“K-KAPATID ka ni Aliyah?” Nabibigla at hindi makapaniwalang turan ni Candice nang mapagtanto niya kung sino si Samuel. Naisip niya iyon dahil magkaparehas ang dalawa ng apelyido. Imposible naman na tatay ito ni Aliyah dahil masyado itong bata para maging tatay. Kaya naisip niyang baka ito iyong nakakatandang kapatid ni Aliyah.
Ngumisi si Samuel at tumango-tango. “Tama ka. Ako ang nakakatandang kapatid ng babaeng pinatay ninyo!” Mabilis na lumipat ang dalawang kamay ni Samuel sa kaniyang leeg at nangigigil na pinisil iyon.
Tumirik ang mata niya dahil sa sakit. “T-tama na… H-hindi ako m-makahinga…” Nahihirapan niyang pakiusap. Pilit niyang inaalis ang kamay ni Samuel sa leeg niya pero masyadong mahigpit ang kapit nito doon kaya hindi siya magtagumpay.
“Iyan ang dapat sa iyo… sa inyong lahat! Ang dapat sa inyo ay itapon sa impyerno dahil doon nababagay ang mga demonyong katulad ninyo!” sigaw ni Samuel.
“P-patawarin m-mo ako. B-bata pa ako noon. H-hindi pa ako nag-iisip. H-hindi ko g-inusto na mamatay ang kapatid mo. P-pinagsisisihan ko na ang lahat!” Papikit-pikit na siya. Kahit anong pilit niyang huminga at nahihirapan siya na gawin. Pakiramdam niya tuloy, kapag nagtagal pa ang pagsakal sa kaniya ni Samuel ay iyon na ang ikakamatay niya.
“Huli na ang lahat para sa pagsisisi mo—”
Nagulat si Candice nang bigla na lang sumulpot si Rocco sa likuran ni Samuel. Malakas na inihampas ni Rocco ang dala nitong flower vase sa likod ng ulo ng sumasakal sa kaniya. Nabitawan siya ni Samuel para sapuhin ang nasaktang ulo. Nakita niya ang pag-agos ng dugo sa ulo nito.
Agad na sumagap ng hangin si Candice. Mabuti na lang at dumating si Rocco kung hindi ay baka hindi na talaga siya humihinga ngayon.
Malakas na sumigaw si Samuel at nanlilisik ang mata na sinugod si Rocco. Pero bago pa ito makalapit kay Rocco ay sinipa na ito ni Rocco sa tiyan. Tumalsik si Samuel at napaupo sa lupa.
Akmang susugurin itong muli ni Rocco ngunit mabilis niya itong niyakap at pinigilan. “Tama na!” awat niya sa dating nobyo.
Sinamantala naman ni Samuel ang pagkakataon na inaawat niya si Rocco. Mabilis itong tumayo at tumakbo papunta sa gubat. Hindi na ito nahabol pa ni Rocco dahil sa pagpigil niya. Hinayaan niyang makalayo si Samuel dahil sa kinakain siya ngayon ng kaniyang konsensiya. Napakalaki kasi pala talaga ng kasalanan niya kay Samuel. Hindi lang ang pagtataksil niya ang nagawa niya dito. Pati na rin ang pagpatay niya sa kapatid nito na si Aliyah.
Nang wala na si Samuel sa kanilang paningin ay saka lang niya pinakawalan si Rocco.
“Bakit mo ako pinigilan?! Nakatakas tuloy ang hayop na iyon. At ano ba ang nangyari at parang gusto ka niyang patayin? Dahil ba sa nakita niya kanina?” sunud-sunod na tanong ni Rocco sa kaniya.
Napasabunot si Candice sa sariling buhok. Magulo ang utak niya. “Kapatid siya ni Aliyah!” deklara niya na labis na ikinagulat ni Rocco.
“Ano’ng sabi mo?”
“S-si Samuel… kapatid siya ni Aliyah. Sinadya niyang makipaglapit sa akin para malaman niya kung may kinalaman tayo sa pagkamatay ng kapatid niya at ngayon ay alam na niya ang lahat. A-ang sabi niya ay papatayin niya tayo!”
“Kung ganoon, siya ang pumatay kay Nikki? Pati na kay Alexander?”
Naguguluhang umiling si Candice. “Hindi ko alam, Rocco! Naguguluhan ako. Ang sabi niya ay wala na sana siyang balak na gumanti pa pero dahil sa sinaktan natin siya ay itutuloy na niya ang plano niyang paghihiganti!” Umiiyak na yumakap siya kay Rocco. “Natatakot ako. Alam kong seryoso siya sa sinabi niyang papatayin niya tayo!”
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!