“KAHIT kailan talaga, wala kang ginawa kundi ipahiya kami! Ang sabi mo ay may honor ka! Sumakit na lang ang puwitan ko sa pag-upo, hindi man lang ako umakyat ng stage para lagyan ka ng medal! Ang bobo mo talaga!”
“Sorry po, mommy— Aray! Ang sakit po ng sabunot ninyo!”
“Dapat lang iyan sa tulad mong bobo! Baka sakaling maalog iyang ulo mo at gumana naman iyan kahit papaano! Sinayang mo lang ang pagbili ko ng damit na ito. Ang mahal pa naman nito sa Avon. Hayop kang bobo ka!”
Napahinto sa paglalakad si Candice nang may marinig siyang nag-uusap sa may tabi ng isang classroom. Galing siya sa classroom nila dahil may kinuha siyang gamit. Paglampas niya ng hallway ay narinig na niya ang isang babae na pinapagalitan ang isang babae. Wala naman sana siyang balak makiusyuso dahil nagmamadali na rin siya pauwi pero hindi niya maintindihan kung bakit kusang huminto ang mga paa niya para marinig.
Kakatapos lang ng Recognition Day nila at hindi na siya nagtaka na siya ang naging first honor. Valedictorian siya noong Grade Six kaya naman ngayong first year siya pa rin ang nanguna sa klase. Ang Tito Ruben niya ang sumama sa kaniya sa stage para isabit sa kaniya ang napakaraming medalya. Bukod kasi sa pagiging first honor ay hinakot din niya ang ilang special awards at best sa ilang subjects.
“Diyan ka na ngang bobo ka! Naiirita ako kapag nakikita ko 'yang pagmumukha mo!”
“Mommy, sasabay na ako sa iyo pag-uwi—”
“Hindi! Umuwi ka mag-isa mo! Bobo!”
Medyo nagulat si Candice nang mula sa gilid ng classroom ay may lumabas na babae na nakasuot ng mgandang dress. Kulay violet na may disenyo na mga bulaklak. Napatingin ito sa kaniya at umirap. Tuloy-tuloy ito sa paglalakad ng mabilis.
“Anong problema no’n? Bakit ang sungit naman?” mahina niyang tanong sa sarili.
Aalis na sana siya pero muli na naman siyang napahinto nang may marinig siyang umiiyak sa lugar kung saan nanggaling iyong babae. Sumilip siya sa gilid at doon ay may nakita siyang estudyanteng babae na umiiyak. Nakasandal ito sa dingding at panay ang tulo ng luha. Nang makita siya nito ay napapahiya nitong pinunasan ang luha gamit ang hawak na panyo. Pinigil din nito ang paghikbi. Akmang maglalakad sana ito paalis pero humarang siya sa daraanan nito.
“Nanay mo ba 'yong kanina? 'Yong sinasabihan kang bobo?” diretsong tanong dito ni Candice.
“Ano bang pakialam mo? Saka bakit ba nakikinig ka sa usapan ng may usapan?”
Nagpanting ang tenga niya. “Umayos ka ng sagot, ha!” Ayaw niya talaga ng sinasagot siya ng pabalang. Sinamahan pa niya iyon ng panlilisik ng mata.
Nakitaan niya agad ng pagkasindak ang babae. “S-sorry… Oo, mommy ko iyon. Nagalit siya sa akin kasi pinapunta ko siya dito sa school’s recognition day kahit wala naman akong honor.” Napayuko ito at kinutkot ang sariling kuko.
“E, tanga ka naman pala. Wala ka naman palang honor tapos pinapunta mo pa ang nanay mo!” Napangiwi siya sa walang tigil na pagtulo ng luha ng babae. Pati uhog nito ay nag-uunahan na rin. “Ayusin mo nga iyang sarili mo. Nakakadiri kang tingnan!”
May hitsura naman ang babae. Cute itong tingnan. Chubby cheeks, chinita at maputi ang balat. Makinis. Halatang anak-mayaman o maykaya.
Sinunod naman nito ang sinabi niya. Pinunasan nito ng panyo ang buong mukha at suminga na rin doon. Saka ito tumingin sa kaniya. “Okay na ba?” Pilit itong ngumiti.
“Better! So, bakit mo ba pinapunta dito ang mommy mo kahit wala ka naman honor?”
Hindi maintindihan ni Candice kung bakit niya kinakausap ang babaeng ito. Hindi naman siya mahilig makipagkaibigan lalo na sa katulad nitong hindi naman matalinong katulad niya. May nakita siya dito na hindi niya maintindihan.
BINABASA MO ANG
School Trip 7: Deadly Sin
HorrorIsang kasalanan ang nagawa nila sa nakaraan. Naitago man nila ito ay sisingilin naman sila nito sa kasalukuyan! Ito na ang ika-pitong aklat ng SCHOOL TRIP... Class resumes!