Chapter 9

1.2K 36 2
                                    

Chapter 9

ILANG BESES BUMAGSAK si Jing nang ilang beses din siyang tamaan ng kapangyarihang itim ni Raven.

Halos gusto na niyang sumuko ngunit ayaw niya. Ayaw niyang ipakita sa dalawa na hindi niya kaya, gayong may kakayahan naman siyang lumaban pa. Wala pa siyang nagagawa, kailangan niyang magpakatatag para sa kaniyang misyon.

Bumagsak siya ulit sa lupa nang tamaan siya ni Raven ng sipa sa kaniyang pisngi.

Hindi niya aakalaing totohanang laban pala ang magaganap. Bubugbugin pala talaga siya nina Raven at Itima. Ang akala niya'y hindi siya nito lalapatan ng kamay pero nagkamali siya.

Kahit nanghihina na ang tuhod niya at maging buong katawan ay sinubukan niya pa ring bumangon. Kung titingnan ang sitwasyon ay dehado siya. Hindi pa siya magaling makipaglaban samantalang ang dalawa ay may karanasan na. Ano na lamang ang isang tulad niyang walang kamuwang-muwang?

“Gamitin mo ang abilidad mo, Raven Girl! Huwag kang umasa sa kapangyarihan mo!” sigaw sa kaniya ni Raven sabay palipad nito ng itim na usok sa kaniya.

Kahit hinang-hina na siya'y pinilit niyang iwasan ang atake nito.

Pulos galos na ang kaniyang buong katawan. May iilang sugat siyang natamo sa kaniyang tagiliran, paa at braso dahil sa kapangyarihan at sipa ni Raven sa kaniya kanina.

Mabuti na lamang at mahihina ang atake sa kaniya ni Itima kung hindi ay baka kanina pa siya humandusay sa isang tabi at nawalan ng malay.

“Ayoko na!” sigaw niya kasabay ng pagbitaw niya ng isang nagbobolang apoy mula sa kaniyang dalawang kamay.

Nakita niyang napangiti si Raven at Itima.

“Ibalik niyo na ako sa mundo ng mga tao! Hindi ako ang Raven Girl na hinahanap ninyo, hindi ako ang karapatdapat sa kapangyarihang ito. Humanap na lang kayo ng mas karapatdapat na Raven Girl.”

Agad nakaiwas ang dalawa sa kaniyang atake. Malungkot siyang umupo sa lupa at umiyak.

Namimiss na niya ang Mama Rossy niya. Ang mga kaklase niyang naiwan sa mundo ng mga tao. Ang pinsan niyang si Magenta at ang mga taong nakakasalubong niya sa kalsada sa tuwing papasok siya.

Isa lang ang hiling niya sa buhay. Iyon ang mabuhay ng simple at tiwasay. Hindi niya kailanman pinangarap ang ganitong buhay sa kaniya— ang makipaglaban at maligtas ng isang kaharian.

Isang malaking lagusan ang nilikha ni Itima.

Pagkatapos no'n ay lumapit ito sa kaniya habang seryoso siyang tinitigan.

“Sana makapagpahinga ka mahal na prinsesa. . . may ipapadala kaming bantay sa  iyo, para ibalita sa amin ang kaganapan diyan sa mundo ng mga tao. Hangad namin ang iyong kalagayan. Huwag kang mag-alala, ang mga bantay rin ang magpapagaling sa iyong mga natamong sugat. Magpahinga ka na muna, mahal na prinsesa.”

Pagkatapos ng sinabi nitong iyon ay may isang malakas na pwersa ang hunatak sa kaniya papasok sa lagusan. Kasama ang dalawang uwak na kaninang naghatid sa kaniya sa kinaroroonan nila.

Nang maidala na sa mundo ng mga tao si Jing ay naiwan silang dalawa ni Raven at Itima.

“Masyado mong sinaktan ang mahal na prinsesa, Raven. Hindi iyon ang utos sa atin, hindi ka na sumusunod sa kung ano ang dapat nating gawin,” sermon nito sa lalaki.

Pero parang balewala lang dito ang lahat nang nangyari. Tila ito isang bingi na hindi naririnig ang lahat ng sinabi niya.

“Kapag makarating ito sa kaniya ay mag-aalala iyon. Mas lalong magiging malubha ang karamdaman niya, hindi mo ba iyon naisip?” dugtong pa niya.

The Raven GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon