Chapter 25

668 25 0
                                    

Chapter 25

KANINA PA SILA NAKAALIS ng palasyo at kasalukuyan na sila ngayong naglalakad sa masukal na daan pero patay na kagubatan papunta sa tahanan ni Inang Puno. Wala silang napapansin na mga nilalang doon, maliban sa mga patay na itim na mga puno at sa makapal na usok na nagmumula sa maliliit na butas sa lupa na kulay itim din.

Hindi sa inaasahan na pagkakataon ay naapakan ni Jing ang isang maliit na butas sanhi upang lumaki iyon at gumuho ang lupa.

Natangay silang dalawa ni Itima. Kumapit siya sa kabilang lupa habang inaalala si Itima na nahulog sa butas. Napatingin siya kina Raven at Higante. Hindi niya pwedeng hayaan na lamang na mahulog doon si Itima. Kailangan niya itong iligtas.

“Magpatuloy kayo papunta sa tahanan ni Inang Puno. Hahanapin ko si Itima at ililigtas,” sabi niya kay Raven.

Umiling ang lalaki sa sinabi niya. Mukhang hindi ito sang-ayon sa gagawin niya.

Nakatitig ang mga itim na mata nito sa kanya. Nababanaag niya ang pag-aalala nito roon.

Kumuyom ang mga kamay nito sabay iwas sa kanya ng tingin. Napahinga siya nang malalim. Sana nagkakamali lang siya sa kutob niya. Sana mali lang siya sa isipin na may gusto sa kanya si Raven. Ayaw niyang umasa.

Dapat na muna nilang iligtas ang kahariang Blackerous at ang mga kapwa nila nilalang mula sa sumpa ni Lobonia bago ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa.

Hindi rin siya tanga na hindi maramdman ang kakaibang tibok ng puso ni Raven kapag nakatitig sa kanya. Parang naririnig niya iyon kahit gaano pa sila kalayo sa isa’t isa.

“Mag-iingat kayong dalawa ni Higante,” sabi niya ulit.

Bibitiw na sana siya mula sa kanyang pagkakapit sa lupa nang hatakin siya ni Raven sa kanyang kamay na hindi niya inaasahang gagawin nito. Hinaltak siya nito papunta sa lupa. Habol niya ang hininga habang nanlalaki ang mga mata niya na nakatitig sa lalaki. Napatingin siya kay Higante na nakangiti sa kanilang dalawa ni Raven sabay kindat nito.

Bumaling siya kay Raven at magsasalita sana nang bigla siya nitong hilahin at dalhin siya sa mga bisig nito.

Hinawakan nito nang mahigpit ang kanyang baywang sabay nito sakop sa kanyang mga labi ng mga labi nito. Mas nanlaki ang mga mata niya nang malaman kung ano ang ginawa sa kanya ni Raven.

Napatingin siya sa mga mata ng lalaki na nakapikit habang sakop na sakop ng labi nito ang mga labi niya.

Hinayaan niyang lamunin siya ng sensasyon na iyon, habang unti-unti siyang pumikit at dinama ang halik sa kanya ni Raven. Marahan lamang ang paghalik nito sa kanya na parang iniingatan siya na hindi masaktan.

Hindi niya napigilan ang sariling tumugon sa halik nito. Nakakaakit at nakakaenganyo. Para siyang papanawan ng ulirat sa sobrang sensasyong nararamdaman. Hinawakan niya sa ulo ang lalaki saka niya idiniin ang mukha nito sa kanya. Sinabunutan niya ang buhok nito habang sinasakop din ang mga labi nito. Bumitiw sila sa isa’t isa na habol ang hininga.

Kailangan na nilang kumilos kung hindi ay baka kung ano na ang mangyari sa kanilang kaibigan na si Itima.

Ngumiti siya nang makitang nakangiti sa kanya si Raven.

“Mag-iingat kayo ni Higante. Magkita tayo mamaya.”

“Mahal kita mahal na prinsesa, kaya mag-iingat ka. Papakasalan pa kita.”

Tumango siya sa sinabing iyon ni Raven saka niya ito hinalikan sa pisngi. Pagkatapos no’n ay humakbang siya paatras at nagpatihulog sa malalim na butas. Babalik siya, ililigtas niya lang si Itima.

At sa huling sinabi sa kanya ni Raven ay hindi niya napigilan ang mapatili at mapangiti nang malawak. Hindi niya iyon inaasahan. Para siyang nanaginip lamang.

. . .

#TRG

Ate Sari, <3

The Raven GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon