“WALA ba talagang nakakatanda sa inyo kung nasaan ang balon na iyon? Kanina pa tayo naglalakad pero hindi natin makita ang hinahanap natin!” Napairap si Candice nang marinig niya ang pagrereklamo ni Destiny. Kanina pa kasi nagrereklamo. Pagod na daw at ang init daw.
Ano bang akala nito? Na ito lang ang napapagod at naiinitan? Lahat naman sila ay ganoon pero hindi sila nagrereklamo. Si Destiny lang talaga ang panay ang reklamo sa kanila.
Hindi sila kumpleto dahil hindi nila kasama si Nikki. Natapos na lang sila sa pag-aalmusal ay hindi pa rin ito bumabalik sa bahay mula sa kung saan man ito nagpunta. Problema rin nila si Nikki dahil may hinala sila na baka naligaw ito sa gubat. Kaya bukod sa paghahanap ng balon ay hinahanap din nila ito.
Halos mag-iisang oras na silang naglalakad at paikot-ikot sa kagubatan pero hindi pa rin nila nakikita ang balon kung saan naroon ang bangkay ni Aliyah. Ang paalam nila kay Alexander ay mangangaso lang sila. Mamamaril ng hayop na makikita sa gubat. Kaya ipinahiram nito sa kanila ang tatlong air gun. Pero hindi naman nila talaga iyon gagamitin dahil iba ang pakay nila sa gubat. Hawak niya ang isang air gun, isa kay Rocco at ang natitirang isa ay kay Samuel. Nakasukbit naman sa likod ni Jillian ang isang bag kung saan nakalagay ang mga gagamitin nila para makababa sa balon oras na matagpuan na nila iyon. Gaya ng lubid.
“Sana lang nakakatulong iyang pagrereklamo mo, 'no?” Hindi na napigilan ni Candice na lingunin si Destiny at pagsabihan. “At kung may nakakaalala pa kung nasaan ang punyetang balon na iyon, sa tingin mo ba ay naglalakad pa rin tayo ngayon. Utak muna bago putak, Destiny!”
Nasa unahan silang tatlo nina Samuel at Jillian. Habang nahuhuli naman sina Rocco at Destiny na ang babagal maglakad. Hindi niya alam kung sinasadya ba ng dalawa iyon o ano pero naiinis na talaga siya. Imbes na mapabilis ang paglibot nila sa gubat ay hindi dahil sa kabagalan ng mga ito.
“Wow, ha! I have all the rights para magreklamo. Ikaw ang wala!” sagot ni Destiny.
Nagpanting ang tenga niya. Huminto siya at hinarap ang babae. “At bakit?!”
“Dahil ikaw ang naglagay sa ating lahat sa sitwasyon na ito. Ikaw ang naiinggit noon kay Aliyah. Ikaw ang tumulak sa kaniya at ikaw ang sumaksak sa kaniya. You killed her. Baka nakakalimutan mo?”
Tumiim ang bagang ni Candice. “Pero sinuportahan ninyo ako. May kasalanan din kayo sa—”
“Pwede ba? Tumigil na kayong dalawa!” Pumagitna na si Rocco. “Hindi makakatulong ang pagbabangayan ninyo. Hanapin na natin ang balon at si Nikki para matapos na ang lahat ng ito!” At naiinis na nauna sa paglalakad si Rocco.
“Nakita mo na ang ginawa mo? Ginalit mo si babe ko!” Maarteng turan ni Destiny sa kaniya sabay habol kay Rocco. “Babe, wait! Hintayin mo naman ako!”
Napailing na lang siya habang sinusundan ng tingin ang dalawa.
Maya maya ay kinausap siya ni Jillian. “Sa tingin ninyo, mas okay ba na maghiwa-hiwalay tayo? Tapos kung sino ang unang makakakita sa balon ay tawagan lang ang lahat,” suggest nito.
“Mahina ang signal sa lugar na ito. Baka mahirapan tayo na ma-contact ang isa’t isa,” ani Samuel.
Nakapameywang na iginala ni Candice ang mata sa paligid. Napahinto ang tingin niya sa isang bagay na nakasabit sa sanga ng puno hindi kalayuan sa kanilang kinatatayuan. May plastic doon na may laman sa loob na hindi niya alam kung ano. Nakatali ang plastic sa isang sanga.
Itinuro niya iyon sa mga kasama. “Ano 'yon?” Agad na tiningnan ng mga ito ang itinuro niya.
Magkakasama silang naglakad papunta sa bagay na iyon. Nang malapitan ay doon nila nalaman na isang cellphone ang laman ng plastic. Sinubukan iyong abutin ni Samuel dahil ito ang pinaka matangkad pero hindi nito iyon kayang abutin. Kaya sumampa siya sa balikat ng nobyo at itinaas siya nito hanggang sa maabot na niya ang plastic. Pagkababa sa kaniya ni Samuel ay sinira niya ang plastic at kinuha ang cellphone na nasa loob niyon.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
TerrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!