BAHAGYA nang kumakalat ang lamig sa katawan ni Candice. Ang isa niyang kamay ay nakakapit sa gilid ng balon habang ang isa ay nakaalalay sa lubid na nakatali sa beywang ni Jillian. Tahimik na silang dalawa dahil baka nasa paligid lang ang taong gustong pumatay sa kanila. Upang hindi niya maramdaman nang sobra ang lamig ay iginagalaw-galaw niya ang mga paa sa ilalim ng tubig. Paraan na rin iyon upang lumutang. Kapwa rin sila kinikilabutan ni Jillian dahil alam nila na sa ilalim ng tubig ay naroon ang katawan ni Nikki. Hindi iyon lumulutang dahil nilagyan nila iyon ng bato kanina para pampabigat.
Tiningnan niya si Jillian. Nakapikit ito pero gumagalaw ang talukap ng mata. Medyo nangangatal na ito. Katulad lang din niya itong nilalamig. Pero kailangan nilang magtiis para sa kaligtasan nila.
Habang iginagalaw niya ang paa sa tubig ay may naramdaman siyang parang tela na kumapit doon. Natigilan siya at medyo natakot. Dalawang tao lang naman ang pwedeng magmay-ari ng tela na iyon. Sa damit ni Nikki o kay Aliyah.
Ngunit parang imposibleng kay Nikki dahil suot nito ang damit nang ihulog nila sa balon. Hindi iyon basta-basta mahuhubad.
Hindi niya maintindihan sa sarili kung bakit naisip niya na kunin ang telang nasa paa niya. Inilublob niya ang isang kamay sa tubig na kanina ay nakakapit sa gilid ng balon at pilit na inabot ang tela.
Pag-angat niya sa tela ay nalaman niyang isa nga iyong damit.
“Kanino 'yan?” buong pagtatakang tanong ni Jillian nang imulat nito ang mata at nakita ang hawak niya ng sandaling iyon.
Maging siya ay binalot ng pagtataka sa damit na nakuha niya. Hindi kasi iyon damit ng isang babae kundi sa lalaki. Kulay pulang polo shirt. Sa pagkakatanda niya ay school uniform ang suot ni Aliyah nang ihulog niya dito. Si Nikki ay hindi rin ganito ang suot. Kaya kanino ang damit na hawak niya at paano iyon napunta dito sa balon?
Naguguluhang umiling si Candice habang nakatitig kay Jillian. “Hindi ko rin alam—” May mga sasabihin pa sana siya pero hindi na niya naituloy dahil may kakaiba siyang naramdaman sa lubid na kaniyang kinakapitan.
Parang… gumagalaw ang lubid!
Hinigpitan niya ang kapit sa lubid at mas naramdaman niyang parang gumagalaw nga iyon. May humila sa lubid sa itaas!
“C-candice…” Nanginginig sa takot na tawag ni Jillian. Hindi ito makagalaw. Nararamdaman na rin nito na may humihila sa lubid na nakatali sa beywang nito. Impit pa itong napasigaw nang umangat ito ng malaki.
Naging maaga naman si Candice at hinawakan na niya ng dalawang kamay ang lubid. Sa tingin niya ay nahanap ng taong gustong pumatay sa kanila ang kanilang pinagtataguan at ito ang humihila kay Jillian ngayon.
Tumingala siya at hindi siya nagkamali sa hinala. Nakasilip ang ulo ng taong naka-bonnet sa kanila! Hawak nito ang lubid at pilit nito iyong hinihila. Pero nahihirapan ito dahil pinipigilan niya iyon.
“Lubayan mo na kami! Umalis ka na!” takot na sigaw niya sa lalaki.
“Candice, natatakot ako!” Mangiyak-ngiyak na sabi ni Jillian.
“Kakapitan ko itong lubid. Tanggalin mo 'yong tali sa beywang mo. Bilis!”
Pero dahil sa isang kamay lang ang pwedeng gamitin ni Jillian ay nahihirapan itong kalagan ang pagkakatali ng lubid sa beywang nito. Biglang binitawan ng lalaki ang lubid kaya napalublob silang dalawa sa tubig. Kapwa sila nakatingala at hindi alam ang gagawin.
Maya maya ay bumalik ang lalaki na may dalang bato na ang laki ay isang ulo ng tao. Nanlaki ang mata nila nang walang babala nitong inihulog iyon sa kanila. Ang buong akala ni Candice ay tatamaan siya niyon sa ulo kayo gumilid siya. Malakas na bumagsak ang bato sa kaniyang kaliwang balikat. Isang malakas na sigaw ang kumawala sa lalamunan niya dahil sa sakit. Narinig pa niya ang pagtunog ng buto niya doon na parang nadurog sa lakas ng impact ng pagbagsak ng bato.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!