[LUA]
TWO years ago...
WHEN I woke up after my accident, my mother and father told me that I had been in a medically-induced coma for two weeks and had a traumatic brain injury.
Sa totoo lang, hindi ko ga'nong maalala ang nangyari sa'kin. Ayon daw sa mga witness, merong van na nawalan ng preno dahil nakaidlip ang driver niyon. Bumunggo ang van na iyon sa sinasakyan kong tricycle. Sinugod daw ako sa ospital kung saan nagtatrabaho ang mommy ni Ned bilang head nurse. Nang nakilala ako ni Tita Nelia, tinawagan agad niya ang parents ko.
At heto nga, gising na siya pero nanghihina pa rin. Higit sa lahat, nag-aalala siya dahil habang tumatagal siya doon, sigurado rin siya na mas lalong lumalaki ang hospital bills.
"Mama, hindi pa po ba ko puwedeng lumabas?" tanong ko sa mama ko na nakaupo sa silya sa tabi ng hospital bed ko. "Siguradong mahal na ang hospital bill ko dahil private room ito..."
"'Wag mo nang isipin 'yon, anak," nakangiting sabi ni Mama sa'kin. Pero kahit nakangiti siya, halata pa rin sa mukha niya ang pagod. Namamaga nga rin ang mga mata niya, eh. "Mag-focus ka na lang sa pag-recover, okay?"
Tumango ako kasi ayoko nang dagdagan pa ang pag-aalala ni Mama. "Okay po."
***
[LAURA]
TWO weeks ago...
KULANG ang sabihin na nag-aalala si Laura para sa nag-iisa niyang anak na nasa medically-induced coma ngayon. In-assure naman siya ng mga doktor na stable na ang kalagayan nito. Pero sinabihan din siya nito na ihanda ang sarili niya dahil hindi raw magiging madali ang recovery process.
"Kakailanganin daw ni Lua ng therapist," pagbabalita ni Laura sa asawa niya habang naghahapunan sila sa canteen ng ospital. Ang nanay niya muna ang nagbabantay kay Lua na nasa ICU pa rin. Kadalasan, isa sa kanilang mag-asawa ang naiiwang magbantay sa anak nila. Pero kailangan nilang mag-usap ngayon kaya hinayaan niya muna sa kanyang ina ang pagbabantay kay Lua. "Iba't ibang klase ng therapist para maibalik ang motor skills niya."
"Huwag muna natin 'yong isipin, Laura," maingat na sabi ni Damian. "Sa ngayon, gusto ko lang magising na si Lua. Kahit sinabi naman ng mga doktor na maayos ang vital signs niya, hindi pa rin ako mapapakali hangga't hindi pa gising ang anak natin."
Napangiti siya dahil simula pa lang nang ipinagbubuntis niya sa Lua, si Damian na talaga ang tumayong ama sa anak niya. Mabilis ding nawala ang ngiti niya dahil naalala niya ang dahilan kung bakit gusto niyang makausap ang asawa niya nang silang dalawa lang. "Damian, nabanggit ko sa'yo na aksidenteng nagkita kami ni Desmond no'ng nakaraan, 'di ba?"
Naging seryoso na rin si Damian. Sumimsim muna ito ng kape bago sumagot. "Oo, nabanggit mo nga."
"Damian, may pakiramdam ako na alam na ni Desmond ang tungkol kay Lua," matapat na sabi niya. "Naisip ko lang na baka kailangan niyang malaman ang nangyari sa anak natin."
"Dahil ba ito sa hospital bills?" maingat na tanong ng asawa niya. "Nag-aalala ka ba dahil sa mga bayarin kaya naiisip mong lumapit kay Desmond Quindall?"
"Hindi ko 'yan maitatanggi," matapat na sagot niya. "Malaki ang gagastusin natin dito lalo na't hindi naman dito matatapos ang pangangailangan ni Lua. Kapag nagising na siya, mangangailangan naman siya ng rehabilitation. Masasagad ang savings na inipon natin para sa pagpasok niya sa college sa susunod na taon."
"Marami naman tayong malalapitan, Laura," parang nag-aalalang sabi nito. "Kailangan ba talagang lumapit pa tayo kay Desmond Quindall?"
"Hindi lang naman 'to ang dahilan," katwiran niya. "Bago pa nangyari ang aksidente, dumaan na 'to sa isip ko matapos naming aksidenteng magkita ni Desmond. Pero dahil sa nangyaring ito ngayon, mas lalo akong nakumbinsi na may karapatan siyang malaman ang tungkol kay Lua." Ayaw man niya, hindi niya napigilang maging emosyonal nang maalala niya ang hitsura ng anak niya nang abutan niya ito sa ospital. Walang malay si Lua no'n kaya akala talaga niya ay nawala na sa kanila ang anak nila. "Na-realize ko na ayokong malaman ni Desmond ang tungkol kay Lua kung kailan huli na ang lahat."
![](https://img.wattpad.com/cover/171108218-288-k286883.jpg)