na ang lalaking iyon kaya kahit anong pumasok sa isip niya ay gagawin niya!” sagot ni Rocco.
Marahang lumayo si Jillian sa kaniya. Pinunasan nito ang luha sa mukha gamit ang mga kamay. “K-kung si Samuel ang kumuha sa katawan ni Alexander, i-ibig sabihin ay nakapasok siya dito?” Para silang binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi ni Jillian.
“Si Destiny!” Magkakasabay nilang sabi sabay labas ng kwartong iyon.
“Mag-isa lang siya sa ibaba. B-baka kung ano na ang nangyari sa kaniya!” Kinakabahang sabi ni Candice. Kung nakapasok na nga si Samuel dito sa loob ay maaaring nakita na rin nito si Destiny na nakatali sa may salas at mag-isa.
Tumakbo sila papunta sa ibaba. Pagdating nila sa salas ay agad na binuksan ni Rocco ang ilaw doon at hindi sila handa sa kahindik-hindik na senaryo na tumambad sa kanila!
-----ooo-----
“HOOOY!!! Mga pangit! Pakawalan niyo ako dito! Kalma na ako, mga putang ina kayooo!!!” Malakas na sigaw ni Destiny na sinasamahan pa niya nang pagpiglas. Umaasa siya na baka lumuwag ang pagkakatali sa mga paa at kamay niya at magawa niyang makawala.
Mag-isa na siya sa salas. Nakatali sa upuan ang mga paa at may nakataling belt sa kamay. Patay ang ilaw at wala siyang nakikitang kahit na ano. Iniwan siya nina Rocco dito sa ganitong kalagayan. Hindi ba nangangamba ang mga ito na baka may kung anong mangyari sa kaniya. Paano kung makapasok si Samuel at patayin siya? Wala siyang kalaban-laban kapag nagkataon.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!