[LUA]
"THANK you, Daddy and Tita Eleanor!" masayang sabi ko habang nakayakap ako sa kanila. 'Yong isang braso ko, nakayakap sa baywang ni Daddy. Habang 'yong isa naman, nasa baywang ni Tita Eleanor. "I appreciate it, really."
"Anong meron?" tanong ni Dax na kababalik lang sa dining hall. Naka-uniform na siya at nakasabit na rin sa balikat ang backpack niya. "What did I miss?"
Kumalas ako sa pagyakap kina Daddy at Tita Eleanor para harapin si Dax. "Nagpaalam lang ako kina Daddy at Tita Eleanor. I'll be spending the weekend in the province."
"Oh, then I'll drive you there," offer ni Dax. "Gusto ko ring makita uli sina Tita Laura at Tito Damian, eh."
"That's nice, Dashiel," halatang natuwa na sabi ni Daddy habang nakatingin sa kapatid ko. "I'm glad that you're going along well with them."
Nagkibit-balikat si Dax. "They're okay."
Napangiti lang ako kasi sanay na ko sa mga gano'ng sagot ni Dax. Hindi siya vocal sa feelings niya. Pero malaking bagay nang sinabi niyang "okay" ang parents ko kasi hindi niya 'yon basta-basta sinasabi sa kahit sino.
"Dashiel, hindi naman puwedeng magpakita ka doon nang walang dala," sabi naman ni Tita Eleanor. Pagkatapos, tumingin siya sa'kin. "Sweetie, sabihin mo sa'kin kung anong oras kayo aalis, ha? Gagawa ako ng leche flan para sa kanila. Ang sabi mo kasi no'ng nakaraan, nagustuhan 'yon ng mama mo, 'di ba?"
"Opo, Tita," sagot ko habang tumatango-tango. "Thank you po."
Ngumiti lang siya, saka siya tumingin sa suot niyang relo. "Kids, you need to go now or you'll be late for school."
"Dashiel, drive carefully," paalala naman ng daddy namin sa kapatid ko. Pagkatapos, nagpalipat-lipat siya ng tingin sa'ming magkapatid. "Saka maaga kayong umuwi mamaya. We'll have dinner together at my friend's newly opened restaurant."
"What's the occasion, Dad?" nagtatakang tanong ng half-brother ko na may halong reklamo. At na-confirm ko 'yon sa sunod niyang sinabi. "May dinner date kami ni Milli later, eh."
"Just cancel it. Puwede naman kayong mag-date ni Millicent sa ibang araw," sagot ng daddy namin sa reklamo ni Dax. "Saka kailangan bang may okasyon para mag-dinner tayo sa labas?"
"Pagbigyan niyo na ang daddy niyo," natatawang sabi sa'min ni Tita Eleanor habang nakayakap na sa baywang ni Daddy. "Nitong nakaraan kasi, madalas kaming wala dahil sa kanya-kanya naming business trips. Gusto lang naming bumawi sa inyo."
"I like that," nakangiting sabi ko, saka ako tumingin sa kapatid ko. "Dax, maiintindihan naman ni Milli kung bakit ika-cancel mo ang date niyo ngayon, eh.
"Fine," sagot ni Dax, saka siya nagpalipat-lipat ng tingin sa parents niya. "See you later, Mom and Dad."
Pagkatapos naming magpaalam kina Daddy at Tita Eleanor, nauna na kaming umalis sa dining hall at lumabas ng mansiyon. Pagsakay namin sa kotse ng kapatid ko, binuksan ng mga kasambahay ang malaking gate. And then he drove off.
Habang palabas kami ng village, tinawagan naman ni Dax si Milli at kinausap ang girlfriend niya gamit ang bluetooth earpiece sa tainga niya.
"You're still at Nato's place?" tanong ni Dax kay Milli mayamaya. "Just leave him alone, babe. You'll be late in class if you stay there any longer."
Nagulat ako sa narinig ko pero hindi ko 'yon pinahalata.
Madalas mag-away sina Nato at Milli pero alam ko naman na ang friendship nila, pang-"best friends level." Saka kung pinuntahan ni Milli si Nato sa bahay ng ganito kaaga, it only means na may tantrum na naman si Nato.