Chapter 13

883 26 0
                                    

Chapter 13

SINUNDAN NILANG APAT ang mga libong uwak na lumilipad sa himpapawid. Ito ang magtuturo sa kanila ng daan papunta sa tahanan ni Avandro. Ngunit bago sila makarating doon ay kailangan muna nilang harapin ang dalawang bantay ng daan. Iyon ay sina Gurodo at Inang Puno na siyang bantay sa diyamanteng susi.

Sa kanilang paglalakbay ay kapansin-pansin ang mga iba't ibang nilalang na nagpupugay sa mahal na prinsesa o sa Raven Girl. At naninibago roon si Jing, hindi niya aakalaing alam ng mga ito na siya ang itinakda.

Nasisiyahan siya bagamat natatakot na mabigo niya ang mga ito sa kaniyang misyon. Ngunit kahit na ganoon ay sisiguraduhin niyang magagawa niya ang kaniyang misyon sa abot ng kaniyang makakaya.

Bigla silang tumigil nang sa bundok na sila ng Duray. Kung saan ang bundok na pinangangalagaan ni Gurodo— ang bantay ng diyamanteng kaalaman.

Malagong-malago ang mga punong-kahoy at maging mga nagtatasang damo sa kagubatang iyon. Malayong-malayo sa sinapit ng Kahariang Blackerous. Mukhang hindi ito kasama sa sumpa ni Lobonia.

“Humanda kayo. . . nasa paligid lamang ang mga bantay ni Gurodo. Hindi natin sila madaling makita, lalo na at gabi,” wika ni Itima.

Nakiramdam sa paligid niya si Jing at maging si Raven. Si Higante ay hinahanap ang kanilang punterya na si Gurodo.

SA ISANG MADILIM na parte ng kagubatan ay matamang nakatingin si Gurodo sa mga bagong dating na nilalang sa kaniyang kagubatan. Hindi niya nakilala agad ang babaeng nakasuot ng armor ni Raven Girl. Pero sigurado siyang ito ang itinakda, nakikita niya ang kapangyarihang tinataglay nito.

Humithit siya ng tabako na kagagawa lang ng mga inakay niya kanina. Siya si Gurodo ang pinuno ng mga labuyo o mga ligaw na mga manok sa kagubatan. Swerte nila at hindi sila nasakop ng sumpa ni Lobonia, kundi ang kahariang Blackerous na lamang. Pero wala silang pakialam doon.

Ang laban ng dalawang angkan ay hindi na nila iyon laban pa. Ayaw nilang madamay sa gulo ng hindi nila gulo.

Ngunit ngayon ay nagtataka si Gurodo kung ano ang ginagawa ng mga taga-labas dito. Hindi lang iyon ang pinoproblema niya. Ano ang ginagawa ng Raven Girl sa tahanan niya?

Unang tingin pa lamang niya rito'y nahumaling na siya sa ganda at kakaibang sinisigaw ng puso ng itinakda. Hindi siya pwedeng magkamali sa unang tingin niya rito. Anak ito ni Rossia— ang reyna ng mga uwak.

Ngumisi siya saka lumukso mula sa kaniyang kinauupuang sanga ng kahoy. Tinawag niya ang kaniyang mga kampon sa kaniyang kakaibang tunog. Nabulabog ang buong nilalang na naninirahan sa Kagubatan ng Duray.

NAGING ALERTO silang apat nang marinig nila ang malakas na alulong ng isang labuyo.

“Tinawag na niya ang kaniyang mga nasasakupan. . . humanda kayo sa laban,” ani Raven sabay palabas nito ng nakatagong espada sa kamay.

Si Itima naman ay ibinuka ang kaniyang mga pakpak habang nakahandang makipaglaban. Si Jing naman ay tinalasan ang pakiramdam at ang sarili sa pakikipaglaban. Si Higante naman ay pinatunog ang mga buto na kung saan rinig na rimig sa apat na sulok ng Kagubatang Duray.

Isang matinis na tilaok ng mga manok ang sunud-sunod nilang narinig. Nagmumula ang mga ito sa iba't ibang sulok ng kagubatan. Sa isang iglap ay sinugod sila ng mga mabibilis na labuyo o ng mga ligaw na manok at pinangkakalmot sila. Binugahan sila ng isang nagbobolang maliit na liwanag mula sa mga tuka ng mga ito.

Napasigaw si Jing nang malapnos ang kaniyang braso nang matamaan ng kapangyarihan ng isang labuyo.

“Napakarami nila. . .” reklamo ni Itima.

Tumigil silang apat sa iisang pwesto at pinalibutan naman sila ng mga libong labuyo.

Inihanda ni Raven ang kaniyang espada. Si Itima naman ay ang itim niyang mahika. Si Higante ay pinalakas ang kaniyang katawan para hindi maapektuhan ng kapangyarihan ng mga labuyo. At si Jing ay inilabas ang itim na usok at apoy sa kaniyang magkabilang kamay. Handa na silang lumaban oras na sumugod na ang mga labuyong pinalibutan sila.

“Paniguradong nasa paligid lamang si Gurodo. . . pinagmamasdan tayo at pinag-aaralan ang ating mga kilos,” bulong ni Raven.

Inilibot ni Jing ang paningin sa paligid. Nararamdaman niya ang malakas na kapangyarihan ni Gurodo. Sigurado siyang nasa itaas ng puno iyon nagmumula. Kailangan niyang punteryahin iyon. Pero hindi ganoon kadali dahil pinapalibutan sila ng mga kampon nito.

Sa buhay minsan kailangang harapin ang pagsubok. Makipaglaban sa agos ng buhay at sa kadiliman nito. Hindi malalaman ang halaga ng isang tao o ang halaga ng isang buhay kapag hindi lalaban at kung susukuan na lamang.

Ano pa nga ba ang kwenta ng buhay kung tatalikdan at iiwan sa gitna ng kadiliman?

Iyon ang natutunan ni Jing sa mga oras na ito. Ang mga buhay ng nilalang na kinulong ni Lobonia sa sumpa ng kadiliman nito'y isang pagdurusa ng ilang daang taon. At kailangan niyang gawin ang lahat para maiahon mula sa kadiliman ang kaluluwa ng mga ito.

Kahit gaano pa kahirap at kahit ibuwis pa niya ang sarili niyang buhay ay hindi siya susuko.

Simula nang sumugod ang mga labuyo. At hindi nagdalawang isip silang labanan ang mga ito.

Hiniwa ni Raven ang mga labuyong sumugod sa kaniya gamit ang kaniyang espada.

Si Itima naman ay ginamitan niya ang mga ito ng kaniyang itim na kapangyarihan.

Si Higante ay pinagtatabig ang mga ito at kinain.

Si Jing naman ay ginamitan niya ng kaniyang kapangyarihang apoy at itim na usok.

Samantalang si Gurodo ay ngiting-ngiti habang lihim na pinagmamasdan ang Raven Girl. Ilang minuto na lamang at mapapasakaniya na ang mahal na prinsesa.

. . .

#TRG

Ate Sari, <3

The Raven GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon