Chapter 35

599 16 0
                                    

Chapter 35

TUMIGIL sa hindi kalayuan sina Gurodo at Jing nang makarating na sila sa teritoryo ni Lobonia. Mga kubo ang kanilang nakikita habang may mga ilan na lobo ang nakamasid sa paligid. Tila mga bantay ito sa kung sino mang pangahas ang makakapunta roon.

“Nakikita mo ang mga lobong iyan? Sila ang bantay sa labas na inilagay ni Lobonia. Maaamoy nila tayo kahit gaano pa tayo kalayo, kahit dito sa kinaroroonan natin ay mahahalata nila tayo at maamoy.”

Bigla siyang nabahala sa sinabing iyon ni Gurodo.

“Katapusan na ba natin?” kinakabahan niyang tanong dito.

Tumawa ito ng pagak saka siya hinapit sa kanyang baywang. Napasinghap siya sa ginawa nitong kilos.

“Huwag kang gagalaw, binibigyan kita ng amoy ko para hindi ka nila maamoy. Mabuti na lamang at may kakayahan akong walain ang amoy mo, mahal na prinsesa. Paano na lamang kapag hinayaan kitang mapunta ritong mag-isa? Dini sana’y napatay ka na ni Lobonia nang wala sa oras.”

Napahinga siya nang malalim. Hindi niya aakalaing may kakayahang magpawala ng amoy si Gurodo. Nagmasid siya sa paligid, pag-aaralan niya kung paano ang makarating sa kinaroroonan ni Lobonia.

“Alam mo ba kung saan ang pinaka-tahanan ni Lobonia? Kung saan niya dinala si Avandro?” tanong niya kay Gurodo.

“Pasensya na, mahal na prinsesa. Ngunit hindi ko na alam kung saan ni Lobonia dinala si Avandro. Pero ang alam ko’y ang tahanan ni Lobonia ay doon sa pinakadulo ng tore na iyon.”

Napatingin siya sa tinuturo nitong tore at may natanaw siyang kakaibang kubo roon na nag-iisa. Mukhang tama nga ang sinabi ni Gurodo na sa tuktok ng tore na iyon nagtatago si Lobonia. Akma na sana siyang lilipad nang pigilan siya ng lalaki.

“Saan ka pupunta? Huwag mong sabihin na—”

“Kakausapin ko siya, Gurodo. Hindi pwedeng wala akong gawin. Malalagay sa kapahamakan ang buong kahariang Blackerous kung hindi ako gagawa ng paraan. Ayaw kong madamay ang lahat ng nilalang, tatapusin ko ang misyon ko na mag-isa. Sa katotohanang ako naman talaga ang kailangan niya sa simula pa,” sabi niya rito.

Huminga ito nang malalim. “Naiintindihan ko ang nais mo, mahal na prinsesa. Ngunit laban nating lahat na ito, pasensya na kung nasabi ko sa inyo noong unang pagkikita natin na wala kaming pakialam sa labanan na magaganap. Sa huli, ay napagtanto ko na laban nating lahat ito; na kailangan nating magka-isa upang matalo natin si Lobonia. Magkasundo na ang lahat mula noon, ngunit nagbago na ang lahat dahil sa sumpang binigay ni Lobonia. Kaya’t hindi ka lalaban na mag-isa, mahal na prinsesa. Kasama mo kami sa laban na ito.”

Umiling siya. Buo na ang pasya niya. Haharapin niyang mag-isa si Lobonia.

“Pasensya ka na, Gurodo. Ngunit buo na ang pasya ko. Haharapin ko—” Bigla siyang napatigil sa kanyang sasabihin pa sana nang mamataan niya ang Mama Rossia niya na lumilipad sa itaas habang papunta sa tuktok ng tore kung saan nagtatago si Lobonia.

“Hindi. . . si Mama Rossia. Ano’ng ginagawa niya rito?” takang tanong niya na narinig naman ni Gurodo.

Tulad niya’y mukhang nakita naman ng lalakng nilalang na labuyo ang tinutukoy niya.  “Kayo talagang mag-ina. . . ang titigas ng ulo niyo. Tara at sundan natin ang mahal na reynang Rossia kung ano ang ginagawa niya rito sa kaharian ni Lobonia.”

Lumipad na silang dalawa papunta sa kinaroroonan ni Lobonia. Pareho rin ba ang gagawin ng Mama Rossia niya sa pinaplano niya ring gawin?

Lingid sa kaalaman ni Jing na may isang balahibo ng pakpak na pinalipad si Gurodo para sa kahariang Blackerous upang ipaalam ang plano ng dalawang mag-ina. Sana ay hindi sila mapahamak na tatlo laban kay Lobonia.

ISANG TINIG ang nagpagising kina Agilano mula sa kanilang mahimbing na pagkakatulog. Iyon ang hudyat na kanilang hinihintay upang lumusob na sa kahariang Blackerous.

“Oras na para gawin ang misyon natin mga kasama!” sigaw niya sabay taas ng kanyang pakpak.

Isang malapad na ngiti ang ibinigay nila Spadana, Panikilya at Ahas sa kanya. Uulan ng dugo sa buong kaharian ng Blackerous. Wala silang ititirang buhay at patutumbahin nila ang palasyo mula sa pagkakatayo nito. Iyon ang utos sa kanila ni Lobonia, at hindi nila bibiguin ang kanilang mahal na reyna; na siyang naglikha sa kanila.

NGUMISI si Lobonia habang nanonood sa mahiwagang balon. Kitang-kita niya roon si Rossia na lumilipad papunta sa kanyang kinaroroonan. At sa hulihan ng kanyang dating kaibigan ay ang Raven Girl kasama si Gurodo.

Kung sinuswerte nga naman, pwede niyang pagsabayin ang pagpatay sa tatlo oras na makaharap na niya ang mga ito.

Hindi niya inaasahan na darating ang pagkakataong ito sa kanya. Akala niya’y siya pa ang pupunta sa kahariang Blackerous upang tapusin ang mga ito, ngunit tila ang mga ito pa ang mismong naghatid ng mga sarili sa kamatayan.

“Hindi ko aakalain na ganito katanga ang mag-ina na ito, Avandro. Akalain mong sila pa mismo ang pumunta sa akin upang sila’y patayin? Hahaha! Sa wakas, dumating na rin ang araw na pinakahihintay ko. Pagkatapos ng labing walong taon ay maisasakatuparan ko na rin ang pagpatay sa Raven Girl,” matigas na sabi nito.

Napangiwi si Avandro. Hindi na niya maintindihan pa ang propesiya. Hindi ito dapat ang nangyayari. Ano ang dahilan kung bakit bigla na lamang nag-iba ang takbo?

Napapikit siya at isang eksena ang dumaan sa kanyang imahinasyon. Ang Raven Girl at ang isang mandirigma ay nagtitigan habang makikita sa mata ng mga ito ang pagmamahal.

Napamulat siya ng kanyang mga mata habang nilukob ng kaba ang kanyang dibdib. Posible bang iyon ang dahilan ng pagbabago ng propesiya? Kung ganoon ang espada at ang apoy at itim na kapangyarihan ay kailangang magsama upang maputol ang sumpa ni Lobonia!

Ngunit paano matatalo si Lobonia? Napahinga nang malalim si Avandro, mukhang sasabog ang ulo niya sa kakaisip kung ano ang manyayari pagkatapos.

Maging ang propesiya ay hindi na naayon sa lahat. Wala nang silbi pa ang propesiya, tanging sina Raven Girl na lamang ang magdadala ng kani-kanilang landas.

Bago pa man siya magsalita ay isang itim na kapangyarihan ang lumipad papunta sa kanyang kinaroroonan dahilan upang siya ay mawalan ng malay. Mukhang gagamitin na naman siya ni Lobonia laban sa mag-ina.

. . .

#TRG

Ate Sari, <3

The Raven GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon