Chapter 26

640 19 0
                                    

Chapter 26

LUMIPAD PAIBABA SI JING habang ang gamit niyang ilaw ay ang kanyang kapangyarihnang apoy para makita niya ang buong paligid. Nang marating na niya ang pinakatapusan ng butas ay tumuntong siya sa itim na lupa. Hinanap niya si Itima sa kanyang kinatatayuan at baka roon lang bumagsak ang kasama ngunit hindi niya ito nakita.

“Maliit lamang ang espasyo ng butas. Imposibleng wala rito si Itima. Dapat dito lang siya,” wika niya habang patuloy sa paghahanap.

Tumingala siya sa itaas nang makarinig ng kakaibang pagaspas ng hangin. Inaasam na sana si Itima iyon ngunit hindi. Isang nakakasilaw na liwanag ang sumalubong at lumamon sa kanyang buong paningin. Ipinikit niya ang mga mata at iminulat din agad nang mawala bigla ang ilaw.

Sumalubong sa kanya ang kahariang Blackerous pagkamulat na pagkamulat niya.

Kumunot ang kanyang noo nang bumalik siya sa pinanggalingan. Paano siyang bumalik sa kahariang Blackerous? Nasa loob lamang siya ng butas kanina. Pero paanong. . .

Luminga-linga siya sa paligid. Hinanap niya ang mga uwak na nakahapon sa mga patay na puno pero wala siyang kahit ni isang nakita. Napakatahimik ng lugar at tanging hangin lamang ang umiihip. Ang usok naman ang bumabalot sa iilang espasyo ng lugar na iyon. Sa kanyang nasasaksihan na iyon ay bigla na lamang nakaramdam ang puso niya ng pagkalungkot at pangungulila. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili.

Hindi niya napigilan ang paglabas ng mga butil na luha mula sa kanyang mga mata at dumaloy sa kanyang pisngi. Humakbang siya ng ilang beses habang unti-unti na inaalisa ang kanyang pakiramdam.

“Raven! Itima! Higante! Mama Rossia! Haring Blackerous! Gurodo? Nasaan kayo? Raven!”

Umiling-iling siya habang lumalakad.

Mabibigat ang kanyang bawat hakbang habang may pumipiga sa kanyang puso. Hindi niya kayang mag-isa. Para siyang naiipit sa dalawang nagbabanggaang bundok.

Mayamaya ay nakarinig siya ng munting ungol sa hindi kalayuan. Hindi niya alam kung saan  ito nagmumula, pero ang ungol na iyon ay mga iyakan at panaghoy ng mga iba’t ibang boses. Binabanggit ang katagang Raven Girl.

Tinatawag siya ng mga boses na hindi niya alam kung saan nagmumula. Tila naglalaro ito sa kanyang pandinig at isipan. Pakiramdam niya’y hinahabol siya ng mga ito.

Sa takot niya’y tumakbo siya nang tumakbo papunta sa palasyo ng kahariang Blackerous. Baka nandoon lamang sa loob ang lahat at hinihintay lamang siya ng mga ito. Ngunit agad niyang naipreno ang dalawang paa nang makita niya ang pagbagsak ng palasyo habahng tinatamaan ito ng itim na mga usok.

“Hindi! Hindi!” sigaw niya habang napaluhod dahil sa nasaksihan.

Hindi lamang din iyon ang kanyang nasaksihan sa mga oras na iyon. Kitang-kita niya si Raven na nakakulong sa isang hawla kasama ang dalawa niyang magulang at ang dalawang kaibigan na si Itima at Higante. Hindi lang ang mga ito ang nasa loob ng hawla kundi pati na rin ang mga ibang nilalang. Napakalaking hawla no’n na nilalamon ng apoy. Hindi niya napigilan ang mapasigaw nang malakas at ang pagkasabog ng kanyang puso.

LAKAD-TAKBO SI ITIMA habang papalayo sa mga lobo na kanina pa sa kanya habol nang habol. Nahulog lamang siya napakalalim na butas at hinanap ang mahal na reyna na si Jing.

Sigurado siyang sabay silang nahulog na dalawa kanina. Pero hindi niya nakita ang mahal na reyna at siya lamang na mag-isa ang naiwan sa napakadilim na lugar na iyon.

Dahil sa napakadilim na paligid ay kakailangan niyang humanap ng ilaw hanggang sa bigla na lamang yumanig ang lupa at bumukas iyon; nahati sa dalawa. Sumalubong sa kanya ang maliwanag na sinag ng buwan at ang magandang kagubatan. Tumakbo agad siya roon papunta. . . sa isipin na baka bigla na lamang sumara ang dalawang lupa na mataas na nabiyak sa dalawa para maglikha ng lagusan papunta sa kagubatan.

Ngunit hindi niya inaasahan ang sasalubong sa kanya. Ang gubat pala na kinaroroonan niya ngayon ay ang tahanan ng mga lobo. Hinanap niya sina Jing, Raven at Itima ngunit hindi niya ang mga ito nakita. Kailangan niyang makalabas at makatakas ng buhay sa gubat na ito. Pero saan siya magsisimula at pupunta?

Ang pinagtatakhan niya’y kung paano nagkaroon ng magandang gubat na ganito sa kahariang Blackerous. Sa kaharian na ba siya ni Lobonia?

Gagawin niya ang lahat para lamang makatakas mula sa kanyang mga kalaban na mga lobo. Ito ang pinakatatakutan niyang kalaban sa lahat.  Hindi niya alam pero kanina pa niya sinusubukang lumipad pero mukhang hindi yata gumagana ang kapangyarihan niya sa kagubatang ito. Kaya’t wala na siyang pagpipilian pa kundi ang tumakbo siya papalayo sa mga lobo.

SAMANTALA SI Higante naman ay kanina pa siya pabalik-balik sa kanilang nilalakaran ni Raven at mukhang hindi iyon napapansin ng kanyang kaibigan. Tinawag niya ito ng ilang beses pero hindi man lamang ito lumilingon sa kanya.

“Raven. . . kaibigan?” muli niyang tawag dito ngunit tila hindi siya nito naririnig.

Hinawakan niya ang kaibigan sa balikat ngunit bigla na lamang naglaho itong parang bula at nagmistulang usok at lumipad sa ere, habang ang paningin niya sa lahat ng mga patay na punong naroroon ay lumalaki.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang pagmasdan niya ang kamay niya na unti-unting lumalagas ang matigas niyang katawan.

“Teka. . . ano’ng nangyayari sa akin?”

Binalot siya ng takot. Umiling-iling siya habang unti-unting lumuhod. “Hindi! Hindi! Hindiii!”

Isa sa kinatatakutan niya ay ang hindi mawala ang sumpa sa pagkatao niya. Dapat na nilang matalo si Lobonia bago pa humantong sa lahat ang ganoong pangyayari, ngunit tila huli na sa kanya ang lahat. Nangyayari na ang kintatakutan niya.

LUMINGA-LINGA SI RAVEN sa paligid, isang nakakasilaw na ilaw ang sumalubong sa kanya at nilamon siya ng liwanag na iyon dahilan upang mapapikit siya. Sa kanyang pagmulat ng mga mata’y si Jing ang sumalubong sa kanya habang nasa gitna sila ng labanan.

Kumunot ang kanyang noo dahil sa pagtataka. Paanong nasa gitna na siya ng labanan habang kasama si Jing at ang iba pa nilang kasamahan? Kanina lamang ay naglalakad silang dalawa ni Higante sa kagubatan ni Inang Puno?

Lumapit siya kay jing para ito ay tanungin ngunit napatigil agad siya nang atakehin siya ng isa sa mga lobo. Napakaraming lobo na siyang kaaway ng mga uwak na nasa himpapawid.

Tumingala siya sa himpapawid at sumalubong sa kanya si Spadana at Panikilya. Maging sa ibaba ay sina Agilano at Ahas. Habang si Jing ay kaharap si Lobonia sa hindi kalayuan. Sinaksak niya ang lobo na sumugod sa kanya. Ang isa pa ay pinutol niya ang ulo hanggang sa parami nang parami ang sumusugod sa kanya na parang walang katapusan.

“Ahhh!” isang sigaw ang nagpatigil sa kanya.

Lumingon siya sa pinagmulan ng sigaw na iyon at halos manlaki ang mga mata niya nang makita niya si Jing na tangay na tangay ni Lobonia habang duguan.

Mukhang napuruhan si Jing ng reyna ng mga lobo.

“Hindi!” sigaw niya nang mangisay ang babaeng mahal na si Jing sa ere habang hawak-hawak ito ni Lobonia sa buhok.

Umugong ang tawa ni Lobonia sa kanyang pandinig.

Para siyang nilamon ng kalungkutan at ng kadiliman. Wala siyang ibang naririnig kundi ang tanging tawa lamang ni Lobonia at ang sigaw ni Jing kanina. Unti-unti siyang napaluhod habang nakatingin kay Jing sa hindi kalayuan nang ihulog ito ni Lobonia pagkatapos mawalan ng buhay.

“Hindi. . . hindi ito nangyayari. Hindi siya patay. Hindi. . . buhay pa siya kanina. Nakasama ko pa siya. Paanong ganito ang nangyari. Hindi!” bulong niya na puno ng pagtataka at pagkalito.

Nag-unahang lumandas ang mga luha sa kanyang pisngi habang pinipigilan ang manhid at sakit na nararamdaman sa kanyang dibdib.

Hindi pa patay si Jing. Hindi pa nila katapusang lahat, hindi ito nangyayari. Pero. . . bakit tila yata totoo ang lahat? Hanggang dito na lamang ba ang katapusan ng kahariang Blackerous?

. . .

#TRG

Ate Sari, <3

The Raven GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon