#RK 19: THE PAST (5)

606 47 4
                                    

[LUA]

ONE year ago...

"HAPPY NEW year po, Sir Desmond," bati ko sa kanya. "Salamat po sa pagpunta at pagdadala ng mga pagkain at gifts."

"Wala 'yon, Lua," nakangiting sagot ni Sir Desmond. "Tumawag sa'kin si Laura at sinabi niyang gusto mo raw akong makita ngayon. That made me happy, daughter."

Gabi na nakarating si Sir Desmond sa bahay nila kaya himbis na sa swing sa bakuran, nag-uusap kami ngayon sa kusina ng bahay namin. Para bigyan kami ng privacy, lumabas muna ng bahay sina Mama at Papa. Kurtina lang kasi ang nakapagitan sa sala at kusina namin. Baka raw mailang akong magsalita kung alam kong naririnig nila ang pinag-uusapan namin ng biological father ko. Kaya nagprisinta silang lumabas muna.

"Hindi ko na po patatagalin 'to para hindi na po kayo gabihin," polite na sabi ko. Kahit kasi kagabi pa ang New Year's Eve, marami pa rin sa mga kapitbahay namin ang nag-iinuman at nagsisindi ng mga tira-tirang paputok. Ayoko namang may mangyaring masama sa kanya kapag pauwi na siya. "Sir Desmond, gusto ko po sanang malaman kung anong gusto niyong gawin kapag tinanggap ko po ang apelyido niyo."

Halatang nagulat si Sir Desmond pero mas nangibabaw ang tuwa sa mukha niya. "Gusto ko sanang tumira ka sa bahay namin at mag-aral sa school na pinapasukan ng kapatid mo."

Nagulat ako do'n kaya hindi agad ako nakapag-react.

"Nabanggit ko na ito sa Mama at Papa mo," paliwanag niya nang mapansin siguro niya ang shock ko. "Ang sabi nila, sabihin ko raw muna sa'yo ang plano ko. Kapag alam mo na raw, saka niyo raw pag-uusapan ang magiging desisyon niyo. Kaya hija, 'wag kang mag-alala. Hindi ko agad hihingin ang sagot mo ngayon. For now, I just want to let you know about my plans."

Nakahinga ako ng maluwag kasi nataranta ako ng konti sa nalaman ko. "Thank you po sa pagbibigay sa'kin ng time para makapag-isip."

Ngumiti lang siya, saka siya nagpatuloy sa pagsasabi ng plano niya. "Don't get me wrong, Lua. Kung papayag kang tumira sa'min, hindi naman kita pagbabawalang makita ang Mama at Papa mo. Puwede kang dumalaw sa kanila kahit kailan mo gusto."

"Pero bakit po gusto niyong lumipat pa ko ng school?" curious na tanong ko. "Okay naman po ako sa school ko. Kung gusto niyo po kong suportahan, puwede niyo naman po akong bigyan na lang ng financial support."

Hindi ko alam kung iisipin niyang mukha akong pera.

Pero sa totoo lang, pagkatapos naming mag-usap ni Papa no'ng nakaraan, naisip ko na wala namang masama kung tatanggapin ko ang binibigay na financial support ni Sir Desmond. Bukod sa makakabawi na sa'kin ang biological father ko, makakaluwag-luwag na rin sina Mama at Papa. Alam ko kasing sobra-sobra ang pagtitipid nila dahil gusto nilang makapag-college ako sa isang kilala at malaking university sa Manila.

"Gusto sana kitang makasama, anak," mayamaya ay sabi ni Sir Desmond. "Gusto kitang makilala. I want to make up for the lost time. Kung papayag ka, gusto ko rin sanang makilala mo ang asawa at anak ko. They both wanted to meet you, too."

"Gusto ko rin naman pong makilala kayo," matapat na sagot ko na nagpangiti sa kanya. "Pero nag-aalala po ako kina Mama at Papa. Kung sasama po ako sa inyo, walang maiiwan para bantayan at alagaan sila. Ako lang po ang nag-iisa nilang anak, sir."

Hindi ko alam kung alin sa mga sinabi ko ang nakasakit sa kanya pero ayun, mukhang nalungkot at nadismaya siya sa sagot ko. "Lua, pag-isipan mo pa sana ang tungkol sa offer ko."

"Sige po," pagpayag ko kasi nakokonsensiya ako na parati ko na lang siyang nasasaktan sa mga desisyon ko. "Kakausapin ko po muna sina Mama at Papa bago po ako magbigay sa inyo ng final decision."

RICH KIDSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon