[LUA]
TWO years ago...
THESE past three months have been the worst period in my life yet. I had moderate traumatic brain injury and the road to recovery wasn't easy.
Nang magising ako mula sa pagka-coma, hindi ko agad nabawi ang lakas. Madalas pa rin akong nakakatulog. Hirap din akong magsalita at kumilos. Pero eventually naman, bumalik din ang lakas ko na sapat na para masimulan ko ang physical therapy ko.
Pero hindi lang iyon ang klase ng therapy na kinailangan ko para tuluyang maka-recover. Dumaan kasi ako sa point na sobrang na-stress ako. Ang tagal ko na kasing hindi nakakapasok kaya napag-iiwanan na ko sa klase. Grade 10 na ko at gusto kong mag-move up sa senior high kasabay ng mga kaibigan ko. Ayokong mapag-iwanan ng batch namin.
Inabutan na nga ako ng Christmas vacation.
Hindi ko alam kung pa'no na-convince nina Mama at Papa ang school ko pero ayon sa kanila, sa January daw ay mag-te-take ng mga exam para sa second grading period na na-miss ko. Kung maipapasa ko raw iyon, makaka-graduate ako kasama ng classmates ko at iyon ang motivation ko ngayon. Nagsimula na rin ang third grading period at magkakaro'n ng periodical test ng mid-January. Kailangan ko ring maipasa iyon.
Kaya ibubuhos ko sa pagre-review ang buong Christmas vacation ko.
Ipinahiram sa'kin nina Ned, Ward, at Nia ang lahat ng notes nila. Saka nag-promise din sila na araw-araw akong dadalawin para tulungang mag-review.
"Anak, naiintindihan ko na gusto mong makahabol sa classmates mo pero sana naman, maghinay-hinay ka," paalala sa'kin ni Papa nang puntahan niya ko sa kuwarto ko para dalhan ng merienda. Naabutan niya kong nasa study table ko at nagso-solve ng math equation sa workbook ko. "Baka mamaya, sumakit ang ulo mo."
"Okay lang po ko," nakangiting sagot ko, saka ko sinara ang workbook ko. Pagkatapos, kinuha ko mula kay Papa ang dala niyang sopas para sa'kin. "Salamat po sa merienda."
Ngumiti lang si Papa. Pagkatapos, tumingin siya sa pinto ng kuwarto ko na parang may hinihintay. "Laura, halika na rito."
Napatingin ako sa pinto at nagtaka nang makita si Mama na nakatayo lang doon. "Mama, anong problema?"
Humugot ng malalim na hininga si Mama, saka siya pumasok sa kuwarto ko. Pagkatapos, naglakad siya palapit sa'kin at umupo sa kama ko– paharap sa'kin. Napansin ko ang pag-aalala sa mukha niya kahit nakangiti siya. "Lua, may kailangan kang malaman."
At iyon ang moment na bumago sa buhay ko.
***
[DAX]
"SON, I need to talk to you."
Inalis ni Dashiel ang headphones niya pero hindi siya kumilos mula sa pagkakaupo sa kama niya habang nakasandal sa headboard. Pinause niya muna ang pinapanood na video tungkol sa game tutorial na nilalaro niya bago siya tumingala sa daddy niya. Nakatayo ito sa gilid ng kama niya habang nakahalukipkip at nakatingin pababa sa kanya. "About what, Dad?"
Bumuga ng hangin ang daddy niya habang iiling-iling. Nang ma-realize siguro nito na wala siyang planong tumayo at sumunod dito sa study, ito na ang nag-adjust. Umupo ito sa gilid ng kama niya habang nakatingin sa kanya. "Dashiel, hindi mo siguro magugustuhan ang sasabihin ko pero kailangan mo 'tong malaman." Humugot muna siya ng malalim na hininga bago nagpatuloy. Nakadalawang-malalim na hininga na ito kaya sigurado siyang kabado ito. "Recently, I found out that I have a daughter with another woman– and she's the same age as you. Hindi ako naging faithful sa mommy mo no'ng hindi pa kami kasal kaya nagkaro'n ka ng half-sibling. I know it's hard but please try to accept your sister and treat her well."