Chapter 18

801 25 0
                                    

Chapter 18

DUMAAN SILA Raven, Beberno, Itima at Higante sa isang daan na masukal papunta sa tahanan ni Ulang Imoy. Dinala nga ng mga alitaptap si Itima sa kanilang kinaroroonan ni Beberno at Higante na nakapaloob sa isang barrier. Wala pa ring malay-tao si Itima nang dumating kina Raven kung kaya't ginising nila ito at naikwento rito ang tungkol kay Ulang Imoy na alam naman pala nito. Sadyang si Raven lamang ang hindi nakakakilala kay Ulang Imoy. Mukhang wala pang maraming alam si Raven sa mga nilalang sa kaharian ng Blackerous.

Alam ni Itima ang daan patungo kay Ulang Imoy at ganoon din si beberno. Ayon sa dalawa ay isang mahirap na pagsubok ang binibigay nito kapalit ang gamot na ibibigay sa isang nilalang na sugatan. Iba-iba ang pagsubok na binibigay ni Ulang Imoy- ito ay nakadepende sa nilalang at kung ano ang kakayahan. Kung isang mahina ang nilalang ay isang madaling pagsubok lamang ang binibigay nito. Pero kung isang malakas at kilala ay mahirap ang pagsubok na binibigay ni Ulang Imoy.

Dumaan sila sa isang palikong daan kung saan maraming mga nilalang ang nakatingin sa kanila. Ang iba ay kilala ni Beberno at iba naman ay hindi. Ang iba ay masayang binati si Beberno dahil wala na ang sumpa nito sa katawan- mga tunay na kaibigan nito ang bumati.

Hindi mapigilan nila Raven, Higante at Itima ang mag-obserba sa paligid habang lumalakad sila papasok sa isang kweba na malaki. Andoon sa loob ang sinasabi nilang si Ulang Imoy.

Hindi na mapigilan pa ni Higante ang pagmamanhid ng kanyang sugat. Kailangan na nilang makarating agad kay Ulang Imoy. Tinutusok ang balikat niya na parang may lalabas mula roon- iyon ang pakiramdam niya. Hinahalukay at tinutusok-tusok ng isang kutsilyo. Pagkatapos ng ilang taon ay ngayon lamang siya ulit nagkasugat. Pagkatapos ng pagkakasugat niya noong bata pa siya dahil sa pagsasanay ng kanyang Ama at Ina na sumakabilang buhay na at naging isang patay na puno. Ganoon talaga ang nangyayari sa mga nilalang na namamatay. . . nagiging isang halaman o hayop.

"Kailangan na nating magmadali. . . nauubos na ang dugo ni Higante. Kailangan maagapan agad siya ni Ulang Imoy," pagmamadali ni Raven sabay pasok sa isang madilim na kweba.

Sumunod naman ang tatlo sa kanila. Hindi nila napansin ang mga mararaming mga pares ng mga puting mata na nakatitig sa kanila. Ano mang oras ay handa ang mga itong sugurin sila at gawing pain. Kilala ang kweba ni Ulang Imoy na isang nakakatakot na gubat. Kung kaya't ang ilang mga nilalang na naninirahan sa bayan at pamamalakad ng kahariang Blacekrous ay hindi basta-bastang pumupunta sa kwebang ito. At nagsimula ang nakakatakot na panyayaring ito simula noong isumpa ang kahariang Blackerous. Hindi ito ganito noon; magkakaibigan pa ang lahat at nagkakaisa. Pero dahil lamang sa sumpa ilang dekada na ang nakakaraan ay naging isang hindi na magkalilanlan at tinuring nang kalaban ang isa't isa. Ngunit ang iba naman ay hindi naging isang kalaban at nanatiling magkaibigan.

"Sandali. . . parang may nakatingin sa atin kanina pa."

Napatigil naman sila nang marinig ang sinabing iyon ni Beberno.

"Sino ang nakatingin sa atin?" takang tanong ni Raven kay Beberno.

Napatingin silang lahat sa paligid nang makaramdam ng isang kakaibang kaluskos. Napaatras silang lahat nang makita nila ang napakaraming mga mata na nakatingin sa kanila. Isang puting ilaw kung titingnan na nakatago sa likod ng mga bato sa kweba.

Ang hangin ay dumampi sa kanilang mga balat at unti-unting nagsitayuan ang kanilang mga balahibo.

"Mga bantay ng kwebang ito. Hindi sila masama. Sa halip ay matutulungan nila tayong ituro kung nasaan si Ulang Imoy," biglang sabi ni Beberno na siyang ikinatango naman nila Raven, Itima at h
Higante.

Hindi mapigilan ni Higante ang mapapikit dahil sa kirot na kanyang nararamdaman banda sa ibabaw ng kanyang balikat. Lumalabo ang kanyang paningin; habang hinahabol niya ang sariling hininga. Ramdam niya ang pagsikip ng kanyang kalahating katawan. Sigurado siyang mayamaya'y hindi na siya makakalakad ng maayos. Dapat ay makarating na sila kay Ulang Imoy bago pa siya mawalan ng malay.

Hindi mapigilan ni Raven ang mapatingin ng lihim kay Higante. Kanina pa niya napapansin ang paghihina nito. Kitang-kita niya sa mga mata at ramdam na ramdam niya ang mabigat na hininga ng kaibigan. Humakbang siya at humarap sa dalawang daan na nasa loob ng kweba. Madilim at hindi makita kung ano ang mayroon doon.

"Hali na kayo. Hindi dapat natin sayangin ang oras. Kailangan nating madala si Higante kay Ulang Imoy."

Tumango naman ang dalawang si Itima at Beberno sa sinabing iyon ni Raven. Humingi na sila ng tulong sa mga maliit na nilalang na nakahapon sa mga batong naroroon- ang mga espiritu ng kwebang iyon. Nasa dalawang pulgada lamang ang taas ng mga ito habang may mga malalaking mga mata na siyang nagbibigay ilaw sa kweba. Ngunit hanggang doon lamang sa parte ng bukana at hindi na umaabot sa loob. Ang tawag sa mga nilalang na ito'y Nuno. Agad silang ginabayan ng dalawang Nuno at nagbigay ilaw na rin para sa kanilang apat.

HINDI MAPAKALI SA loob ng hawla si Jing. Inaalala niya ang kanyang mga kaibigan kung kumusta ang mga ito sa pakikipaglaban laban kay Beberno. Umalis na naman si Gurodo at wala siyang ideya kung saan na naman ito nagpunta. Ito na rin ang pagkakataon niya kung paano makatakas mula sa hawlang pinagkulungan sa kanya.

Naaalala niya ang pinagsamahan nilang apat- sila Raven, Itima at Higante. Ang tatlo niyang kaibigan na walang ginawa kundi ang iligtas siya. Ngayon ay kailangan niyang malaman kung kumusta ang mga ito; kung natalo ba ng mga ito si Beberno.

Muli niyang sinubukang gamitin ang kanyang kapangyarihan. Ngunit tulad ng una'y hindi na naman iyon gumana at nanatiling matibay ang hawla na pinagkulungan sa kanya ni Gurodo.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata at sinunod ang binubulong ng kanyang isipan. Hinawakan niya ang hawla at inilabas ang kanyang kapangyarihang itim. Hanggang sa unti-unting binalot ng kanyang kapangyarihan ang hawla ni Gurodo at ito ay nalusaw na lamang bigla.

Pagkamulat ng kanyang mga mata ay napasinghap siya sa nasaksihan. Humakbang siya at inatake ang mga labuyong nakabantay sa kanya. Pumunta siya sa daan papalabas ng tahanang iyon ni Gurodo. Pagkalabas niya'y agad siyang lumipad para hanapin ang kanyang mga kasama.

ISANG UWAK ang lumapit sa isang napakalaking lalaking uwak na may mga mapupulang mata na nakatitig sa buong kinasasakupan ng kahariang Blackerous.

"Mahal na haring Blackerous, namataan po namin ang mahal na reynang Rossia. . . tama nga po ang pakiramdam ninyo na andito na siya sa ating kaharian at siya ay bumalik na. Mukhang hinahanap niya ang raven girl. Ngunit siya ay nakipagkita kay Gurodo- ang hari ng mga labuyo," balita nito sa mahal na hari.

"Kung ganoon, hanapin ninyo sila Raven. Ibalita ninyo na ang mahal na reynang Rossia ay nandito na sa ating kaharian at nasa teritoryo ito ng mga labuyo," wika nito habang nanatiling nakatalikod sa kausap.

Hindi niya aakalain na andito na ang babaeng labing walong taon na niyang hinihintay na bumalik bago isumpa ni Lobonia ang buong kahariang Blackerous.
Hindi na nga nila matatakasan ang propesiyang pinatupad noon pagkatapos ng sumpang naganap. Mabuti na lamang at nakaligtas sina Raven at Itima sa sumpa ni Lobonia at maging sila reyna Rossia at ng raven girl. Kung hindi ay baka habang buhay nilang mararanasan ang sumpa ni Lobonia. Mabuti na lamang at agad na sinabi sa kanila ni Avandro ang tungkol sa propesiya pagkatapos magtanim ng sumpa si Lobonia. At ang lahat ng iyon ay nakasaad sa propesiya mula noon pa man. Iyon nga lang ay huli na nilang nalaman ang tungkol doon, kung nalaman na sana nila noong maaga pa ay baka hindi na mangyayari itong lahat. Hindi nga nila matatakasan ang itinakdang panahon.

"Isa pa Sugo, hanapin ninyo ang mahal na prinsesang raven girl at dalhin silang lahat dito sa kaharian nang mapaghandaan ang paparating na isang madugong labanan ng dalawang kaharian; ang kaharian ng Lobonia at ang kaharian ng Blackerous."

Yumuko ng ulo ang uwak na si Sugo.

"Masusunod po mahal na hari."

Ibinuka nito ang mga pakpak at malayang lumipad sa himpapawid.

Napatingin si Blackerous sa itim na mahika mula sa kanyang dalawang paa. Nakikita niya na malapit nang lumusob si Lobonia. Hindi ito makakapayag na matupad ang nakasulat sa propesiya. Kaya't habang hindi pa dumadating ang araw na itinakda para kay Raven Girl ay tatapusin agad nito ang kahariang Blackerous. Sana ay mahanap na nga ni Sugo ang dapat na pumunta sa kahariang Blackerous, bago pa dumating si Lobonia.

. . .

#TRG

Note: Naguguluhan na ba kayo? Wait theres more! Just stay tuned dahil nalalapit na ang pagtatapos ng The Raven Girl! Salamat sa pagbabasa!

Ate Sari, <3

The Raven GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon