LESSON 09- Unexpected Tragedy

3K 136 5
                                    


TIGALGAL si Aliyah nang mula sa kung saan ay lumabas sina Jillian, Nikki at Destiny. Kung ganoon, pati ang mga ito ay nasundan sila ni Rocco? Ngunit paano? Sa pagkakatanda niya ay nakita niyang pumasok ang mga ito sa bus. Imposibleng pinayagan ito ni Teacher Annie na lumabas. O baka tumakas ang mga ito? Ah, hindi niya alam! Napayakap siya sa sarili upang takpan ang dibdib na tanging bra ang saplot. Si Rocco ay kinuha ang polo at muling isinuot. Nakakapagtakang hindi kakabakasan ng pagkabahala ang mukha ng lalaki kahit may nakakita sa kanilang gagawin sana kanina.

“Ano, Aliyah? Tulala lang?” Nakakalokong untag ni Candice. Napatingin siya dito.

Inalis niya ang pagkabahala sa mukha at pilit na pinatapang ang sarili. Ayaw niyang makita ni Candice na nabahala siya. “Hoy, kayo! Paalisin niyo nga ang babaeng iyan! Ngayon na!” pasigaw na utos niya kina Destiny. Bakit walang ginagawa ang mga ito at nakatayo lang sa likuran ni Candice?

Hindi pa rin kumikilos ang tatlo.

“Mga bingi ba kayo?!” bulya ni Aliyah. “Mga wala kayong silbi!” Kung hindi kikilos ang mga ito ay siya na lang. Kayang-kaya naman niya si Candice lalo na at wala itong kakampi ngayon. Ang lakas din talaga ng loob nito. Hindi ba ito natatakot na mag-isa lang ito at lahat ng nakapaligid dito ngayon ay kakampi niya?

Ngumisi siya at humakbang palapit kay Candice. Sisirain niya ang video camera nito. Babasagin niya iyon sa pagmumukha ni Candice para makita nito ang hinahanap nitong sakit ng katawan.

Isang hakbang na lang at malalapitan na niya sana si Candice pero humarang sa harapan niya sina Jillian, Destiny at Nikki. Seryoso ang tatlo habang nakatingin sa kaniya.

“Anong ibig sabihin nito? Umalis nga kayo diyan!” Naiinis na siya sa tatlo. Hindi niya maintindihan ang ikinikilos ng mga ito. Pati si Rocco ay nanonood lang at walang ginagawa para ipagtanggol siya.

“Hindi kami aalis dito. We’re always here para protektahan ang queen!” Walang emosyon na sagot ni Destiny.

“Queen? Hindi ba’t ang sabi ko ay Your Highness ang itatawag ninyo…” Hindi na naituloy ni Aliyah ang sasabihin nang tila mapagtanto na niya ang nangyayari. Napaatras siya. “Huwag ninyong sabihin sa akin na—”

Malakas na pumapalpak ng isa si Candice. “Tama na nga 'yan! Tumatagal pa ang usapan, e. Okay, Aliyah. Isasampal ko na sa iyo ang katotohanan.” Hinawi ni Candice ang tatlo at walang babala na sinampal siya nito sa kaliwang pisngi.

Halos mapangiwi siya sa lakas ng pagkakasampal nito. Nanggagalaiti sa galit na hinarap niya ang babae. Gusto niyang gumanti dito pero mukhang nagkamali siya. Mukhang siya pala ang walang kakampi dito at siya ang mag-isa.

Iniabot ni Candice ang video camera kay Destiny at ang babae na ang kumukuha ng video. Nakatutok sa kaniya ang video camera. “Kung ano man ang iniisip mo, hindi ka nagkakamali!” sabi pa ni Candice. “Ang pakikipag-kaibigan nina Destiny, Jillian at Nikki sa iyo ay isa lamang palabas! Pati ang pakikipagrelasyon sa iyo ni Rocco, joke lang iyon. Para paasahin ka at ipahiya!”

Nanlaki ang mga mata ni Aliyah nang lumapit si Rocco kay Candice at naghalikan ang mga ito mismo sa kaniyang harapan. May naramdaman siyang kirot sa puso.

“Mga hayop kayo! Niloko niyo ako! Pinagkaisahan niyo akong lahat!” Galit niyang sabi.

Pakiramdam niya tuloy ay sobrang tanga niya. Isang uto-uto. Bakit hindi niya naramdaman na niloloko lang siya ng mga ito?

“At nagpaloko ka naman?” Malakas na tumawa si Candice. “Ipinahiya mo ako sa lahat. Hindi mo ba alam ang pakiramdam niyon? Pwes, ngayon ay mararamdaman mo na!” May inilabas na tali si Candice mula sa bulsa nito. Isang kulay itim na lubid. “Girls, hawakan ninyo ang uto-utong 'yan!”

School Trip 7: Deadly SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon