Chapter 17

803 24 0
                                    

Chapter 17

ISANG LABUYO ang kanyang napansin na humapon sa puno malapit sa bintana ng kanyang silid. Hindi naman ito isang manok lang dahil mahaba ang balahibo sa buntot nito. Sigurado siyang isa iyong labuyo. Agad siyang lumapit sa bintana at binuksan iyon. May hinihintay siyang tao, dalawang araw na ang nakakaraan pero hindi pa rin ito dumadating. Baka ang labuyong ito ay may hatid na balita sa kanya kung kaya’t naririto ito ngayon.

Pagkabukas na pagkabukas niya ng bintana ay agad na lumipad ang labuyo papasok sa kanyang silid. Tumilaok agad ito nang makaharap siya. Pumula ang kanyang mga mata at kumonekta ang isipan niya sa labuyo. Nanatili siyang nakatayo habang nakatitig lamang sa iisang direksyon. Pinapakita sa kanya ng labuyo ang isang pangyayari sa kagubatan ni Gurodo. Mayamaya ay may narinig siyang boses— boses ni Gurodo.

“Kapag marinig mo ito mahal na reynang Rossia ay iisa lamang ang ibig sabihin. . . natagpuan ka ng aking sugo na labuyo. Huwag kang mag-aalala, wala siyang dalang kapahamakan sa iyo, sa halip ay may maganda at masama akong balita para sa iyo.”

Tumigil muna ito sa pagsasalita nang may makita na naman siyang apat na katao sa loob ng isang kagubatan na tila may hinahanap.

Malaki ang isa roon, kilala niya ang apat na kataong iyon na nasa loob ng kagubatan ni Gurudo. Sina Itima, Raven, Higante at ang anak niya na si Raven Girl.

“Kung gusto mong puntahan ang anak mo’y andito lang siya sa akin. . . huwag kang mag-alala, hindi ko sa kanya sasabihin ang lihim ninyo. Ang tanging alam lamang niya ay ang tungkol sa misyon niyang iligtas ang kaharian ng kanyang ama. Bakit ka pa nga ba nagtatago, Rossia? Natatakot ka bang madamay ang anak mo at ikaw sa gulong kayo naman ang nagsimula? Harapin mo na ang lahat ng ito, huwag mong pabayaan ang mahal na haring si Blackerous. Laban ninyo ito at sabihin na ninyo ang totoo sa inyong anak. Hindi titigil si Lobonia hangga’t hindi siya nakakapaghiganti sa inyo. Hihintayin kita hanggang sa kabilugan ng buwan. . . kung hindi ka darating ay ako mismo ang magsasabi ng totoo sa mahal na prinsesa at tatapos sa buhay niya.”

Biglang nawala ang mga imahe na kanyang nakikita kanina at maging ang boses ni Gurodo. Hindi na nga niya matatakasan ang propesiya kahit na anong gawin niya. Lalapit at lalapit ang itinadhana para sa anak niya, at parang sinasaksak ang puso niya habang inaalala ang anak. Ito ang magbabayad ng kasalanang kanyang ginawa. Ang sama niyang ina.

Humakbang siya at kinuha ang kanyang itim na kapa banda sa gilid ng kanyang kama at isinuot iyon. Pupuntahan niya si Gurodo. . . dapat andoon na siya sa kahariang Blackerous at makaharap na niya si Gurodo bago ang kabilugan ng buwan. Kailangan niyang makuha agad ang anak mula sa kamay nito, bago pa mahuli ang lahat sa kanilang mag-ina. Hinding-hindi niya hahayaang mapapahamak ito.

Hinintay siya ng labuyo na magkapalit ng kanyang totoong anyo bago siya lumikha ng lagusan papunta sa kagubatan ni Gurodo.

UNTI-UNTING NAWALA ang dalawang sungay ni Beberno nang maputol ni Raven. Lumukso si Raven mula sa ulo ni Beberno papunta sa lupa. Inobserbahan niya kung ano ang mangyayari sa kanyang kalaban. Unti-unti itong lumiit hanggang sa maging kasing laki na lamang niya ito. Ang laki lamang ang nagbago rito at hindi ang anyo. Humanda si Raven sa maaaring gawin nito o sa pagsugod nito sa kanya. Ngunit wala sa kanyang ginawa si Beberno kundi ang lumuhod sa kanyang harapan habang nakayuko ang ulo nito. Bigla niyang itinago ang kanyang espada sa kanyang dalawang kamay at nilapitan ang halimaw. Kunot ang kanyang noo, nagtataka siya naging kilos ng kanyang kalaban.

“Bakit ka lumuhod at yumuko sa akin, Beberno? Ano ang ibig mong ipahiwatig sa akin?” takang tanong ni Raven dito.

Umangat ng ulo ni Beberno at tiningnan si Raven. “Tanda ng aking pasasalamat sa iyo, kaibigan. Kung hindi dahil sa iyo ay hindi ako makakawala sa sumpang itinali na sa akin simula noong ipinanganak ako. Totoo nga ang sabi ni Avandro na may isang mandirigmang may kakaibang espadang makakaputol ng aking sumpa. At ikaw iyon, kaibigan,” sabi nito sabay ulit yuko sa kanya.

The Raven GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon