LESSON 23- His Past

2.6K 128 8
                                    

“KUYA, h-hindi ko kayang magkakahiwalay tayo! Ayoko, kuya. Ayoko!”

Kahit hindi nakikita ni Samuel ang mukha ng nag-iisa at nakakabata niyang kapatid na si Aliyah ay alam niyang umiiyak ito. Nakayakap ito sa kaniya. Naroon sila sa kwarto nila sa kanilang maliit na bahay. Doon sila natutulog ng kaniyang kapatid at ina. Magkakasama silang tatlo sa bahay na iyon simula nang mamatay ang haligi ng tahanan pero nalalapit na rin ang kanilang pagkakawatak dahil sa muling pag-aasawa ng kanilang ina.

Labis ang pagtutol ni Samuel sa muling pag-aasawa ng nanay nila ni Aliyah. Para kasi sa kaniya ay hindi na nila kailangan ng ama. Sa tingin din niya ay nagiging makasarili lang ang nanay niya. Panigurado kasing mahahati na ang atensiyon ng nanay nila dahil meron na naman itong asawa. Dahil din sa pag-aasawa nitong muli ay nagkaroon siya dito ng galit. Ayaw niya ang bago nitong lalaki. Mainit ang kaniyang loob dito.

Masuyo niyang hinaplos ang likod ng ulo ni Aliyah. “Sa ayaw man natin o gusto, wala na tayong magagawa, bunso. Kailangan nating magkahiwalay…” Pilit niyang pinipigilan ang paglabas ng luha sa kaniyang mga mata kahit pa nag-iinit na ang mata niya at parang anumang oras ay may tutulo nang luha mula doon.

Panay ang iling ni Aliyah. Mas lalong humigpit ang yakap nito sa kaniya. “Ayoko, kuya! Sumama ka na lang kasi sa amin ni nanay!” Pilit nito.

Sa araw kasing itong ay aalis na sina Aliyah at ang nanay niya. Sasama na ang mga ito sa Laguna dahil doon nakatira ang bagong asawa ng kanilang ina. Ito na ang bubuhay sa kapatid niya. Isinasama naman siya pero matigas ang kaniyang pagtanggi. Hindi niya kayang makasama sa iisang bubong ang bagong asawa ng nanay niya. Kesa sa magkakaaway lagi sila ay siya na lang ang iiwas. Magpapa-iwan na lang siya dito sa Romblon kahit mag-isa. May trabaho naman siya bilang matador o taga-katay at taga-tinda ng baboy.

Bahagya niyang inilayo si Aliyah sa kaniya. Tama nga siya, tigam sa luha ang mukha nito. Nagtataas-baba ang mga balikat dahil sa labis na paghikbi.

Nasasaktan siya sa pag-iyak nito. Sobrang close kasi sila ni Aliyah. Siya ang nagsisilbing tagapag-tanggol nito dahil panganay siya dito. Kapag may nang-aaway dito noong elementarya pa ito ay siya ang palaging sumusugod. Ayaw na ayaw niyang may nagpapa-iyak at nananakit kay Aliyah. Kaya nga kapag nasasaktan ito dahil sa mga naging ex-boyfriend nito ay binubugbog talaga mga iyon.

Ganoon niya kamahal ang kapatid. Lahat ay kaya niyang gawin para dito kahit pa nga yata ang pumatay. Ngunit hindi pa naman siya dumarating sa ganoong punto.

“Bunso, alam mo naman na hindi kami magkasundo ng bagong lalaki ni nanay, 'di ba? Baka kapag nagsama kami sa iisang bahay ay isa sa amin ang agad na mamatay,” mahinahong paliwanag ni Samuel sa kapatid.

“K-kung ayaw mong sumama sa amin ni nanay ay dito na lang ako sa iyo, kuya! Hindi na ako sasama sa kanila. Ayoko talaga na magkalayo tayo.”

“Iyan naman ang hindi talaga pwede, bunso. Hindi kita kayang buhayin nang ako lang. Maliit lang ang sinasahod ko sa trabaho ko. Nag-aaral ka pa. Baka kapag dito ka sa akin ay mahinto ka pa. Ayokong mangyayari iyon dahil mataas ang pangarap ko sa iyo.” Gamit ang mga kamay ay pinunasan niya ang luha ni Aliyah. “Isa pa, kung doon ka sa Laguna ay makakapag-aral ka nang maayos. Narinig ko na ang bagong asawa ni nanay ang gagastos sa iyong pag-aaral. Hindi ka na magugutom sa school. Hindi ka na papasok nang walang baon, bunso.”

Masakit talaga para sa kaniya ang paghihiwalay nila ng kaniyang kapatid. Pero kung kapalit naman niyon ay ang magandang kinabukasan nito ay handa siyang magsakripisyo.

“Kuya, ayoko talaga! Magtatrabaho din ako! Hindi ako magiging pabigat sa iyo!”

“Bunso, huwag matigas ang ulo mo. Baka naman palagi kong sisihin ang sarili ko kapag hindi ka nakatapos ng pag-aaral dahil pinayagan kita na magkasama tayo dito sa Romblon. Huwag kang mag-alala dahil dadalawin kita sa Laguna. Kahit isang beses isang buwan. Mag-iipon ako palagi ng pamasahe. Ayos ba iyon?”

School Trip 7: Deadly SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon