Chapter 34

586 18 0
                                    

Chapter 34

NAKAHANAP ng pagkakataon si Jing upang makatakas sa mga mata ng kaibigan at lalong-lalo na kay Raven. Nagpaalam siya sa mga ito na pupuntahan lang niya ang kanyang Mama Rossia pero ang totoo ay tatakas na siya papunta sa kaharian ni Lobonia.

Ngunit ang problema niya'y hindi niya alam kung saan ang kaharian ng kalaban. Hindi niya man lamang naisip iyon at padalos-dalos siya sa kanyang kilos.

Hindi niya napigilan ang mapamura habang binabagtas niya ang daan patungo sa tahanan ni Gurodo. Wala ang lalaki sa palasyo upang magsanay. Marahil ay nandirito sa tahanan nito ang taong labuyo. Sana nga ay tama siya sa hinala niya. Tanging si Gurodo lamang ang makakatulong sa kanya.

Sana ay alam din ng lalaki kung saan ang kaharian ni Lobonia. Pero sigurado siyang alam ni Gurodo iyon dahil lumaki ito rito sa kaharian ng Blackerous.

Isang pagaspas ng pakpak sa itaas ang nagpatigil kay Jing. Ramdam niya ang presensya ni Gurodo sa kanyang uluhan.

Bumaba ito sa lupa at hinarap siya. May ngisi ito sa mga labi habang nakatitig sa kanya. Tila manghang-mangha itong makita siya sa kagubatan nito.

Hindi niya nakausap ang lalaki kanina dahil abala siya sa pakikipag-usap kay Raven at sa mga kasamahan. Maging ito ay abala rin sa pagsasanay sa mga alagad nito.

“Himala yata't mag-isa kang pumunta rito sa aking kagubatan, mahal na prinsesa. Ano'ng ginagawa mo rito?” tanong nito habang nakakunot ang noo na nakatitig pa rin sa kanya.

Huminga siya nang malalim. Pinakiramdaman ang paligid at baka mamaya'y may makarinig sa kanyang sasabihin.

“Nandirito ako dahil kailangan ko ang tulong mo. Maari sana ay sa ating dalawa lamang ito?”

Mas kumunot ang noo nito dahil sa sinabi niya. Humakbang ito palapit sa kanya at inilapit nito ang mukha sa kanya na siyang ikinasinghap niya.

Humagalpak ito ng tawa dahil sa naging reaksyon niya. Humakbang ito palayo sa kanya at muli itong nagsalita. “Hindi ko alam ang iyong nais sa akin, mahal na prinsesa. Pero nakikita ko sa iyong mga mata na may kakaiba kang binabalak. Pinagnanasaan mo ba ako at iyong pagtataksilan ang iyong kasintahan na mandirigmang si Raven?”

Mas lalo siyang napasinghap sa sinabi nito.

“Hindi iyon ang pinunta ko rito! At para sa kaalaman mo'y hindi ko lolokohin si Raven. Mahal ko siya.”

Hindi niya alam kung tama ba ang nakita niya sa pagkislap ng mga mata nito— kung saan nabasa niya ang sakit doon at lungkot pagkatapos ng sinabi niya.

Nawala ang ngisi nito sa labi na kanina lang ay ngising-ngisi ito.

“Kung ganoon ay ano ang ginagawa mo rito? Hindi ka dapat naririto at nage-ensayo ka sa palasyo. Alam ba nilang nandirito ka?” tanong nito.

Umiling siya. “Maari sana ay huwag mo sa kanilang ipaalam.”

Pinakatitigan siya nito nang mabuti. Hinihintay ang susunod niyang sasabihin.

“Ang tulong na hinihingi ko sa iyo'y . . .” Tinanggal niya muna ang bara sa kanyang lalamunan bago nagpatuloy. “Ituro mo sa akin kung saan ang kaharian ni Lobonia.”

Nagitla ito sa sinabi niya waring hindi makapaniwala sa kanyang sinabi.

“Bakit mo hinihingi sa akin ang bagay na 'yan?” Sa mga mata na nito ang pagkabahala at pagdududa sa kanya.

“Pupuntahan ko si Lobonia—”

“Nahihibang ka na ba?! Pupunta ka sa tahanan ng kalaban mo na mag-isa? Gusto mo bang mamatay sa kaharian niya at matalo ang kahariang Blackerous? Gusto mo bang panghabang-buhay na dadanasin ng mga nilalang ang sumpa ni Lobonia?” puno ng pagtutol nito sa desisyon niya.

Nagpupuyos ang damdamin niyang sumagot dito. “Kung wala akong gagawin ay mapapahamak ang buong kaharian! Alam naman nating lahat na sa simula pa lamang ay ako na ang kailangan ni Lobonia! Ako lang ang gusto niyang pumunta sa kaharian niya. Ako lang naman ang hinintay niya sa loob ng labing-walong taon para siya ay kalabanin at ako ay subukin. Kaya't hindi mo maiaalis sa akin kung bakit naisip ko ang paraan na ito.”

Umiling ito. Halata sa mukha nito ang pagtutol sa pinaplano niya. Mukha yatang nagkamali siya ng nilapitan. Hindi rin pala siya matutulungan ni Gurodo.

“Hindi mo alam kung ano ang pag-aalala ang ibibigay mo sa lahat ng mga nilalang na nasa palasyo, mahal na prinsesa. Hindi ka nag-iisa sa laban na ito. Kasama mo kami, sa simula pa lang. Pamilya tayo rito. . . ano na lamang ang silbi namin at ang pagprotekta namin sa iyo kung isusuko mo lang din ang sarili mo sa kalaban natin?” sabi nito na siyang nagpabigat ng damdamin niya.

Hindi niya napigilan ang pagdaloy ng kanyang luha. Pakiramdam niya'y dinaganan ng isang malaking bato ang puso niya dahil sa sobrang bigat at sakit no'n.

“Alam kong isang pamilya tayo sa labanang ito. Pero kailangan kong magsakripisyo para sa kapakanan ng lahat at ng nakakarami, Gurodo. Ayaw ko kayong mapahamak. Ako ang bunga at kabayaran ng kasalan ng mga magulang ko kay Lobonia. Kaya't walang kahit ni isang nilalang ang dapat na madamay sa gulong ito. Ako ang simula at ako ang tatapos.”

Tinitigan niya ito ng seryoso. Agad itong nag-iwas sa kanya ng paningin. Naramdaman niya ang paglalim ng paghinga nito.

Huminga na lang din siya nang malalim. “Sige, iiwan na muna kita at tutuloy pa rin ako sa plano ko. Kahit hindi mo ako tutulungan ay pakiusap ko na sana huwag mo itong ipaalam sa buong kaharian.”

Humakbang na siya ng tatlong beses nang bigla siya nitong pigilan.

“Ang tigas din talaga ng ulo mo. Nagmana ka talaga sa ama mo na si Blackerous. Parehomg matigas ang ulo,” sabi nito.

Napangiwi siya dahil doon. Sayang ang pagpunta niya rito. Hindi rin siya nito tutulungan.

“Kailangan ko nang—”

“Sino ang may sabi sa iyong umalis kang mag-isa? Hindi ko naman hahayaang mag-isa kang susugod doon. Sayang din ang pagpunta mo rito at paghingi sa akin ng tulong kung hindi kita tutulungan. Ngunit paalala ko lang sa iyo, mahal na prinsesa. Hindi isang langaw ang kalaban mo na kapag hampasin mo'y mamatay na. Isa siyang lobo, mahal na prinsesa. Isa siyang tuso.”

Tumango siya sa sinabi nito saka ngumiti.

“Salamat,” ani niya na ikinaiwas nito ng tingin sa kanya.

“Tara na. . . at puntahan na natin si Lobonia.”

Lumipad na ito sa himpapawid at sumunod naman agad siya.

. . .

#TRG

Ate Sari, <3_

The Raven GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon