NATIGALGAL si Candice nang makita niyang hawak ng misteryosong tao ang pugot na ulo ni Rocco. Ang tanging nasabi lang niya ay ang pangalan nito. Hindi pa nakuntento ang taong iyon at itinapon pa nito ang pugot na ulo sa kanila ni Jillian. Nasipa pa iyon ni Jillian at gumulong sa ilalim ng kama. Marahil ay dahil sa labis na takot kaya iyon nagawa ni Jillian sa ulo.
Parang gustong sampalin ni Candice ang sarili ng sandaling iyon. Gusto niyang isipin na panaginip lang ang lahat at magigising na lang siya na nasa apartment niya siya. Sana nga ay isang malaking bangungot lang ang lahat. Sana ay ganoon lang ang mga nangyayari ngayon.
“Kayo na ang susunod…” sabi ng misteryosong tao.
Malalim ang boses niyon. Boses ng isang… lalaki!
Tumiim ang bagang ni Candice. Tumapang ang mukha niya at mariin na ikinuyom ang dalawang kamao. Humakbang siya ng isa. Nakipagtitigan siya sa lalaking nasa may pintuan. Sa pagkakataon na ito ay hindi na siya pwedeng magkamali kung sino ito.
“Samuel!” tawag niya sa lalaki.
Oo. Malaki ang paniniwala niyang si Samuel ang nasa likod ng bonnet na nakatakip sa mukha ng lalaking iyon. Ito lang ang alam niyang may matinding rason para gawin ang lahat ng pagpatay. Galit ito sa kanila dahil pinatay nila si Aliyah na kapatid pala nito. Galit ito dahil niloko niya ito. Galit ito dahil binalikan niya si Rocco. Punung-puno ng galit at poot ang puso nito kaya kahit ang pagpatay ay kayang-kaya nitong gawin.
“Ano ba talaga ang gusto mo, Samuel?! Itigil mo na ito!” Pilit niyang tinapangan ang sarili kahit sa oras na iyon ay takot na takot na siya. “Kung inaakala mong papayag ako na mapapatay mo ako, nagkakamali ka!”
Sinundot siya ni Jillian sa tagiliran sabay bulong. “Bakit ikaw lang? Pati ako, hindi ako papayag na mapatay niya!” anito sabay irap sa kaniya.
Nanatiling nakatayo lang ang lalaki at nakatingin sa kanila.
Matagal niyang nakasama si Samuel. Ilang taon din niya itong naging nobyo. Sa loob ng mga taon na nakasama niya ito ay hindi niya ito nakitang nagalit sa kaniya. Napakabait nito at kahit minsan ay hindi siya sinaktan o pinagbuhatan ng kamay. Totoo nga na iba magalit ang taong mababait at tahimik. Matindi at nakakamatay!
Hindi na nagsalita ang lalaki. Nagsimula na itong kumilos palapit sa kanila ni Jillian. Dahil doon ay nataranta silang dalawa. Hindi nila alam kung saan sila susuot para matakasan ito. Mas lalo pa silang nakatakot nang mula sa likuran nito ay inilabas ulit nito ang palakol na ngayon ay balot na ng dugo at may nakasabit pang laman ng tao.
“Lubayan mo na kami! Nagsisisi na kami!” sigaw ni Jillian. Patuloy pa rin ito sa paglapit sa kanila. Tila sinasadya nitong bagalan ang paglalakad para mas takutin sila.
Mabilis na nag-isip si Candice. Hanggang sa makita niya ang nakabukas na bintana. “Doon!” turo niya.
Wala nang pag-iisip ay tumakbo na si Jillian papunta sa bintana. Sumampa ito doon at sinubukang bumaba pero ang nangyari ay nanguyapit lang ito dahil sa may kataasan pala ang bintana mula sa lupa. Nakalimutan nilang nasa ikalawang palapag nga pala sila ng bahay.
“Candice! Tulungan mo ako! Hilahin mo ako!!!” Natatarantang sigaw ni Jillian habang nakabitin sa bintana. Nakakapit ito sa may gilid ng bintana at mukhang hirap na hirap na ito.
Kumilos naman siya agad upang tulungan ang babae. Nang akmang hihilahin na niya ito paakyat ay nakita niya sa gilid ng mata na malapit na sa kaniya ang lalaki. Iwinawasiwas pa nito sa hangin ang tangan na palakol.
Nawala na sa isip niya ang tulungan si Jillian. Binitiwan niya ang kamay nito at nagsimulang sumampa sa bintana. Ang nasa isip lang niya ay kapag naabutan siya ng lalaking iyon ay hindi malabong matulad siya kay Rocco na pinugutan nito ng ulo!
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!